Bukod sa Employed, Self-Employed, Voluntary at Non-Working Spouse, mayroon ding OFW membership category sa SSS. Alinsunod ito sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 na kung saan compulsory ang SSS coverage ng mga OFWs. Ibig sabihin, ang mga land-based at sea-based OFWs na hanggang 60 taong gulang (up to the 60th birthday) na palabas ng bansa ay kailangang maging miyembro ng SSS.
Ngayong taon, ang minimum contribution ng mga OFWs ay P1,120 at ang maximum ay P4,200. Kapalit ng SSS contribution ay pitong benepisyo: Sickness, Maternity, Disability, Unemployment, Retirement, Death at Funeral. Wala pa riyan ang pribilehiyong magkapag-loan sa ilalim ng Salary, Calamity, Educational, at Pension Loan.
Pinadali ang paraan ng pagbabayad ng mga OFWs ng kanilang contribution at loan dahil sa mga online payment or mobile app facilities tulad ng Bayad Online (dating CIS Bayad Center, Inc.); Billeroo, Gcash, iRemitx Maya, PayRemit, Rewire, Robinsons Bank, Security Bank, ShopeePay, Union Bank. Maaari din nilang gamitin ang SSS Website or SSS Mobile App para makapagbayad ng SSS contribution sa pamamagitan ng Billeroo (website) or Credit Card (Visa/Master/JCB/AMEX), GCash, Maya at BPI Online (mobile app).
Pinalawig pa ng SSS ang payment deadline para sa mga OFWs. December 31 ang deadline ng kanilang contribution payment para sa applicable months ng January to September ng kasalukuyang taon, samantalang January 31 ng susunod na taon ang deadline para sa applicable months ng October to December.
Sa ngayon, may 18 foreign offices ang SSS sa 12 na bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo kung saan maaaring magpunta ang ating mga kababayan para sumangguni. Ang foreign offices ng SSS ay nasa Abu Dhabi, Bahrain, Calgary, Doha, Dubai, Hong Kong, Jeddah, Kuwait, London, Los Angeles, Milan, New York, Riyadh, Rome, Singapore, Taipei, Toronto at Vancouver. Ang lokasyon ng ating foreign offices ay makikita sa loob ng ating embahada o punong konsul. Sa katunayan, may isa rin tayong SSS branch sa loob ng Department of Migrant Workers (DMW) Building sa Ortigas Avenue.
Dahil halos lahat ng transaksyon sa SSS ay online na, pinapayuhan ang lahat ng OFW members na magrehistro sa My.SSS Portal upang magkaroon ng sariling online account at makapag-transact kahit ano mang oras sa SSS.
Ngayong palapit na naman ang kapaskuhan, siguradong maraming OFWs ang magsisi-uwian upang makapiling ang kanilang mahal sa buhay. Ito na rin ang pagkakataon na ipaalala sa kanila ang magandang dulot ng aktibong SSS membership bilang OFW.
Marapat lamang na maproteksyunan sila ng SSS matapos ang ilang dekadang hirap at pagsusumikap sa ibang bansa upang maitaguyod ang kanilang pamilya. Sana ay huwag natin itong ipagwalang bahala dahil ito ang kanilang maaasahan sa oras ng kanilang pangangailangan, lalo na sa panahon na sila ay magreretiro na.