Disyembre na naman at magpapakso na! Marahil may ilang pagbabago sa ating taunang pagdiriwang dahil ipinagbabawal pa rin ang mga pagtitipon at pinapayuhan ang lahat na panatilihin ang social distancing upang maging ligtas mula sa lumalaganap na sakit na COVID-19. Subalit, sa kabila ng pandemyang ito, hindi magbabago ang nakagawiang tradisyon ng SSS na magbigay ng munting handog sa ating mga pensyonado bago sumapit ang kapaskuhan.
Nito lamang Disyembre 1 at 4, natanggap na ng ating mga pensyonado ang kanilang taunang 13th month bonus. Dati rati ay tuwing ika-pito ng Disyembre nila ito natatanggap. Ngunit sa taong ito, mas pinaaga ng SSS ang pagpapaabot ng kasiyahan kina lolo at lola. Maliban pa sa kanilang bonus, matatanggap din nila ang kanilang regular na December pension.
===
Speaking of bonus, marahil ay natanggap na ng karamihan ang kanilang mga Christmas bonus. Paalala ng SSS lalo na sa mga Self Employed at Voluntary members na huwag kaligtaan ang pagbabayad ng inyong SSS contributions at loan amortizations. Bagama’t wala namang penalty sa mga hindi nakapagbayad ng kanilang contributions sa takdang oras, malaki ang epekto ng pagkakaroon ng gaps sa inyong contribution records sa makukuha ninyong short term benefit. Samantala, may ipapataw naman na multa kada buwan kung hindi nabayaran ang utang sa takdang oras. Kaya’t huwag hayaang maipon ito dahil wala pang napag-uusapan ang SSS tungkol sa susunod na Loan Restructuring Program (LRP). Noong nakaraang linggo, tatlong email kasi ang aking natanggap dahil humihingi sila ng updates tungkol sa susunod Loan Restructuring Program o Loan Condonation. Wala pa pong schedule pagdating sa usapin na iyan.
===
Mula sa ating inbox:
Good day! Makaka-avail pa ba ako ng benefits sa SSS? Naputulan kasi ako ng daliri. Last na hulog ko is noong March mula noong nagkapandemic. Nawalan ako ng trabaho kaya hindi ko nahulugan ang aking SSS. Ngayon ay nagttarabaho ako sa palengke bilang isang butcher. Aksidente pong naputulan ako ng daliri. Paano kaya ito? Magagamit ko pa din kaya ang aking SSS kahit hindi updated ang aking hulog?
Maraming salamat po. Sana ay masagot ninyo ang katanungan ko. -REY GONZALES
Sa SSS, nagbibigay tayo ng Disability Benefit. Nahahati ito sa dalawang klase – ang Permanent Partial Disability at Permanent Total Disability.
Maituturing na Permanent Total Disability ang mga kapansanan kung ang miyembro ay nagtamo ng pagkabulag ng kanyang dalawang mata, pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa, permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang kamay o dalawang paa, pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip at iba pang kaso na itinuturing ng SSS sa ilalim ng kategoryang ito.
Samantala, maituturing na Permanent Partial Disability ang mga natamong pinsala gaya ng pagkaputol ng alinmang bahagi ng kanilang katawan tulad ng isang hinlalaki ng kamay o paa, isang hintuturo, isang hinlalato, isang palasingsingan, isang hinliliit, isang kamay, isang braso, isang paa, isang binti, isa o dalawang tainga, pagkawala ng pandinig ng isa o dalawang tainga, paningin o pagkatanggal ng isang mata. Batay sa inyong kuwento, pasok po kayo sa Permanent Partial Disability.
Kaugnay nito, may dalawang klase rin ng pagbibigay ng disability benefits– ito ay sa pamamagitan ng monthly pension at lump sum.
Makatatanggap ng monthly pension ang miyembro kung nakapaghulog siya ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagkakabalda. Halimbawa, kung nabalda ka ngayong buwan ng Disyembre, ang semestre ng iyong pagkabalda ay mula Hulyo 2020 hanggang Disyembre 2020. Samakatuwid, dapat ay may hulog ka ng hindi bababa sa 36 buwan bago mag-Hulyo 2020. Ang halaga ng monthly pension ay batay naman sa halaga ng kontribusyong naibayad at sa tagal at haba ng pagiging miyembro ng SSS o ang tinatawag na Credited Years of Service (CYS).
Kung hindi umabot sa 36 months ang iyong contribution, lump sum naman ang matatanggap ng miyembro. Kung ang katumbas na buwan ng naaprubahang grado ng pagkabalda ay mas mababa sa 12 buwan, lump sum amount din ang matatanggap ng miyembro.
Pinapayuhan din namin kayo na i-check ang inyong contribution records sa pamamagitan ng inyong My.SSS accounts para kahit papaano ay malaman ninyo kung kwalipikado kayong makatanggap ng monthly pension o lumpsum.
Para mag-apply, dalhin lamang ang inyong hospital records o anumang medical certificate tungkol sa inyong pagkabalda at i-attach ito sa Disability Benefit Application Form na makukuha sa SSS branch. I-submit ito sa dropbox na nasa labas ng opisina at hintayin ang tawag ng aming Medical Center para sa iyong assesment. Huwag kalimutang ilagay ang kumpletong contact details sa inyong application.
Nawa’y natugunan namin ang inyong katanungan tungkol sa Disability benefit. Maraming Salamat Kuya Rey.
Kung may mga karagdagang katanungan o paksang nais pag-usapan, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.