Natanggap na po namin ang burial benefit ng aming yumaong nanay. Pero sabi ng aming kapitbahay, may matatanggap pa daw kaming death benefit. Ano po yun at sino sa amin ang tatanggap nito? Ang tatay ba namin o lahat kaming mga anak? Please help. Thank you! – Amor, Baguio City.
Salamat Amor sa iyong pinadalang tanong. Tama, bukod sa burial o funeral benefit ay may isa pang benepisyo na matatanggap ang mga kaanak ng namatay na miyembro. Ito ay ang Death Benefit. Isa itong cash benefit na ibinibigay sa qualified beneficiaries ng yumaong SSS member.
May dalawang paraan para matanggap ang Death Benefit. Ito ay sa pamamagitan ng monthly pension o kaya ay one-time payment o madalas tawagin na lumpsum.
Tatanggap ng monthly pension ang benepisyaryo kung ang yumaong miyembro ay nakapaghulog ng at least 36 monthly contributions bago ang semester ng kaniyang pagkamatay. Hindi kailangang tuloy tuloy ang 36 monthly contributions basta’t ang total contributions ay aabot ng 36 months. Halimbawa, namatay ang miyembro ngayong March 2024. Dapat, noong September 2023 pa lang ay may 36 months na siyang hulog sa SSS.
Kung hindi naman umabot sa 36 months ang kontribusyon ng miyembro bago ang semester ng kaniyang pagkamatay, lump sum o one-time payment lang na ibibigay ng SSS sa naiwang beneficiary.
Sa usaping Death Benefit, kinakailangan ding malinaw kung sino-sino ang mga beneficiaries ng namatay na miyembro. May sinusunod ang SSS na order of priority pagdating sa pagdetermina kung sino ang nararapat na benepisyaryo.
Una rito ang primary beneficiary. Siya ang dependent legal spouse ng yumaong miyembro na hindi pa nag-asawa muli o walang kinakasama bago o matapos ang pagkamatay ng miyembro. Kasama din sa primary beneficiary ang mga menor de edad na dependent legitimate, legitimated o legally adopted, maging mga illegitimate na mga anak ng yumaong miyembro na hindi pa umaabot sa edad 21 years old o kung sila man ay lagpas 21 years old na ay walang kapasidad na suportahan ang sarili o incapacitated.
Ang secondary beneficiaries naman ay ang mga magulang ng yumaong miyembro. Sila ang babayaran ng SSS ng death benefit kung sakaling ang namayapang miyembro ay walang asawa at mga anak.
Ang ikatlo sa order of priority ay designated beneficiaries. Sila ay ang mga taong dinesignate o nireport ng miyembro noong siya ay nabubuhay pa bilang kaniyang beneficiaries. Sila ay makokonsidera na benepisyaryo kung sakaling walang primary at secondary beneficiaries ang yumaong miyembro. Karaniwan, ito ay mga kapatid o malalapit na kamag-anak ng yumaong miyembro.
Kung sakaling walang primary, secondary at designated beneficiaries, legal heirs na ang tatanggap ng benepsiyo. Sila ay ang mga legal na tagapagmana ng miyembro na naaayon sa Civil Code o Family Code ng bansa.
Kung sasagutin ang katanungan ng ating letter sender na si Amor base sa order of priority, ang kanyang tatay ang tatanggap ng death benefit bilang dependent legal spouse.
Para sa karagdagang katanungan tungkol sa benepisyong ito, maaari kayong magsadya sa pinakamalapit na Public Assistance Desk na matatagpuan sa iba’t-ibang sangay ng SSS. O kaya naman ay bisitahin ang USSSap Tayo Portal sa crms.sss.gov.ph, official social media accounts ng SSS – SSSPh sa Facebook, PHLSSS sa Twitter, MYSSSPH sa Instagram, Tiktok at YouTube, at MYSSSPH UPDATES sa Viber Community.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.