Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa SSS Funeral Benefit Program. Napapanahon ito hindi lang dahil sa panahon ng Undas ngayon pero dahil kamakailan lamang ay inilabas ng SSS ang bagong panuntunan tungkol sa benepisyong ito.
Ipaliwanag muna natin kung ano ang SSS Funeral Benefit. Isa itong cash benefit na ibinibigay bilang reimbursement sa surviving spouse o sa sinumang gumastos sa pagpapalibing ng namatay na miyembro.
Nitong huling araw ng Oktubre 2023, inianunsyo ng SSS, sa bagong SSS Circular 2023-009 na ang maximum funeral benefit ngayon ay aabot na sa P60,000, depende sa ibinayad na kontribusyon ng miyembro. Mula ito sa dating maximum na P40,000. Kinakailangan lamang na may hindi bababa sa 36 months contribution ang namatay na miyembro.
Samantala, kung mas mababa sa 36 months ang kontribusyon ng namatay na miyembro, tatanggap ang claimant ng fixed amount na P12,000.
Online pa rin ang application ng Funeral Benefit Claim. Kailangan lamang na may My.SSS account ang claimant, kung siya ay SSS member. Kung hindi SSS member ang claimant, over-the-counter pa rin ang filing
Ang benepisyo ay ibibigay sa claimant na naka-ayon sa sinusunod na Order of Priority. Una o prayoridad pa rin ang surviving legal spouse. Sunod ang mga anak o mga magulang o sinuman na makakapresenta ng proof of payment o resibo mula sa punerarya basta’t ang surviving legal spouse ang hindi nagbayad sa pagpapalibing, hindi na mahanap o makita, patay na o ang namatay na miyembro ay single at walang asawa.
Sakop ng Funeral Benefit ang mga gastos sa embalsamo; burial transfer services at permits; funeral services kasama ang church service fee o anumang katumbas sa ibang relihiyon; cremation o interment services; pagbili o pagrenta ng kabaong; pagbili o pagrenta ng nitso o vault o memorial lot sa sementeryo at columbarium; at bayad para sa memorial at funeral insurance plan. Ire-reimburse ang funeral expenses na nakasulat o nakalagay sa proof of payment subalit hindi hihigit sa na-compute na funeral benefit due.
May sampung taong prescriptive period ang Funeral Benefit mula sa buwan ng pagkamatay ng miyembro. Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa bagong guidelines ng benepisyong ito, maaaring i-access ang SSS Circular 2023-009 sa https://bit.ly/SSSCI2023-009.
Kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.