Higit isang taon nang tumatakbo ang Consolidated Loan Program with Condonation of Penalty o ConsoLoan. Para ito sa mga miyembrong may past-due loans o hindi nabayarang utang sa nakalipas na tatlong buwan o higit pa.
Sa ilalim ng programang ito, pagsasamahin lahat ng natitirang balanse ng past-due short-term member loans tulad nang Salary, Salary Loan Early Renewal, Calamity, Emergency at Restructured Loan para isahan na lang ang pagbabayad nito. Samantala, pagsasamahin din ang naipong penalty at mawawala lamang ito matapos bayaran ang kabuuang loan principal at interes.
Para mag-qualify sa ConsoLoan, ang loan account/s ng miyembro ay past-due dapat sa panahon ng Consolidated Loan application. Hindi pa dapat tumatanggap ng anumang final claim ang miyembro tulad ng permanent total disability o retirement benefit. Wala rin dapat na kaso ng paglilinlang o fraud laban sa SSS. Para makapagsubmit ng ConsoLoan application, importanteng may aktibong My.SSS account ang miyembro.
May dalawang paraan sa pagbabayad ng pagkaka-utang sa ilalim ng ConsoLoan program. Maaaring i-avail ang one-time payment basta’t mabayaran nang buo ang consolidated loan sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval ng Conso Loan application. One-time payment din ang pagbabayad kung ang ConsoLoan na babayaran ay P5,000.00 o mas mababa.
Maaari rin namang i-avail ang installment terms basta’t bayaran muna ang 10% ng Conso Loan amount sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval. Samantala, ang natitirang balanse ay babayaran kada buwan. Ang halaga ng bayarin kada buwan ay nakabase sa kabuuang consolidated loan amount. Halimbawa, kung higit ito sa P5,000 hanggang P10,000, babayaran ito sa loob ng anim buwan; P10,001 hanggang P18,000 ay babayaran sa loob ng 12 buwan; P18,001 hanggang P36,000 ay babayaran sa loob 24 buwan; P36,001 hanggang P54,000 ay babayaran ng 36 buwan; P54,001 hanggang P72,000 ay babayaran sa loob ng 48 buwan at kung higit sa P72,000 ay babayaran sa loob ng 60 buwan o limang taon.
May ipinapataw na 10% interest rate kada taon ang SSS kung pinili ang installment plan. Siguraduhin lamang na sundin ang itinakdang payment schedule. May ipinapataw kasi na 1% penalty kada buwan kapag nahuhuli sa pagbabayad. Kung natapos ang payment term at may natitira pang balanse sa Conso Loan Account ng miyembro, magkakaroon muli ng panibagong interes at penalty. Anumang naiwang halaga ay ibabawas sa mga darating na SSS short-term benefit proceeds gaya ng sickness, maternity, at partial disability at final benefit tulad ng retirement, disability o death.
Paano naman ang proseso ng pagtanggal ng penalties sa ilalim ng ConsoLoan? Sa ilalim ng one-time payment, hindi na sisingilin ng SSS ang kabuuang halaga ng multa kapag nabayaran na nang buo ang Consolidated Loan sa loob ng ibinigay na panahon. Kung installment payment naman, proporsyonal ang ico-condone na penalty. Matapos bayaran ang paunang 10% downpayment sa loob ng aprubadong payment term, ico-condone na ang 10% ng Consolidated Loan. Samantala, ang natitirang halaga ng penalty ay maco-condone matapos mabayaran nang buo ang outstanding ConsoLoan.
Sa tulong ng programang ito, malilinis na ang loan records ng miyembro at hindi na apektado ang benefit claims nito sa hinaharap. Anumang pagkaka-utang na hindi nabayaran ng isang miyembro sa SSS ay ibabawas sa kabuuang halaga ng kanilang benepisyo kapag siya ay nagretiro o mamatay.
Kaya naman sa mga may past-due short term loans, ito na ang pagkakataon ninyong linisin ang inyong loan records sa SSS. Buong buo niyong makukuha ang benepisyo kung wala kayong maiiwang utang sa SSS.
Kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.