Habang naka-lockdown pa rin ang buong Luzon hanggang Mayo 15, 2020 dahil sa Enhanced Community Quarantine, patuloy ding humahaba ang listahan ng ating mga bayarin sa kuryente, tubig, telepono, internet, credit cards, at iba pang gastusin. Mabuti na lamang at may mga ipinatupad ding moratorium ang ilang mga kumpanyang naghahatid ng ating mga pangunahing pangangailangan o “basic necessities”.
Para sa mga miyembro ng SSS na may utang o loan na binabayaran, may kaluwagan rin ang ipinatupad ang ahensya. May tatlong buwang moratorium para sa may mga Salary Loan, Calamity Loan, Emergency Loan, restructured loan sa ilalim ng Loan Restructuring Program o Educational Loan. Pasok din dito ang mga miyembrong may Salary Loan, Calamity Loan at Emergency Loan na naaaprubahan mula January 1, 2018 hanggang March 16, 2020. Paalala lang sa ating mga miyembro na ang huling amortization ng mga LRP at emergency loan ay hindi dapat mas maaga sa February 2020. Mula February hanggang April 2020 ang moratorium kaya’t sa Hunyo na ulit sila maaaring magbayad ng kanilang loans.
###
Sa gitna ng krisis kung saan limitado ang galaw ng bawa’t isa, isa pang katanungan ng mga SSS members ay kung paano sila makakapagbayad ng kanilang buwanang kontribusyon. Kahit pinahaba na ang deadline sa pagbabayad ng kontribusyon para sa unang quarter ng taon sa June 1, 2020, may mga online facilities naman na maaaring gamitin ang mga miyembrong ayaw maipon ang mga bayarin.
Sa lahat ng mga Voluntary, Self-Employed, OFW at Non-Working Spouse members, maaari kayong magbayad ng inyong kontribusyon sa pamamagitan ng SSS Mobile App gamit ang PayMaya o anumang Visa, Mastercard or JCB credit, debit cards. Para magamit ang serbisyong ito, i-download muna ang SSS Mobile App sa Google Playstore, Apple App o sa Huawei AppGallery. Mag log-in gamit ang My.SSS account user ID at password ng miyembro para makapag-generate ng Payment Reference Number (PRN) at Statement of Account. Matapos nito ay maaari nang i-tap ang pay button gamit ang PayMaya Account o Credit/Debit Card. Ang bawat online payment transaction gamit ang PayMaya Account ay may convenience fee na P10.00 samantalang 1.75 porsyento naman ng kabuuang halaga ng babayarang kontribusyon ang convenience fee gamit ang credit o debit card.
Malaking tulong ang online facilities na ito habang tayo ay nasa ilalim ng ECQ dahil hindi na kailangan pang lumabas ng kanilang mga tahanan ang ating mga miyembro para sa kanilang mga transaksyon sa SSS.
###
Mula sa ating inbox:
Dear Sir Christian, kailan po kayo magbubukas ng opisina? Tinatanong po ng lolo ko kasi tuwing March siya pumupunta d’yan sa inyong branch para hindi maputol ang kanyang pension. Thank you po – Marlene
Dear Marlene, marahil ang tinutukoy ng iyong lolo ay ang Annual Confirmation of Pensioners o ACOP. Naglabas na kami ng abiso noong Marso na pansamantala munang suspendido ang ACOP mula March 1 hanggang April 30, 2020 dahil na rin sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine. Iparating mo sa iyong lolo na huwag siyang mag-alala dahil kahit hindi siya nakapag-ACOP, hindi mapuputol ang kanyang pensyon. Ito rin ang aming paraan upang maprotektahan ang ating mga lolo at lola mula sa COVID-19 virus. Samantala, nais din naming ipaalala na ang lahat ng ating mga retiree pensioners na 85 taong gulang pababa at naninirahan sa Pilipinas ay exempted sa ACOP simula pa noong Oktubre 2018. Salamat Ms. Marlene at mag-ingat po kayo ni Lolo.
###
Para sa mga karagdagang katanungan tungkol sa inyong SSS, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.