May kasabihan tayo na magastos ang magkasakit. Bukod sa mga gamot na kailangan nating bilhin, nariyan rin na hindi natin maiiwasang lumiban sa ating trabaho ng ilang araw para magpagaling. Dahil diyan, siguradong may bawas ito sa ating sasahurin sa katapusan ng buwan. Buti na lang mayroong benepisyo sa SSS kung ikaw ay magkasakit.
Ang SSS Sickness Benefit ay cash allowance na ibinibigay sa mga miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa pagkakasakit o natamong pinsala sa katawan. Mas pinadali na ang proseso ng Sickness Benefit dahil online na ang pagpasa ng aplikasyon gamit ang My.SSS account.
Tulad ng iba pang SSS Benefits, may mga qualifying conditions na kailangang masunod para maka-avail ng benepisyong ito. Una, ang miyembro ay hindi dapat nakapagtrabaho dahil sa sakit o injury at na-confine sa ospital o sa bahay nang hindi bababa sa apat na araw. Ikalawa, hindi dapat bababa sa tatlong buwang hulog na kontribusyon ng miyembro sa loob ng 12-month period bago ang semester ng pagkakasakit o injury. Magbibigay tayo ng halimbawa nito kung paano ito matutukoy. Ikatlo, kung employed ang member, dapat ay nagamit na niya lahat ng kanyang current company sick leave with pay. Ika-apat, dapat ay nakapagbigay ng Sickness Notification ang miyembro sa kanyang employer, kung siya ay employed member.
Sa ilalim ng batas ng SSS, ia-advance muna ng employer ang benepisyo sa kanyang empleyado saka ito magpapasa ng Sickness Benefit Reimbursement Application sa kanilang My.SSS Employer account. Bago ito gawin ng employer, ang employee ay dapat makapagsumite ng kanyang Sickness Notification sa loob ng limang araw ng kanilang pagkakasakit. Kung hindi nila ito nagawa sa takdang panahon, makaka-apekto ito sa compensable days ng empleyado o yung araw na babayaran ng SSS.
Kung Self-employed o Voluntary member naman, direkta na nilang ipapasa ang aplikasyon para sa Sickness Benefit sa kanilang My.SSS account. Ihanda lamang ang mga dokumento na kailangan i-upload. Bisitahin ang ating website (www.sss.gov.ph) para sa kumpletong listahan nito.
Ang halaga ng sickness benefit ay katumbas ng 90% ng Average Daily Salary Credit (ADSC) ng miyembro. Ito ay ang tatlo o anim na pinakamataas na Monthly Salary Credit bago ang semester ng pagkakasakit na dinivide sa 180 days. Ang MSC ay ang compensation base para sa kontribusyon at mga benepisyo na batay sa buwanang kita ng isang SSS member.
Bilang halimbawa kung paano kinokompyut ang Sickness Benefit, tignan natin ang kaso ng isang SSS member na si Miguel. Naadmit siya sa ospital ng 20 araw mula January 10, 2024 hanggang January 30, 2024. Aktibo siyang nagbabayad ng kaniyang kontribusyon sa SSS sa halagang P2,800 kada buwan. Katumbas niyan ay P20,000 na Monthly Salary Credit (MSC).
Sa kaso ni Miguel, ang kanyang semestre ng pagkakasakit ay mula October 2023 hanggang March 2024, kung saan hindi natin ibibilang ang kanyang mga kontribusyon sa panahong ito. Ang semester ay dalawang magkasunod na quarters o anim na buwan kung saan ang pagkakasakit ay nasa ikalawang quarter.
Magbibilang tayo ng 12 buwan pabalik mula sa semestre ng kaniyang pagkakasakit. Ito ay mula October 2022 hanggang September 2023, kung saan nakapaghulog dapat siya ng hindi bababa sa tatlong buwan.
Kung buo ang kanyang hulog sa nakalipas na isang taon, pipiliin natin ang anim na pinakamataas na MSC at susumahin ito upang malaman ang kanyang total MSC. Matapos nito ay kailangan divide naman sa 180 araw para malaman ang kanyang Average Daily Monthly Salary Credit (ADSC), na siya namang imu-multiply sa 90% para makuha ang halaga ng kanyang daily sickness allowance. Para makuha ang total sickness benefit ni Miguel, kailangang sumahin ang kanyang daily sickness allowance sa bilang ng araw na naaprubahan ng SSS para sa kanyang pagkakasakit.
Kung ang Monthly Salary Credit ni Miguel sa loob ng October 2022 hanggang September 2023 ay P20,000. Kukuha lamang tayo ng anim na buwan mula rito, kaya ang kanyang kabuuang MSC ay P120,000 (P20,000 x 6). Lalabas na ang ADSC ay P666.66 (P120,000.00/180). I-multiply ang P666.66 sa 90% para malaman ang daily sickness allowance. Batay sa ating computation, ang daily sickness allowance ni Miguel ay P599.99.
Sabihin natin na ang naaprubahang sickness benefit ni Miguel ay 20 days. Lalabas na ang kanyang kabuuang Sickness Benefit ay P11,999.88; o P599.99 kada araw sa loob ng 20 days.
Kapansinpansin na nakadepende ang halaga ng benepisyo sa halaga ng inihuhulog na kontribusyon ng miyembro. Mas mataas ang hulog, asahang mas mataas din ang matatanggap na benepisyo. Kaya pinapayuhan natin ang mga miyembro na siguruhing nababayaran nang tama at ayon sa schedule ang kontribusyon kada buwan para maiwasan ang gaps sa inyong records at makasisigurong qualified sa SSS benefits.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa online filing ng Sickness Notification at Sickness Benefit, maaaring basahin ang SSS Circular No. 2021-019 sa SSS Website https://www.sss.gov.ph/sss/DownloadContent?fileName=CI2021-019.pdf.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.