“Paano po ang proseso ng pag-claim sa funeral benefit? Magkaiba po ba ito sa burial benefit? Sino ang pwedeng mag-claim para dito? Pwede bang isa sa aming magkakapatid? Binata kasi ang kapatid naming namatay at hirap na rin lumabas ng bahay ang aming mga magulang. Salamat po sa inyong tugon” – Bert, La Trinidad
Mabuting araw sa iyo, Bert! Maraming salamat sa iyong ipinadalang mga katanungan. Isa-isahin nating sagutin ang mga ito para na rin sa kaalaman ng ating mga tagasubaybay.
Una, nais nating linawin na ang Funeral at Burial Benefit ay parehas lamang. Ang Funeral Benefit ay isang pang benepisyo na maaari niyong matanggap bukod sa Death Benefit. Mababasa sa ating nakaraang kolum kung ano ang Death Benefit at kung sino-sino ang mga benepisyaryo rito.
Kung ang pagbibigay ng Death Benefit ay nakadepende sa order of priority, sa Funeral Benefit naman ay hindi kinakailangang kamag-anak ng namatay na miyembro ang claimant. Kung sino ang nagbayad sa pagpapalibing at sa kaniya nakapangalan ang resibo mula sa punenarya, siya ang tatayong claimant sa benepisyong ito. Subalit, hangga’t maaari ay susundin pa rin ang order na ito: Una, ang surviving legal spouse; o ikalawa, mga anak o magulang o kahit sinong natural person na makakapagpakita ng proof of payment, basta’t hindi binayaran ng surviving legal spouse ang funeral expense o kaya naman hindi na ito matagpuan, sumakabilang buhay na o single ang namatay na miyembro.
Batay sa inilabas na SSS Circular 2023-009 o ang Revised Guidelines on the Social Security (SS) Funeral Benefit Program, covered ang embalming services, burial transfer services at permits, funeral services (kabilang ang church fees o ang katumbas nito sa ibang relihiyon), cremation o interment services, pagbili o pag-upa ng kabaong, pagbili o pagrenta ng nitso/lote sa sementeryo o vault sa columbarium, at kabayaran para sa memorial/funeral insurance plan.
Sa parehas ring Circular ay nakapaloob doon ang halagang maaaring matanggap ng claimant. Nasa P20,000 hanggang P60,000 ang maaaring matanggap ng claimant kung ang namatay na miyembro ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 monthly contributions. Samantala, kung mas mababa sa 36 monthly contributions ang naibayad ng namatay na miyembro hanggang sa buwan ng kaniyang pagkamatay, makakatanggap ng fixed amount na P12,000 ang claimant. Tandaan na ang halagang matatanggap ng claimant ay nakabase pa rin sa resibong isusumite niya, ngunit hindi lalagpas sa kabuuang funeral benefit na nakalaang ma-claim. Halimbawa, kung ang funeral benefit ay P30,000 ngunit ang nasa resibo ay P20,000; ang kabuuang matatanggap ng claimant ay P20,000.00. Kung base sa computation ay P30,000.00 ang matatanggap na funeral benefit ngunit ang resibo mula punenarya ay umabot sa P40,000.00, P30,000 ang matatanggap ng claimant.
Kabilang ang Funeral Benefit sa mga benepisyo na ginawang online na ang aplikasyon. Ito ay maaaring gawin gamit ang inyong account sa My.SSS Portal. Dahil dito, hindi na kailangan pang magpunta sa SSS branch para magpasa ng kanilang funeral benefit claim.
Kinakailangang ay may SS number at rehistrado sa My.SSS Portal na matatagpuan sa Official SSS Website ang claimant. Dapat ay may naka -enroll na ring disbursement account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa kanyang registered My.SSS Account. Dito kasi ipapadala ng SSS ang funeral benefit ng claimant. Ang ilan sa mga disbursement account na maaaring piliin ng claimant ay ang mga sumusunod: Bank Account mula sa mga PESONet participating banks; Electronic Wallets tulad ng GCash o Maya; st Cash Pick-up mula sa mga remittance transfer companies (RTC) o cash payout outlets (CPO) gaya ng M Lhuillier. Subalit, kung ang SSS UMID Card ay nakaenrol bilang ATM, dito otomatikong idedeposito ng SSS ang benepisyo.
Para sa kumpletong listahan ng mga dokumentong kinakailangang i-upload sa aplikasyon, bisitahin ang opisyal na SSS Website www.sss.gov.ph.
May 10 taon na prescriptive period ang Funeral Benefit Claim. Ibig sabihin, pwede pang i-file ang Funeral Benefit Claim kahit sampung taon na lumipas matapos ang buwan ng pagkamatay ng miyembro.
Para sa karagdagang impormasyon o katanungan tungkol sa benepisyong ito, bisitahin ang USSSap Tayo Portal sa crms.sss.gov.ph, official social media accounts ng SSS – SSSPh sa Facebook, PHLSSS sa Twitter, MYSSSPH sa Instagram, Tiktok at YouTube, at MYSSSPH UPDATES sa Viber Community.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.