Going digital na ang SSS kaya naman ang iba’t-ibang transaksyon ay available na sa My.SSS Portal, kabilang na rito ang online filing ng Sickness Benefit. Mas convenient na ang prosesong ito dahil nasa bahay man sila o opisina ay maaari na silang magpasa ng aplikasyon nang hindi kinakailangang pumunta sa SSS branches.
Bago magpasa ng online application, dapat ay mayroon ng My.SSS account ang miyembro at may nakarehistrong disbursement account sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module (DAEM).
Tandaan din ang mga sumusunod na general requirements para mag-qualify sa sickness benefit. Una, dapat ay may hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon ang miyembro sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit. Halimbawa, kung nagkasakit ang miyembro ngayong February 2023, dapat ay hindi bababa sa tatlong buwan ang kaniyang kontribusyon mula October 2021 hanggang September 2022 dahil ang February 2023 ay nakapaloob sa semester of contingency na mula October 2022 hanggang March 2023.
Pangalawa, dapat ang pamamalagi sa ospital (hospital confinement) o bahay (home confinement) ng miyembro ay hindi bababa sa apat na araw.
Pangatlo, kung employed ang miyembro, dapat ay naubos na niya lahat ng kaniyang company sick leave with pay. Kung sakaling may natitira pang leave credits ang empleyado ngunit hindi na ito sapat para i-cover ang kabuuang araw ng kanyang hospital o home confinement, maaari pa ring niyang i-file ang sickness benefit. Halimbawa, naospital ang empleyado ng 15 days at 10 days na sick leave with pay ang ibinigay ng kumpanya, ang natitirang limang araw lamang ang babayaran ng SSS.
Panghuli, kung employed member ang aplikante, dapat ay nakapagsumite ng Sickness Notification sa kaniyang employer sa pamamagitan ng kaniyang My.SSS account. Samantala, ang individual members naman ay dapat magsumite ng sickness notification direkta sa SSS gamit ang kanilang online account.
Kung magpapasa na ng benefit application ang individual members, mag log-in sa My.SSS Account. I-click ang “Submit Sickness Benefit Application” sa ilalim ng “E-Services” Tab. Basahin ang mga importanteng reminders at i-click ang “Proceed.” I-encode ang mga hinihinging impormasyon at i-click ang “Proceed” para masuri ng SSS ang mga dokumento at kumpirmahin kung eligible na makatanggap ng sickness benefit ang miyembro. Matapos nito, i-upload ang mga supporting documents gaya ng hospital o medical records.
Tandaan na ang maximum file size ay 2 MB lamang. Nais namin paalalahanan ang mga miyembro na suriing mabuti ang mga ineencode na impormasyon at siguruhing tugma ito sa mga iuupload na dokumento para maiwasang mareject ang claim. Basahing mabuti ang certification portion at i-click ang “I Certify and Submit.” Kunin ang transaction details na naka-flash sa screen. Makakatanggap din ng system-generated email ang miyembro na nagsasabing matagumpay ang naipasang aplikasyon.
Kung aprubado na ang benefit claim, direktang idedeposito sa rehistradong disbursement account ang kanilang benepisyo.
Sa kaso ng employed members, mahalagang ipasa nila ang sickness notification online gamit ang kanilang My.SSS Account. Dahil naka-community quarantine pa rin ang bansa dahil sa pandemya, maaari pa nilang ipasa ang sickness notification sa loob ng 60 days matapos i-lift ang community quarantine.
Samantala, ang isinumiteng sickness benefit application ng employed member ang magiging basehan ng employers sa pagcocompute ng benepisyong iaadvance nila sa kanilang empleyado. Ayon sa Republic Act 11199 or Social Security Act of 2018, dapat bayaran muna ng employer ang benepisyo sa kanyang empleyado bago sila mag-file ng Sickness Benefit Reimbursement Application sa kanilang My.SSS account.
Pinapayuhan ang employed members na isumite ang supporting documents sa kanilang employers para maisumite nila ang Sickness Benefit Reimbursement Application online at agad itong maproseso at mabayaran ng SSS. I-check din dapat ng miyembro ang kanilang email inbox dahil nagapapdala ang SSS ng email para kumpirmahin kung natanggap na nila ang benepisyo na galing sa kanyang employer. Kung sa kabila ng mga follow-up ng miyembro ay walang paunang bayad na ginawa ang employer, maghain ng pormal na reklamo sa SSS at magdala ng supporting documents gaya ng employment certificate, ID, payslips.
Magpadala lamang ng email rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.