Isa sa mga prayoridad ng SSS ang pagpapalawig ng social security coverage at protection sa mga self-employed professionals lalo na ang Job Order (JO) at Contract of Service (COS) workers sa National Government Agencies (NGAs), State Universities and Colleges (SUCs), Local Government Units (LGUs) at Local Water Districts (LWDs).
Ang mga JO/COS workers kasi, bagamat sila ay nagtatrabaho sa gobyerno ay hindi sila sakop ng Government Service Insurance System (GSIS) benefits dahil sa kanilang employment status. Kung nais man nila magkaroon ng social security benefits, maaari silang magrehistro sa SSS bilang self-employed member. Subalit, kanya-kanya sila sa pagbabayad ng SSS contribution para masigurong qualified silang makatanggap ng benepisyo at loan.
Para matulungan pa ang mas maraming JOs and COS workers, nakipagugnayan ang SSS sa NGAs, SUC, LGUs at LWDs sa buong bansa para lumagda ng kasunduan sa ilalim ng KaSSSangga-Collect Program.
Dito pa lamang sa lungsod ng Baguio mula Enero hanggang Agosto 2023, apat na LGUs at 10 NGAs ang sumali sa KaSSSangga-Collect Program para sa social security protection ng kanilang 230 JOs/COS workers.
Ano nga ba ang nakapaloob sa kasunduan at paano makikinabang rito ang JO and COS workers? Irerehistro sila ng SSS bilang self-employed members. Kung sakaling rehistrado na sila sa SSS dahil dati na silang nagtatrabaho sa pribadong sektor o abroad, tutulungan sila ng SSS na baguhin ang kanilang membership type mula employed/OFW to self-employed member. Samantala, responsibilidad ng participating partner na ikaltas ang SSS contribution sa sahod ng manggagawa ati-remit ito sa SSS.
Malaking tulong ito sa JO at COS workers dahil hindi na nila iintindihin ang deadline para makapagbayad ng SSS contribution kada buwan. Ang kanilang ahensya na kasi mismo ang magaasikaso sa pagreremit ng kontribusyon sa SSS. Makakasiguro rin na tuluy-tuloy ang paghuhulog ng kontribusyon para maging qualified sila sa iba’t ibang benepisyo gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, death at funeral benefits at loan privileges gaya ng salary, calamity loan at pension loan (para sa retiree pensioner).
Bilang self-employed members, maaari rin sila makatanggap ng Employees’ Compensation (EC) benefits kung work-related ang pagkakasakit, natamong pinasala o pagkamatay.
Kung sakaling dumating ang panahon na sila ay maging regular na empleyado sa gobyerno, maaari nilang ipagpatuloy ang paghuhulog ng SSS contribution bilang Voluntary member habang sila ay covered na ng GSIS. Kung sakali namang sila ay mahiwalay sa trabaho at lumipat sa pribadong sektor, sila ay magiging Employed member. Wala silang dapat ikabahala dahil ang inihulog nilang SSS contribution noong sila ay JO/COS ay hindi mababalewala dahil kasama pa rin iyon sa kanilang contribution records. Gagamitin pa rin iyong basehan kung sila ay kukuha ng bepenepisyo sa SSS. Ganoon din ang mangyayari kung sila ay naging OFW o nagtayo ng sariling negosyo – kinakailangang ituloy lamang ang kanilang pagbabayad ng kanilang SSS contribution.
Ang KCP ay isang patunay na isinusulong ng SSS ang vision nito na makapagbigay ng “universal at equitable social protection”. Lahat ng manggagawang Pilipino, ano man ang kalagayan at katayuan sa buhay, ay mapagkakalooban ng pantay pantay na pangkalahatang proteksyon.
Panghuli, nananawagan ang SSS sa iba pang ahensiya ng gobyerno na may Job Order at Contract of Service Workers na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na sangay ng SSS para sa membership coverage ng kanilang mga JO/COS workers.
Kung may paksa o katanungan sa SSS na nais niyong pag-usapan, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph