Noong nakaraang kolum, napag-usapan natin ang tungkol sa Mandatory Provident Fund ng SSS o ang Workers’ Investment and Savings Program (WISP). Ito’y isang additional saving scheme para sa mga miyembrong nagbabayad ng Monthly Salary Credit (MSC) na lagpas sa P20,000. Para naman sa mga miyembrong hindi pasok sa mataas na MSC bracket subalit nais sumali sa investment program ng SSS, narito naman ang SSS Voluntary Provident Fund o ang WISP Plus.
Bago natin talakayin ang WISP Plus, ipaliwanag muna natin ang dalawang konsepto ng Social Security schemes – ang Defined Benefit at Defined Contribution. Sa ilalim ng Defined Benefit, ang mga benepisyong matatanggap ng mga miyembro ay mula sa pinagsama samang kontribusyon ng lahat ng miyembro. Nakatakda na rin ang mga benepisyong matatanggap at nakabase ito sa qualifying conditions. Halimbawa, ang Maternity Benefit ay para lamang sa mga babae, ang Sickness Benefit ay para sa mga miyembrong may sakit, ang Disability Benefit ay maibibigay sa mga nabaldang miyembro, ang Retirement Benefit ay para sa mga matatandang edad 60 pataas at may 120 buwan kontribsuyon. Ang Social Security System (SSS) ay isang halimbawa ng Defined Benefit.
Ang Defined Contribution naman ay para sa karagdagang benepisyo ng bawat individual member. Nakadepende ang matatanggap na benepisyo mula sa mabubuo o accumulated value ng kontribusyon at investment earnings. Dito papasok ang WISP Plus. Maaaring magdagdag ang miyembro ng kontribsuyong binabayaran sa SSS buwan-buwan para pumasok ito sa kaniyang WISP Plus account.
Sa WISP Plus, ang mga kontribsuyon ay kikita ng compunded interest dahil ang investment income na idini-distribute kada taon ay magiging bahagi na rin ng total account value ng miyembro. Abot-kaya at tax-free ang WISP Plus dahil 1% lamang ang ipinapataw na management fee at icha-charge sa total accumulated account value ng miyembro.
Ang minimum contribution sa WISP Plus ay P500 kada bayad. Maaaring gawin ang pagbabayad anumang oras basta’t may Payment Reference Number (PRN) na ige-generate sa My.SSS. Bago magpasok ng kontribusyon para sa WISP Plus, siguruhing bayad na ang SSS contribution sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, kailangang bayad na ang SSS contribution para sa buwan ng Mayo bago magbayad ng WISP Plus contribution.
Para sa employed memebrs, sila ay makakapag-contribute ng WISP Plus kung sila ay mayroong hindi bababa sa isang posted contribution sa regular Social Security (SS) program sa nakalipas ng tatlong buwan.
Ang lahat ng kontribusyon sa WISP Plus ay i-invest ng SSS alinsunod sa requirements nito ng liquidity, safety, security, at yield. Sa katapusan ng taon, magkakaroon ito ng investment income base sa interest rate na idineklara ng SSS.
Sa ikalima o higit pang taon, maaari nang ma-withraw ito nang partial o full. Sa mga miyembro na nasa ikalawa hanggang ikaapat na taon, maaari namang magsagawa ng partial o full withdrawal ngunit magkakaroon ito ng reduced income na nakadepende sa taon ng pagmi-miyembro sa WISP Plus.
Tandaan na walang withdrawal ang maaaring gawin sa unang taon maliban kung may kinakaharap na extreme hardship situation ang miyembro. Ilan sa halimbawa nito ay ang critical illness, involuntary separation from employment, repatriation mula sa host country (kung OFW), at iba pang kaparehong situation na na-determina ng SSS.
Sa unang taon ng implementasyon ng WISP Plus, ang pondo nito ay umabot ng P386 milyon na mula sa mahigit 30,000 miyembro. Nagkaroon ito ng return of investment (ROI) na 6.86 percent noong 2023. Sa pamamagitan ng pag-impok sa WISP Plus, nakakakuha ang mga miyembro ng karagdagang proteksyon sa social security sa pamamagitan ng mga karagdagang benepisyo.
Kung ang isang WISP Plus contributor ay nag-invest ng P10,000 sa simula ng 2023, kumita na siya ng P690 na reasonable amount dahil na kung inilagay niya iyon sa bank savings account, kumita lamang siya ng 1 percent o katumbas ng P100.
Para sa mga nagnanais ng sumalis sa WISP Plus, mag-enrol lamang sa inyong My.SSS Account.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.