Katuwang ng Employee’s Compensation Commission (ECC) ang SSS ang sa implementasyon ng Employee’s Compensation Program para mabigyan ng karagdagang proteksyon ang ating mga private at government workers. Para sa kaalaman ng lahat, ang Employee’s Compensation o EC ay karagdagang benepisyo na ibinibigay sa mga kwalipikadong miyembro na nagkasakit, nabalda o namatay habang ginagampanan ang kanilang trabaho. Dati, ang EC benefits ay para lamang sa mga employed members. Subalit, simula ngayong September 2020, sakop na rin ng EC benefits ang mga self-employed members ng SSS.
Bago ang lahat, pag-usapan muna natin kung sino-sino ang mga Self-Employed members sa SSS. Sila ang mga indibidwal na may pangangalakal, negosyo o hanapbuhay, na walang ibang pinagsisilbihang employer kundi ang sarili. Ang edad ay hindi dapat lalagpas sa 60 taon at kumikita ng hindi bababa ng P2,000 kada buwan.
Kabilang sa kategorya ng Self-Employed SSS members ay ang mga Partners at Single Proprietors sa isang negosyo; mga artista at nagtatrabaho sa paggawa ng pelikula at programa sa telebsiyon; mga miyembro sa media; mga atleta; mga hinete; mga nasa informal economy tulad ng mga magsasaka at mangingisda; mga contractual at Job Order employees; at iba pang mga Self-Employed categories na kikilalanin ng Social Security Commission (SSC).
Magkano naman ang kontribusyon ng mga Self-Employed members para sa kanilang Employees’ Compensation benefits? Maliban sa buwanang kontribusyon nila sa SSS, magdadagdag sila ng sampung piso (P10.00) kada buwan kung ang kita o sahod nila ay P14,749.99 pababa at tatlumpung piso (P30.00) naman kada buwan kung ang sahod ay P14,750.00 pataas.
Ang sampu o tatlumpung pisong kontribusyon ay katumbas ng mga benepisyo mula sa EC Program gaya ng loss of income benefits, medical benefits, carer’s allowance, rehabilitation services, cash assistance, at death and funeral benefits.
Ipinagkakaloob ang loss of income benefit sa isang manggagawa upang punuan ang bahagi ng nawalang kita dahil sa kawalan ng kakayahan niyang magtrabaho dahil sa pagkakabalda o pagkakasakit. May tatlong uri ang loss of income benefit: temporary total disability o sickness, permanent total disability, at permanent partial disability. Ang temporary total disability o sickness benefit ay ibinibigay sa miyembrong pansamantalang huminto sa pagtatrabaho dahil sa natamong pinsala o pagkakasakit na hindi lalagpas sa 120 araw. Ang halaga ng daily income benefit ng miyembro ay 90% ng kanyang average daily salary credit. Samantala, ang permanent total disability benefit naman ay ipinagkakaloob sa miyembrong lubusang nawalan ng pisikal o intelektwal na kakayahan at wala nang kapasidad na bumalik sa normal na paggawa o pagtatrabaho. Halimbawa nito ay ang ganap na pagkabulag ng dalawang mata, pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa, permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang kamay o dalawang paa, pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip, at iba pang kaso na itinuturing ng SSS na permanent total disability at aprubado din ng Employees’ Compensation Commission (ECC). Ang permanent partial disability benefit naman ay ibinibigay sa empleyadong naputulan ng bahagi ng kanilang katawan at iba pang mga kaso na maaaring tanggapin ng ECC.
Maliban sa cash benefit, nagbibigay din ng benepisyong medikal sa ilalim ng EC. Ito ay reimbursement sa mga ginastos ng miyembro gaya ng gamot, operasyon, hospital at medical expenses, appliances at supplies. Subalit, ang serbisyong medikal ay limitado lamang sa ward ng ospital na akreditado ng Department of Health (DOH).
Mayroon ding mga rehabilitation services na matatanggap ang mga Persons with Work-Related Disability (PWRD) na may aprubadong EC Temporary Total Disability, EC Permanent Total Disability, at EC Permanent Partial Disability. Katulad ng benepisyong rehabilitation services, sa ilalim ng programang Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan o KaGabay, na pinamamahalaan ng ECC, sila ay mabibigyan rin ng libreng Physical Restoration, Skills Training for Re-employment at Entrepreneurship Training.
Mayroon ding ipinagkakaloob na Funeral at EC Death Benefit sa mga benepisyaryo ng namatay na empleyado dahil sa work-related na sakit o insidente. Iba pa ito sa Funeral at Death Benefits na ibinibigay ng SSS sa ilalim ng Social Security Program. Kahalintulad sa SSS, ang primary beneficiaries ng namatay na miyembro ay makakatanggap ng buwanang pensyon, kasama ang 10 porsyento ng buwanang pensyon para sa bawat minor dependent nito. Ngunit batay sa EC guidelines, kung walang primary beneficiaries ang namatay na miyembro, ang secondary beneficiaries ang pagkakalooban ng buwanang EC pensyon na hindi hihigit sa 60 buwan alinsunod sa 5-year guaranteed pension. Simula noong August 2017, ang EC Funeral ibinibigay sa sinumang gumastos nito na nagkakahalaga ng P30,000.00.
====
Sa susunod na kolum, pag-usapan naman natin kung ano ang mga kwalipikasyon ng mga Self-Employed members para makapag-avail ng Employees’ Compensation benefits.
===
Magpadala po kayo ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan o paglilinaw tungkol sa inyong SSS at tatalakayin natin ito sa mga susunod nating kolum.