Hello SSS,
Isa po akong may-ari ng isang maliit na café dito sa Baguio. Kakasimula lang namin mag-operate last month (June 2022). May tatlo po akong regular na empleyado. Dahil kakaumpisa pa lang namin sa negosyo, gusto ko sanang malaman kung ano-ano ang mga responsibilidad ko bilang employer sa SSS? Thank you! – Anne, Baguio City
Mabuting Araw sa iyo, Ms, Anne! Ang iyong kagustuhan na malaman ang iyong responsibilidad sa SSS bilang isang employer ay isang napakagandang panimula. Ipinapakita mo na may pagmamalasakit ka hindi lamang sa iyong negosyo kundi pati na rin sa iyong mga empleyado.
Batay sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, ito ang mga sumusunod na obligasyon ng bawat employers:
Una, irehistro ang negosyo sa SSS sa pamamagitan ng online o sa aming opisyal na website, ang sss.gov.ph. Narito ang link sa registration: https://employer.sss.gov.ph/employer/registrationPages/employerR1.jsp.
Pangalawa, responsibilidad ng employer na i-report ang kaniyang mga empleyado sa SSS sa loob ng 30 days o isang buwan mula sa hiring date.
Pangatlo, i-remit ang SSS contribution ng empleyado sa SSS. Hindi ito natitigil sa pagkaltas mula sa sweldo ng empleyado ang kaniyang SSS contribution. Dapat ay may share din ang employer at i-remit ang buong halaga sa SSS. Ngayon, nasa 13% ang contribution rate sa SSS, at pinaghahatian ito ng employer (8.5%) at employee (4.5%).
Pang-apat, responsibilidad ng employer na i-update nang tama ang mga payroll, collection list, employment records at iba pang dokumento na may kinalaman sa SSS. Maliban dito, kailangan niyo itong maipakita sa SSS kung sakaling hanapin para masagot ang kanilang mga katanungan o paglilinaw ukol sa SSS membership bilang isang employer o kaya naman ang SSS membership ng kanilang empleyado.
Nitong mga nakaraang buwan, naglibot ang SSS sa Northern Luzon para kalampagin ang mga delingkwenteng employers. Ang Run After Contribution Evaders o RACE Campaign ay isang programa na naglalayong paalalahanan ang mga employers sa kanilang mga obligasyon sa SSS. Binibigyan sila ng written orders na kailangang mag-report sila sa SSS sa lalong madaling panahon para ayusin ang anumang mga delinquencies o pagkukulang sa SSS. Nakasaad sa written order ang imbitasyon sa mga employers na mag-apply sa PRRP 3 o Pandemic Relief and Restructuring Program – Enhanced Installment Payment Program para sa SS at Employees’ Compensation Contribution. Sa ilalim ng PRRP 3, bibigyan ang mga employers ng pagkakataon na bayaran ang kanilang past due SS at EC contributions na may mas pinahabang monthly installment mula siyam hanggang 60 buwan, depende sa halaga ng kanilang delinquency.
Kung hindi nila masunod ito, mapipilitan ang SSS branch na i-endorse ito sa Legal Department. May kaakibat na criminal at civil liability kasi ang sinomang employer na hindi makakasunod sa mga obligasyon na nabanggit ko.
Para sa’yo Anne, nawa’y magtagumpay ka sa iyong negosyo. Kasabay nito, sana ay ipagpatuloy mo ang pagtupad sa iyong responsibilidad sa SSS dahil ang pagkakaroon ng aktibong SSS membership ng iyong mga empleyado ay nagsisilbing proteksyon nila sa mga hamon ng buhay.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.