Si Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III na ang bagong Chairperson ng Social Security Commission (SSC), ang policy-making body ng Social Security System. Ito ay alinsunod sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018, na kung saan ang kalihim ng Department of Finance ang tatayong ex-officio Chairperson.
Tiyak na makapagbibigay si Sec. Dominguez ng panibagong direksyon para mas mapalago pa lalo ang pinansyal na estado ng SSS na siya namang magbibigay ng mas magandang benepisyo sa mga miyembro.
====
Isa sa polisiya na nais tutukan ng bagong SSC Chair ay ang pagbabawas sa overhead expenses ng ahensiya. Sa ilalim ng RA 11199, maaari lamang gumastos ang SSS ng hindi lalagpas sa 12 porsyento ng kabuuang kontribusyon kada taon at 3 porsyento naman mula sa iba pang kita ng ahensya para sa administrative at operational expenses gaya ng suweldo ng empleyado, supplies at ibang materyales, pati na rin ang pagpapanatili ng mga opisina ng SSS.
Subalit, noon pa man ay matipid at masinop na ang SSS. Batay sa financial statement ng ahensiya, nasa 5 porsyento lamang ng kabuuang annual operating expenses ang ginamit ng SSS mula pa noong 2016.
====
Nagpahayag din sa Sec. Dominguez ng kaniyang planong “digitalization” sa ilang proseso sa SSS. Nais niyang dagdagan ang pamumuhunan sa Information Technology para masuportahan ang planong digitalization. Naniniwala si Sec. Dominguez na malaki ang matitipid ng SSS kung magiging moderno na ang pamamaraan ng transaksyon sa SSS. Malaking tulong din ito para mas mapabilis ang pagproseso ng mga benefit at privilege claims ng mga miyembro.
Sa kasalukyan, kabilang sa electronic services ng SSS ay ang online application para sa pagkuha ng SS number, aplikasyon ng member data amendment, pagkuha ng Payment Reference Number o PRN, pagsumite ng employment report, contribution (R-3) at collection list (ML-2), pag-apply ng salary loan at certification of salary, at pag-file ng maternity at sickness notification.
Sa kasalukuyan, ang electronic services ng SSS ay My.SSS ng SSS Website, SSS Mobile App, Self-Service Information Terminal, Interactive Voice Response System at Text-SSS.
Ilan pa sa mga transaksyon na pwede sa pamamagitan ng My.SSS ay salary loan application, pag-enroll sa Personal Equity and Savings Option (PESO) fund at Flexi-fund, pag-file ng retirement claim, paghingi ng kopya ng iyong rekords sa SSS, magrequest ng appointment schedule sa SSS, pagkuha ng Payment Reference Number (PRN), at pagbabago ng password sa My.SSS.
Samantala, sa pamamagitan ng SSS Mobile Application ay pwede na rin kumuha ng PRN, makita ang Statement of Account (SOA) at i-edit ang halaga ng kontribusyon sa susunod na paying period, makita ang detalyadong impormasyon ng inyong contribution payments, makita ang iyong membership information, mag-update ng iyong contact information, magsubmit ng salary loan application at maternity notification, at makita ang listahan at direksyon papunta sa SSS branches sa pamamagitan ng branch locator.
Gamit ang Text-SSS, maaari na rin malaman ng miyembro ang kanyang contribution at loan status, loan balance, benefit claim status, requirements sa pagkuha ng SSS ID pati na rin ang pag-file ng benepisyo sa SSS. Pwede rin alamin ang pinakamalapit na SSS branch sa iyong lugar, ma-recover ang iyong PIN at magpadala ng feedback sa SSS sa pamamagitan ng pasilidad na ito. Sublit, may service fee na P2.50 para sa Globe at Smart subscribers at P2.00 para sa Sun Cellular subscribers kapag gumamit ng Text-SSS.
Pag-uusapan at babalangkasin na ang planong “digitalization” sa mga susunod na meeting ng SSC. Titignan nila kung alin pa sa mga proseso at transaksyon sa SSS ang maaaring i-digitize. Abangan natin ang susunod na developments sa SSS!
====
Nais din iparating ni Sec. Dominguez na sana ay makita ng mga miyembro ang kahalagahan ng pag-iimpok para sa kanilang kinabukasan. Kapalit nito ay handa rin ang SSS na magbigay ng mabilis at de-kalidad na serbisyo.
====
Patuloy po ninyong ipadala ang anumang suhestiyon, opinyon at iba pang katanungan tungkol sa inyong SSS membership sa aking e-mail address rillortac@sss.gov.ph at susubukan nating pag-usapan yan sa ating susunod na column.