Mabuting balita para sa mga miyembro at employers na hindi pa nakapaghulog ng SSS contribution mula noong Enero 2020. Sa ipinalabas na Circular 2020-06d, muling pinalawig ang deadline sa pagbabayad ng kontribusyon.
Para sa mga Self-employed, Voluntary o Non-Working Spouse members na hindi nakapaghulog ng kanilang kontribusyon para sa buwan ng Enero 2020 hanggang Setyembre 2020, maaari pa nila itong bayaran hanggang Nobyembre 30, 2020.
Gayundin naman, kung ang mga Household Employers ay hindi pa nakakapagbayad ng kontribusyon ng kanilang mga kasambahay mula Enero 2020 hanggang Setyembre 2020, maaari pa silang humabol sa pagbabayad hanggang Nobyembre 30, 2020.
Samantala, may palugit din hanggang Nobyembre 30, 2020 ang mga Regular Employers para bayaran ang kontribusyon ng kanilang empleyado para sa buwan ng Pebrero 2020 hanggang Oktubre 2020.
Ang maganda pa rito, hindi papatawan ng 2% penalty ang mga Household at Regular Employers kung babayaran nila ang kontribusyon ng kanilang mga empleyado base sa bagong schedule.
Kung ang employer naman ay may aprubadong installment proposal sa ilalim ng SSS Circular No. 2018-008, kailangan nilang maideposito sa November 30, 2020 ang mga post-dated checks na may petsa ng Marso 2020 hanggang Oktubre 2020.
Kung sakaling pumatak sa Sabado o Linggo o holiday ang araw ng payment deadline, tatanggapin pa rin ang inyong bayad sa susunod na working day. Sa bagong extension ng deadline payment sa Nobyembre 30, maaari pa rin kayong magbayad hanggang Disyembre 1.
Sa ipinatutupad na extension sa pagbabayad ng kontribusyon, nais naming paalalahanan ang publiko na may mga limitasyon na nakapaloob dito.
Ang mga kontribusyon na binayaran nang retroactive ay hindi maaaring gamiting basehan sa eligibility at pag-compute ng anumang benepisyo kung binayaran ito sa loob o pagkatapos ng semester of contingency.
Halimbawa, si Leslie ay manganganak sa Disyembre 2020. Dapat ay may tatlong buwan siyang hulog mula Marso 2019 hanggang Marso 2020. Ipagpalagay natin na ni isang buwan ay walang naihulog si Leslie noong 2019 at aasa lamang siya sa hinulog niyang kontribusyon noong Enero hanggang Marso 2020 para maka-claim ng Maternity Benefit.
Sa ganitong kaso, dapat nabayaran na ni Leslie noong April 2020 ang kanyang SSS contribution para sa buwan ng Enero 2020 hanggang Marso 2020 para mag-qualify siya sa benepisyo. Subalit, kung pagbabasehan natin ang inilabas na bagong payment extension at babayaran ni Leslie sa Nobyembre 2020 ang kontribusyon niya para sa buwan ng Enero hanggang Marso 2020, hindi aaprubahan ng SSS ang kaniyang Maternity Benefit claim dahil ang binayarang kontribusyon para sa nasabing buwan ay pasok sa kaniyang contingency period na mula July 2020 hanggang Disyembre 2020.
Marahil, tatanungin ng ilan kung para saan pa ang payment extension kung hindi naman pala ito magagamit sa pag-compute ng benepisyo? Hindi man ito ikokonsidera ng SSS para sa short term benefits gaya ng Sickness, Maternity at Unemployment, malaki naman ang epekto nito sa matatanggap na long-term benefits tulad ng Retirement, Disability, Death, at Funeral.
Para sa mga magreretiro na sa katapusan ng taon ngunit kulang pa ang kanilang hulog sa SSS, ang payment extension ang magbibigay sa kanila ng pagkakataon na makumpleto ang kinakailangang 120 months para mag-qualify sa Retirement Pension. Tandaan natin na pagdating sa long-term benefits, kung mas malaki at mas matagal na panahon tayong naghuhulog ng kontribusyon, mas malaki ang matatanggap natin na benepisyo sa hinaharap.
Kaya magsilbi sana itong paalala sa ating mga miyembro na huwag sayangin ang pagkakataon para hulugan ang inyong kontribusyon. Para sa mga self-employed, voluntary, at non-working spouse members, hangga’t maaari ay bayaran ang kontribusyon sa takdang oras atiwasan ang contribution gaps para makasigurong mag-qualify kayo sa mga short-term benefits at loan privileges sa SSS.
Habang maaga pa ay bayaran na ito sa ating mga partner banks at remittance centers. Sa katunayan, makikita ninyo ang kumpletong listahan sa official Facebook Page ng SSS, ang Philippine Social Security System. Sana ay huwag niyo nang hintayin na sumapit ang deadline para hindi maabala sa mahabang pila bunsod ng posibleng dagsa ng mga magbabayad.
Paalala para sa mga regular employers, ang mga kontribusyon para sa mga buwan mula Nobyembre 2020 ay babalik na sa dating regular na deadline ng pagbabayad. Para naman sa mga household employer at mga miyembro na kabilang sa self-employed, voluntary at non-working spouse, babalik na sa dating regular na schedule ng pagbabayad ang mga kontribusyon para sa mga buwan mula Oktubre 2020.
Pinapayuhan namin ang mga employed members na gumawa ng sariling My.SSS accounts para personal na makita at masubaybayan ang posting ng inyong contribution records.
===
Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph. ###