Ipinagdiwang ni Senador Pia Cayetano nitong Miyerkules ang matagumpay na alok ng Pilipinas na maging host ng FIVB Volleyball Men’s World Championship na gaganapin sa September 12 hanggang 28 sa susunod na taon.
“This further reinforces our country’s track record in staging world-class events,” ayon kay Cayetano mula sa pahayag na ginawa ng International Volleyball Federation (FIVB) noong March 20, 2024.
Nasa Lausanne, Switzerland si Senador Pia para sa huling yugto ng bid ng bansa na maging host ng kompetisyon.
Ayon sa FIVB, ang Pilipinas ang nagwagi sa bid “sa gitna ng kumpetitibong hanay ng mga potensyal na host.” Magtitipon ang 32 pinakamahuhusay na koponan ng volleyball sa buong mundo na naglalaban para sa kampeonato.
Bilang dating atleta ng volleyball sa bansa, sinabi ni Cayetano na matagal niya nang adhikain na gawing mas accessible ang sports, lalo na sa mga kabataan. “I have always believed that sports can transform communities and change lives. It has the power to bring together a country and other nations.
This is one of those opportunities,” wika niya. Sinabi rin ng senador na “excited” siya na sa Pilipinas — isang bansang may matinding pagmamahal sa sports — gaganapin ang pinakamataas na antas ng kompetisyon sa men’s volleyball.
“We get to bring this international competition to the Philippines, for the Filipino people to witness it first-hand,” sabi niya. Sinabi ni Cayetano na mayroon na ngayong karangalan ang Pilipinas na tanggapin ang 32 koponan gayundin ang mga tao mula sa iba’t ibang lugar sa mundo upang masaksihan ang kilalang “Filipino hospitality” at makulay na kulturang Pilipino.
“Our country is a volleyball-loving country. And it is with great pleasure that we welcome FIVB and Volleyball World to the Philippines,” aniya