Ngayong nasa ikalawang buwan na tayo ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), samantalang naka-General Community Quarantine (GCQ) naman ang ibang lugar, maraming empleyado sa pribadong sector ang patuloy na naghihirap dahil sa kawalan ng kita at hanapbuhay mula sa kanilang mga pinapasukang kumpanya. Dahil wala na silang tinatanggap na sahod at unti-unti na ring nauubos ang kanilang ipon, hindi na nila alam kung saan pa sila makakakuha ng pangtustos sa araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Para sa ilang negosyo o business establishments na pansamantalang nagsara dahil sa krisis, makakaasa pa rin ang mga empleyado nito na may babalikan silang trabaho kapag nagumpisa na ang tinatawag na “new normal”. Dahil dito, nais din nating pasalamatan ang ilan sa mga negosyanteng nagpakita ng lubos na pagmamalasakit sa kanilang empleyado. Hindi na alintana ang naka-ambang na pagkalugi ng kanilang kumpanya at mas pinili pa rin na magpaabot ng tulong sa kanilang mga empleyado.
Subalit, paano naman ang mga empleyadong nagtatrabaho sa establisyimentong tuluyan nang nagsara o kaya naman kabilang sa mga tinanggal dahil napilitang magbawas ng tao at nalulugi na ang kumpanya?
Ito ngayon ang kahalagahan ng Unemployment Benefit Program ng SSS bilang pinakabago at ika-pitong benepisyo na maaaring makatulong sa ating mga miyembrong inboluntaryo at hindi inaasahang nawalan ng trabaho. Ito ay cash allowance na katumbas ng kalahati ng kanilang average monthly salary credit (MSC) na maaari nilang matanggap sa loob ng dalawang buwan. Isang beses lamang kada tatlong taon maaaring mag-apply sa benepisyong ito. Samantala, kung sakaling sa magkaparehong panahon ay nagkasabay ang dalawa o higit pang insidente ng pagkakahiwalay sa trabaho, ang pinakamataas na benepisyo lamang ang babayaran ng SSS.
Upang ma-qualify sa unemployment benefit, hindi dapat hihigit sa 60 taong gulang ang miyembro. Para naman sa underground at surface mineworkers, hindi dapat higit sa 50 taong gulang samantalang 55 taong gulang naman sa racehorse jockeys. Importanteng nakapagbayad ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon ang miyembro kung saan ang 12 kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18 buwan bago ang buwan na siya ay nawalan ng trabaho.
Halimbawa, kung ang isang miyembro ay naghuhulog ng kontribusyon na katumbas ng P16,000 na monthly salary credit (MSC) kada buwan, ang kalahati ng kanyang MSC ay P8,000. Kaya’t sa loob ng dalawang buwan ay makakatanggap siya ng P16,000 (P8,000 x 2).
Batay sa datos ng SSS Luzon North 1 Division, 416 empleyado ang nakatanggap na ng unemployment benefit na umabot sa kabuuang P4.78 milyon mula Agosto 2018 hanggang Marso 2020.
Samantala, hindi naman tatanggapin ang aplikasyon kung ang kaso ng pagkakahiwalay sa trabaho ay dahil sa serious misconduct, willful disobedience to lawful orders, gross at habitual neglect of duties, fraud or will breach of trust/loss of confidence, commission of a crime or offense at iba pang rason tulad ng abandonment, gross inefficiency, disloyalty, conflict of interest at dishonesty.
Sa mga kwalipikadong miyembro, maaaring mag-file sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar dito sa Pilipinas. May prescriptive period ito na kailangang mai-file lamang sa loob ng isang taon mula sa petsa ng pagkawala ng kanyang trabaho. Kinakailangang magpasa ng orihinal at photocopy ng dalawang (2) valid IDs, sertipikasyon na magpapatunay ng dahilan at araw ng pagkatanggal sa trabaho mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) o regional offices nito, kung OFW ang miyembro. Kalakip din ng sertipikasyon ang Notice of Termination mula sa Employer o Affidavit of Termination of Employment.
Dahil ilang buwan nang nasa ilalim ng ECQ ang buong Luzon, at bilang pagbibigay konsiderasyon sa mga apektadong empleyado, pinalawig ng SSS ang deadline ng submission ng aplikasyon nito. Binibigyan hanggang Hunyo 30, 2020 ang mga miyembrong inboluntaryong natanggal sa trabaho mula Marso 5 hanggang Abril 20, 2019. Maglalabas naman ang SSS ng anunsyo sa mga susunod na linggo kung kailan magbubukas ang mga tanggapan ng SSS branches dito sa Northern Luzon.
Magpadala ng email sa rillortac@sss.gov.ph para sa anumang katanungan tungkol sa inyong SSS o paksang nais ninyong pag-usapan sa susunod na column.