Isa sa pitong benepisyong hatid ng SSS ay ang Unemployment Benefit. Ito ay cash allowance na ibinibigay sa mga employed, Overseas Filipino Workers (OFWs), pati na rin ang mga kasambahay na inboluntaryong natanggal sa trabaho. Halimbawa nito ay retrenchments, repatriation, redundancy ng posisyon sa trabaho, downsizing ng mga empleyado, paghinto ng operasyon ng kumpanya dahil sa pandemya, pagkalugi, kalamidad o ano pa mang natural na dahilan.
Para makapag-avail ng Unemployment Benefit, narito ang mga sumusunod na qualifying conditions: Una, hindi dapat hihigit sa 60 taon ang edad ng miyembro.
Ikalawa, hindi dapat bababa sa 36 buwan ang inihulog na kontribusyon, kung saan ang 12 rito ay nai-post dapat sa loob ng 18 buwan bago ang buwan ng pagkakahiwalay sa trabaho. Halimbawa, kung ngayong buwan ng Hunyo nawalan ng trabaho, dapat ay mayroong 36 monthly contributions ang miyembro, 12 rito ay posted mula Disyembre 2021 hanggang Mayo nitong taon.
Online na ang submission ng Unemployment Benefit Application sa My.SSS Portal. Ibig sabihin nito, dapat ay may sariling My.SSS Account ang miyembro at may nakarehistro na itong disubrsement account bago makapagpasa ng aplikasyon online. Ihanda na rin ang mga documents na kailangang iupload gaya ng Certificate of Separation mula sa kaniyang employer at parehas na sertipikasyon mula sa Department of Labor and Employment. I-upload ang dalawang dokumento bilang katunayan ang kanilang inboluntaryong pagkakahiwalay sa trabaho.
Ang halaga ng Unemployment Benefit ay katumbas ng dalawang kalahati ng kaniyang Average Monthly Salary Credit. Halimbawa, kung ang isang miyembro na naghuhulog ng P30,000 Monthly Salary Credit (MSC) kada buwan ay makakatanggap siya ng P30,000 halaga ng Unemployment Benefit.
Isang beses lamang maaaring i-claim sa loob ng tatlong taon ang unemployment benefit. Subalit, binibigyan ng isang taong palugit ang isang miyembro para i-file ang aplikasyon.
Kung sakaling kwalipikado rin sa iba pang benepisyo ang isang miyembro maliban sa unemployment benefit, pinapayuhang i-file muna ang isang benepisyo. Halimbawa, kwalipikado ang miyembro sa Sickness Benefit, maaari muna niya itong unahin i-file. Pagkatapos nito, saka naman niya maaaring i-file ang kanyang Unemployment Benefit application. Option din ng miyembro ang mag-file ng anumang benefit claim sa SSS kung saan mas mataas na halaga ang kanyang matatanggap.
Tandaan lamang na ang Unemployment Benefit ay hindi applicable sa mga employed members na nag-resign sa trabaho o nahiwalay sa trabaho dahil sa pagkakaroon ng mga iba’t-ibang kaso laban sa kumpanya o employer tulad nang serious misconduct, willfull disobedience to lawful orders, gross at habitual neglect of duties, fraud at willful breach ng trust o loss of confidence, pagsasagawa ng krimen o offense at iba pang kahalintulad na kaso kaya ng abandonment, gross inefficiency, disloyalty, conflict of interest at dishonesty.
Hanapin ang Joint Memorandum Circular No.1 dated 22 Dec 2021 ng Department of Labor and Employment at ng SSS para sa ibang detalye https://www.sss.gov.ph/sss/DownloadContent?fileName=SSS-DOLE-JMC-No-001.pdf.
Kung may karagdagang katanungan tungkol sa benepisyong ito, maaari kayong magsadya sa pinakamalapit na Public Assistance Desk na matatagpuan sa iba’t-ibang sangay ng SSS.
Inaanyayahan namin ang lahat na na panoorin ang Facebook live discussion ng SSS, ang “USSSap Tayo” tuwing Huwebes, mula 10:00 hanggang 11:00 ng umaga sa Official Facebook Page ng SSS, ang “Philippine Social Security System-SSS.” Bisitahin din ang iba pang official social media pages ng SSS para sa updated at tamang impormasyon tungkol sa SSS. I-follow kami sa aming Twitter account @PHLSS, YouTube channel sa “MYSSSPH”, sumali sa aming Viber Community “MYSSSPH Updates” o bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.