Noong nakaraang linggo ay dumalo ako sa binyag ng panganay na anak ng aking kaibigang sina Alfred at Mercy. Habang nagku-kwentuhan kami sa reception ay hindi maiwasang mapag-usapan ang SSS Maternity Benefit kaya natuklasan kong hindi pa nagpapasa ng application si kumareng Mercy. Bilang isang mabuting kaibigan at kumpare, inilatag ko ang programa sa kanilang mag-asawa, partikular na ang qualifications, requirements, at kung paano nila ito ipafile sa SSS.
Ano nga ba ang SSS Maternity Benefit? Sino ang maaaring makatanggap nito at paano magqualify para rito?
Ito ay isang daily cash allowance na ibinibigay sa mga babaeng miyembro ng SSS na hindi makapagtrabaho o makapaghanapbuhay dahil sa kanyang panganganak o pagkakakunan. Upang mag-qualify sa benepisyong ito, dapat ay hindi bababa sa tatlong buwan ang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng panganganak.
Sa kaso ni Mercy, ipinanganak niya ang kanilang panganay noong October 2023. Ang itinuturing na semestre ng kaniyang birth month o contingency ay mula July 2023 hanggang December 2023. Mula July 2023, magbibilang tayo ng 12 months paatras (July 2022-June 2023). Samakatuwid, dapat ay may hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon si Mercy mula July 2022 hanggang June 2023 para ma-quaify sa benepisyo. Dahil kumpleto ang kaniyang hulog, qualified si Mercy sa SSS Maternity Benefit.
Ang halaga ng Maternity Benefit ay katumbas ng Average Daily Salary Credit o ADSC ng miyembro. Ang ADSC ay makukuha sa pamamagitan ng pagkuha ng total nung tatlo hanggang anim na pinakamataas na buwang hulog sa loob ng 12 buwan, at i-divide ito sa 180. Ang lalabas na halaga ay i-multiply sa 60 araw kung miscarriage o emergency termination of pregnancy; 105 days kung live childbirth (mapa normal man o Cesarean delivery) o 120 days kung solo parent sa ilalim ng RA 8972 o Solo Parents’ Welfare Act of 2000.
Sa kasalukyan, si Mercy ay may Average Daily Salary Credit na P138.88 (25,000/180) kaya makakatanggap siya ng SSS Maternity Benefit na nagkakahalaga ng P14,583.33 (138.88 x 105 days).
Paano naman ang filing ng maternity benefit application? Online na ang submission nito gamit ang My.SSS Account. Ihanda na ang supporting documents na kailangang iupload at siguraduhing consistent ang ieencode niyong detalye sa i-aattach na mga dokumento sa online application. I-check ang inyong email para sa ipapadalang SSS notification tungkol sa inyong maternity benefit application.
Dapat tandaan na ang Maternity Benefit ng employed members ay ina-advance ng kanilang employers. Kaya sa oras na malaman ng miyembro na siya ay nagdadalang tao, magpasa kaagad ng Maternity Notification sa kanilang employer. Samantala, matatanggap naman ng Self-Employed, Voluntary at Non-Working Spouse ang kanilang maternity benefit sa disbursement account na registered sa kanilang My.SSS Account.
Para sa iba pang detalye ukol sa Maternity Benefit, maaari ninyong panoorin ang video tungkol sa SSS Maternity Benefit sa aming opisyal na YouTube channel gamit ang link na ito: https://bit.ly/3NW2tHN o kaya i-click ang link na ito para basahin ang karagdagang impormasyon sa aming SSS Website: https://portal.sss.gov.ph/maternity-benefit/
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.