Mas pinadali ang transaksyon sa SSS dahil mayroon ng My.SSS Portal. Maaari itong gamitin ng self-employed, voluntary, non-working spouse, employed members, employers, pensioners pati na rin ng coverage and collection partners upang ma-access ang kanilang rekords at online services ng SSS. Hindi na kailangang pumunta sa mga branches dahil kahit nasa bahay, opisina o saan man sa mundo, basta’t may internet connection, maaari kang makipag-transact sa SSS gamit ang iyong My.SSS account.
Bago magregister sa My.SSS, tandaan na dapat ay mayroon munang aktibong e-mail address dahil dito ipapadala ng SSS ang lahat ng mga notifications ng inyong transactions.
Kapag mayroon ng e-mail address, magpunta lamang sa SSS website www.sss.gov.ph. I-click ang MEMBER kung individual member, EMPLOYER kung employer account ang gagawin sa My.SSS, at COVERAGE AND COLLECTION PARTNER kung KaSSSangga Collect o SSS-Accredited Partner Agent.
Kung MEMBER ang piniling option, ireredirect ka sa isang template kung saan kinakailangan i-click ang REGISTER na makikita sa bandang ibaba. May lalabas na notification patungkol sa “REMINDERS.” Piliin ang “I CERTIFY” at “PROCEED.” Kailangang sagutin ang mga hinihinging impormasyon lalo na ang mga may pulang marka. Kapag natapos na, pindutin ang SUBMIT at abangan ang e-mail notification sa iyong rehistradong email address.
Mula sa ipinadalang e-mail ng SSS, gagawa ng password at hihingin ang huling anim na numero ng Social Security (SS) Number. Kapag naging successful ang step na ito, ireredirect na ang miyembro sa My.SSS account dashboard at pasasagutan ng Security Questions para maverify ang identity ng account holder sakaling makalimutan ang kanilang password.
Kapag natanggap na ng system ang sagot sa Security Questions, babalik na muli sa dashboard at makikita rito ang litrato ng member, pangalan, SS Number at petsa kung kailan papalitan o i-update ang account password.
Makikita rin ang drop-down menu kung saan maaari nang magtransact online sa My.SSS Portal. Sa “MEMBER INFO,” makikita ang Member Details, Update Contact Info, Change password, Employment History, Appointment System, UMID/SSS ID Details at Update Security Questions. Sa “INQUIRY,” nariyan ang Benefits, Contributions, Eligibility, Loan Info at RTC/CPO Reference Number Inquiry.
Sa “BENEFITS” drop-down, maaari nang mag-apply ng iba’t ibang benepisyo sa SSS na hindi na kailangang pumunta sa opisina. Nariyan ang Submit Maternity Notification, Apply for Maternity Benefit, Apply for Adjustment of Maternity Benefit, Apply for Sickness Benefit, Apply for Adjustment of Sickness Benefit, Apply for Unemployment Benefit, Apply for Retirement Benefit, Apply for Disability benefit, Apply for Funeral Benefit at Apply for Death Benefit.
Susunod sa drop-down menu ay ang “LOANS.” Makikita rito ang mga sumusunod: Apply for Salary Loan, Apply for Calamity Loan, Apply for Pension Loan at Apply for Consolidation of Past Due Short-Term Member Loan with Condonation of Penalty Program.
Sa “SERVICES” drop-down menu naman, dito maa-access ang Disbursement Module kung saan dito ini-enrol ang bank account. Maaari ring makita ang Membership Records, at mag-enrol sa WISP Plus at Auto Debit Arrangement. Kung nais naman magbayad ng contribution at loans online o sa pamamagitan ng iba’t-ibang electronic payment wallets, i-click ang PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN) para sa contribution at loans para mabigyan ka ng PRN na siyang gagamitin sa pagbabayad sa Gcash, Maya o BPI Debit.
Para sa mga members na wala pang My.SSS account, bukas ang E-centers ng SSS branches para i-assist kayo sa inyong registration. Iwasan natin ang humingi ng tulong o magbigay ng mga pribadong impormasyon sa mga taong hindi natin kilala para hindi tayo ma-scam. Libre ang aming serbsiyo at makasisiguro kayong ligtas ang inyong mga impormasyon kung pupunta sa aming E-Centers.
Good news! Dahil tuwing Lunes ay mapapakinggan na ang USSSapang SSS sa K-Lite 96.7 mula alas-otso hanggang alas-nuebe ng umaga. Tutok na! Kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.