Isang kaibigang nasa abroad ang nag-email sa akin ng katanungan tungkol sa kaniyang SSS. Paano raw ba gumawa ng sariling My.SSS account? Narinig niya kasi ako sa isang panayam sa radyo na tinalakay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang My.SSS account.
Para sa kaalaman ng lahat, ang My.SSS ay isang portal na maaaring gamitin ng mga individual members (e.g. self-employed, voluntary, non-working spouse), employed members, employers, pensioners pati na rin ng coverage and collection partners upang ma-access ang rekords nila at online services ng SSS. Hindi na niyo kailangan pang pumunta sa mga branches dahil kahit nasa bahay, opisina o saan man sa mundo, basta’t may internet connection, maaari kang makipag-transact sa aming ahensya gamit ang iyong My.SSS account.
Bago magregister sa My.SSS, tandaan na dapat ay mayroon ka munang aktibong e-mail address dahil dito ipapadala ng SSS ang lahat ng mga notifications ng inyong transactions.
Kapag mayroon ng e-mail address, magpunta lamang sa SSS website www.sss.gov.ph. I-click ang MEMBER kung individual member, EMPLOYER kung ang gagawing My.SSS account ay employer’s account, at COVERAGE AND COLLECTION PARTNER (e.g. KaSSSangga Collect o SSS-Accredited Partner Agent).
Matapos i-click ang MEMBER, ireredirect ka sa isang template kung saan kinakailangan mong i-click ang REGISTER na makikita sa bandang ibaba. May lalabas na notification patungkol sa “Reminders.” Piliin ang “I certify” at “PROCEED.” Kailangang sagutin ang mga hinihinging impormasyon lalo na ang mga may pulang marka. Kapag natapos na, pindutin ang SUBMIT at abangan ang e-mail notification sa iyong rehistradong email address.
Mula sa ipinadalang e-mail ng SSS, papagawan ka ng password at hihingin ang huling anim na numero ng iyong Social Security (SS) Number. Kapag naging successful ang step na ito, ireredirect ka na sa iyong My.SSS account dashboard at pasasagutan ng Security Questions para maverify naming ang iyong identity sakaling makalimutan mo ang iyong password.
Kapag natanggap na ng system ang iyong sagot sa Security Questions, ibabalik ka sa iyong dashboard at makikita mo rito ang iyong litrato, pangalan, SS Number at petsa kung kailan mo kinakailangang palitan o i-update ang iyong password.
Makikita mo rin ang drop-downs kung saan ay maaari ka nang magtransact online sa My.SSS Portal. Sa “MEMBER INFO,” makikita mo ang Member Details, Update Contact Info, Change password, Employment History, Appointment System, UMID/SSS ID Details at Update Security Questions. Sa “INQUIRY,” nariyan ang Benefits, Contributions, Eligibility, Loan Info at RTC/CPO Reference Number Inquiry.
Sa “BENEFITS” drop-down, maaari kang mag-apply ng ibang ibang benepisyo sa SSS na hindi na kailangang pumunta sa opisina. Nariyan ang Submit Maternity Notification, Apply for Maternity Benefit, Apply for Adjustment of Maternity Benefit, Apply for Sickness Benefit, Apply for Adjustment of Sickness Benefit, Apply for Unemployment Benefit, Apply for Retirement Benefit, Apply for Disability benefit, Apply for Funeral Benefit at Apply for Death Benefit.
Susunod sa drop-down menu ay ang “LOANS.” Makikita rito ang mga sumusunod: Apply for Salary Loan, Apply for Calamity Loan, Apply for Pension Loan at Apply for Consolidation of Past Due Short-Term Member Loan with Condonation of Penalty Program.
Sa “SERVICES” drop-down menu naman, dito maa-access ang Disbursement Module kung saan dito ini-enrol ang iyong bank account. Maaari ring makita ang inyong Membership Records, at mag-enrol sa WISP Plus at Auto Debit Arrangement. Kung nais naman magbayad ng contribution at loans online o sa pamamagitan ng iba’t-ibang electronic payment wallets, i-click ang PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN) para sa contribution at loans para mabigyan ka ng PRN na siyang gagamitin sa pagbabayad sa Gcash, Maya o BPI Debit.
Para sa mga members na wala pang My.SSS account, bukas ang E-centers ng mga SSS branches para i-assist kayo sa inyong registration. Iwasan natin ang humingi ng tulong o magbigay ng mga pribadong impormasyon sa mga taong hindi natin kilala para hindi tayo ma-scam. Libre po ang aming serbsiyo at nakakasiguro kayong ligtas ang inyong mga impormasyon kung kayo ay lalapit sa aming E-Centers.
Kung may paksa o katanungan sa SSS na nais niyong pag-usapan, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph