Nitong mga nakaraang linggo, marami tayong natanggap na mga katanungan via email at text mula sa ating mga miyembro at pensionado tungkol sa ACOP o Annual Confirmation of Pensioners. Karamihan sa kanila ay nagtatanong kung kailan sila maaaring mag-comply ng ACOP, o kung kailangan pa ba nilang magcomply sa programa. Narito ang ilang mga katanungan:
Mabuting araw po sa inyo SSS. Tanong ko lang po kung kailan magco-comply ang lola ko sa ACOP? Kakasimula lang po niyang tumanggap ng pension mula sa namatay kong lolo. 79 years old na po siya at nakatira siya sa amin sa probinsya – Melay, Baguio City
When and how should I comply with ACOP? I am a new pensioner, just starting to receive my retirement pension last July. Thank you – Margarita, Baguio City
Matagal nang nakatira sa Africa ang aking mommy at daddy. Parehas po silang SSS pensioner pero naputol po yung pension nila since last year (2021) dahil hindi sila nakapag-ACOP. Paano po sila mag-comply dito at makakatanggap ba muli sila ng pension nila? Salamat po. – Aurora, Baguio City
Ang ACOP o Annual Confirmation of Pensioners ay ipinatupad noong taong 2004 bilang isang hakbang ng Social Security System upang matiyak ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng benepisyo sa mga tamang pensioners ayon sa Social Security Law. Sa ilalim ng programang ito, ang mga pensioners ng retirement benefit, death benefit at total disability gayundin ang kanilang mga dependent children ay kinakailangang magreport sa pinakamalapit na SSS branch sa buwan ng kapanganakan ng miyembro kapag retirement benefit pensioner o namatay na miyembro kapag death benefit pensioner.
Simula noong taong 2020, nagkaroon ng pagbabago sa guidelines ng pagcomply sa ACOP bilang pagtugon ng SSS sa pagpapatupad ng health and safety protocols ng pamahalaan para sa kaligtasan ng mga pensioners lalong-lalo na ang mga senior citizens mula sa sakit na Covid-19.
Sa kasalukuyan, ang mga kailangan lamang magcomply sa ACOP ay ang mga sumusunod: retiree pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioners, survivor pensioners, kanilang mga dependent children (minor o incapacitated) kasama ang kanilang guardians. Sa ngayon, ang pagcomply sa ACOP ay pinalawig na lamang hangang October 31, 2022.
Simula November 1, 2022 ay muling ipapatupad ang regular na schedule ng pagrereport para sa ACOP compliance. Ang mga retiree pensioners na naninirahan sa ibang bansa at mga total disability pensioners ay kailangang tumugon sa ACOP tuwing buwan ng kanilang kapanganakan, ang mga Survivor Pensioners naman ay kailangang tumugon sa ACOP tuwing buwan ng kapanganakan ng namatay ng miyembro; gayundin ang mga dependent children (minor man o incapacitated) kasama ang kanilang tagapangalaga o guardian.
Bukod sa pagsadya sa pinakamalapit na SSS Branch Office, narito ang ilan pang mga paraan para makatugon sa ACOP:
- Magpadala ng ACOP compliance sa corporate email ng SSS Branch Office, Service Office, Foreign Representative Office o sa OFW Contact Services Section para sa mga pensioners na naninirahan sa ibang bansa.
- Video conference gamit ang MS Teams para sa pensioners na nasa abroad.
- Ipadala ang ACOP compliance via mail o courier na nakaaddress sa SSS Branch Office, Foreign Representative Office o OFW Contact Service Section.
- Magrequest ng Domicilliary Medical Service o home visit para sa mga total disability pensioners na naninirahan dito sa Pilipinas.
Ang ACOP Pensioner’s Reply Form ay maaaring i-download mula sa opisyal na website ng SSS o sa sss.gov.ph.
Paalala din sa mga pensyonadong nakapag-comply na noong taong 2021 ay hindi na kailangang tumugon muli sa ACOP sa October 31, 2022. Ang mga hindi makatugon sa ACOP hanggang October 31, 2022 ay masususpinde ang kanilang pension simula January 31, 2023. Kung sakaling mangyari ito, magsadya lamang ang apektadong pensyonado sa pinakamalapit na SSS branch sa lalong madaling panahon.
Ang lahat ng guidelines at buong impormasyon ng ACOP ay makikita sa sss.gov.ph o kaya ay sa opisyal ng Facebook page ng SSS, Philippine Social Security System.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.