Sa tuwing naiimbitahan akong magbigay ng talk sa mga forum o information drives, lagi kong tinatanong sa participants kung bakit patuloy silang nagbabayad o nagreremit ng Social Security contributions. Ang karaniwang sagot na natatanggap ko ay nais nilang makatanggap ng pensyon matapos nilang magretiro sa pagtatrabaho.
Kaya naman ang Retirement benefit ang laging inaavail na benepisyo sa SSS. Sa katunayan, halos kalahati ng claimants noong 2023 ang nag-avail ng retirement benefit. Kaya naman naglabas ang SSS ng P150 bilyon para sa benepisyo ng 2.2 milyong claimants.
Pero paano nga ba magqualify para sa benepisyong ito?
Dapat ang isang miyembro ay at least 60 years old, huminto na sa pagta-trabaho o sa pagiging self-employed o 65 years old pataas, may trabaho man o self-employed. Maliban na lamang sa mga minero at hinete na mas mababa ang retirement age. Ang optional at technical retirement age ng underground at surface miners ay 50 at 60 years old. Samantala, ang technical retirement ng mga hinete ay 55 years old.
Pangalawa, ang miyembro ay dapat mayroong 120 monthly contributions bago ang semester ng kanyang retirement, kahit hindi sunod-sunod para makatanggap ng monthly pension.
Maaaring ipagpatuloy ng isang miyembro ang kanyang paghuhulog upang makumpleto ang 120 months kahit siya ay 60 o 65 na. Tandaan lamang na kung ang edad ay nasa 55 pataas na, maaari lang magtaas ng Monthly Salary Credit o bracket nang isang beses sa isang taon.
Ang mga miyembro na may hulog na mas mababa pa sa 120 months at hindi na magpapatuloy sa paghuhulog ay otomatikong lumpsum na lang ang makukuhang Retirement Benefit.
Online na ang pag-file ng Retirement Benefit maliban na lang kung ang aplikante ay may dependent children na edad 21 anyos pababa; mga minero at hinete at mga self-employed na edad 65 pababa; at may balanse pa sa ilalim ng SSS loan programs gaya ng Stock Investment Loan, Privatization Loan Program, Educational Loan, at Vocational Technology Loan.
Sa online submission, kailangang may My.SSS account ang miyembro at may aprubado na ring disbursement account sa ilalim ng kaniyang Disbursement Account Enrollment Module. I-tick lamang ang “Benefits” mula sa dashboard at piliin ang “Apply for Retirement Benefit.” Sundan lamang ang mga hinihinging detalye hanggang sa maisubmit ang aplikasyon.
Ang halaga ng pensyon ay nakadepende sa halaga ng hulog at kung gaano katagal naghulog ng kontribusyon. Ang mga miyembrong naghulog ng mas mataas at mas matagal ay makatatanggap ng mas mataas na pensyon kumpara sa mga naghulog ng mas mababa at mas maigsing panahaon. Sa pinakahuling data ng SSS noong November 2023, ang pinakamataas o maximum pension na natatanggap ngayon ay P19,634 kada buwan. Samantala, ang pinakamababa o minimum pension ay P4,623.00 kada buwan.
Kaya sa lahat ng SSS members, lalong lalo na ang Voluntary, Self-Employed, at OFW members, ipagpatuloy lamang ang pagbabayad ng kontribusyon. Para naman sa employers, huwag kakaligtaang bayaran ang kontribusyon ng inyong mga empleyado para sila naman ay qualified na makatanggap ng mga benepisyo sa SSS gaya ng retirement benefit. Habang bata at malakas pa, maging kaugalian na natin ang paghandaan ang pagreretiro sa pamamagitan ng pag-iimpok, pumasok sa lehitimong investment at insurance scheme para maliban sa buwanang pension sa SSS, may sapat tayong budget na panggastos hindi lamang sa pang-araw-araw na pangangailangan kundi sa pagrerelax matapos ang ilang dekadang pagtatrabaho.
Kung may karagdagang katanungan tungkol sa benepisyong ito, maaari kayong magsadya sa pinakamalapit na Public Assistance Desk na matatagpuan sa iba’t-ibang sangay ng SSS. O kaya naman bisitahin ang USSSap Tayo Portal sa crms.sss.gov.ph, official social media accounts ng SSS – SSSPh sa Facebook, PHLSSS sa Twitter, MYSSSPH sa Instagram, Tiktok at YouTube, at MYSSSPH UPDATES sa Viber Community.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.