Happy New Year mula sa SSS! Nawa’y umpisahan natin ang bagong taon na may positibong pananaw, magaan na puso at isipan, at hindi natitinag na pangarap sa buhay. Mula sa SSS, ang bagong taong ito ay walang pinagkaiba sa nakaraang taon at sa mga taong lumipas – layunin pa rin namin ang maglingkod at magbigay ng dekalidad na serbsiyo ngayong 2023. Asahan po ninyo na marami ang nakapilang programa ngayong taon at lahat ng iyan ay para sa kaginhawaan ng lahat ng miyembro.
Sa aking huling column noong 2022, tinalakay ko ang WISP Plus o Workers’ Investment and Savings Plus – isang voluntary provident fund program para sa lahat ng mga SSS members na aktibong nagbabayad ng kanilang regular na SSS contributions. Ang WISP Plus ay ay isang defined-contribution scheme na kung saan ang WISP contribution ay mapupunta sa kaniyang individual account at kikita ito ng base sa total accumulated account value nito.
Ngayon naman, sasagutin natin ang tanong ng karamihan tungkol sa SSS Contribution. Bakit nga ba kailangan magtaas ang SSS ng kontribusyon ngayong taon at ano ang epekto nito sa benepisyong matatanggap ng miyembro?
Una, ngayong 2023 ay nakatakdang magtaas ng 1% contribution rate ang SSS. Mula 13% noong 2021 at 2022, ngayong 2023-2024 ay magiging 14% na. Alinsunod ito sa probisyon ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 na nagsasabing ang contribution rate ng SSS ay magtataas ng 1% kada dalawang taon hanggang maging 15% ito sa taong 2025.
Sa bagong contribution rate, ang minimum Monthly Salary Credit (MSC) ay magiging P4,000.00 mula sa dating P3,000.00 at ang maximum MSC naman ay magiging P30,000.00 mula sa dating P25,000.00. Pero hindi katulad ng mga nakaraang contribution rates, hindi gumalaw ang share ng mga employed members sa bagong contribution rate. Nanatili pa rin itong nasa 4.5% at ang employer ang siyang sasagot sa 9.5% contribution sharing.
Halimbawa, ang isang empleyadong sumasahod ng P4,250 pababa kada buwan ay makakaltasan ng P180.00 para sa kanyang share sa SSS contribution. Samantala, babayaran ng kaniyang employer ang P380.00 para sa kabuuang P560.00 na buwanang kontribusyon ng empleyado. Siyempre, tuloy pa rin ang P10.00 na Employees Compensation (EC) share ng empleyado na magmumula sa kaniyang employer.
Samakatuwid, ang minimum na hulog sa SSS ngayong taon para sa mga empleyado ay P570.00 at ang maximum ay P4,230.00. Ganito rin ang halaga ng kontribusyon ng mga Self-Employed members depende na din sa kanilang idedeklarang monthly earnings.
Para sa mga Voluntary Members at Non-Working Spouses, sasagutin nila ang buong 14% contribution rate kaya ang minimum SSS contribution nila kada buwan ay P560.00 samantalang P4,200 naman ang maximum.
Ang OFWs members na nagbabayad noon ng minimum contribution na P1,040.00 kada buwan, ngayong taon ay P1,120.00 ang kanilang ireremit sa SSS. Samantala, P4,200.00 kada buwan ang kanilang maximum contribution mula sa dating P3,250.00. Subalit ano ba ang kaakibat ng nasabing pagtaas? Tandaan na ang SSS ay isang Defined-Benefit scheme. Ibig sabihin, ang halaga ng benepisyong matatanggap ay nakadepende sa halaga ng ibinayad na kontribusyon. Kung mataas ang kontribusyong ibinayad, asahan na mas mataas din ang benepisyong matatanggap. Base sa inilabas na data ng SSS mula Enero 2019 hanggang Oktubre 2022, nakapaglabas na ng SSS P822.86 bilyong halaga ng benepisyo sa mga miyembro. Mas mataas ito ng 38% kung ikukumpara sa P596.30 bilyong benefit disbursements mula Enero 2015 hanggang Disyembre 2018 – noong hindi pa naaamyendahan ang Social Security Law.
Maliban sa patuloy na pagbibigay ng benepisyo sa mga miyembro nito, malaki rin ang naitulong ng pagtaas ng contribution rate sa Fund Life ng SSS. Sa katunayan, nadagdagan pa ng 22 taon ang SSS Fund Life matapos itaas ng contribution rate mula noong 2019. Nangangahulugan lamang na ang karagdagang 22 taon ay mas mahabang panahon para mapakinabangan ng miyembro at pensyonado ang ibat-ibang ibang benepisyo mula sa SSS. Pati ang susunod na henerasyon ay makikinabang din sa social security protection na ating tinatamasa sa kasalukyan.
Kaya huwag pong manghihinayang sa kada pisong ibinabayad na kontribusyon sa SSS dahil sa oras na kayo ay mangailangan ay talaga namang mararamdaman ninyo ang balik nito sa inyo. Batid ito ng milyong milyong miyembrong nakatanggap ng benepisyo kaya naman lubos silang nagpapasalamat at naging katuwang nila ang SSS.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Mapapakinggan din kami sa “Usapang SSS” tuwing Lunes, 10:30AM-11:30AM sa DZWT 540 kHz at mapapanood sa Facebook live stream ng “MPBC DZWT Kumpletos Rekados.”