LUNGSOD NG DAGUPAN – Ang Professional Regulation Commission (PRC) – Regional Office I ay nag-anunsyo ng pagsasagawa ng dalawang araw na pagsusulit para sa mga nais maging guidance and counseling professionals sa darating na Agosto 16 at 17, 2023.
Ayon kay PRC Ilocos regional director Arly Sacay-Sabelo, mayroong 25 examinees ang kukuha ng pagsusulit na gaganapin sa PRC Regional Office I Testing Rooms sa bayan ng Rosales.
“Sa mga kukuha ng pagsusulit, hindi papasukin ang mga late examinees kaya pinapayuhan ang mga examinees na dumating sa kanilang nakatakdang silid ng mas maaga sa oras na 6:30 ng umaga sa mga petsa ng pagsusulit,” ani Sabelo.
Sa araw ng eksaminasyon, inaatasan ang mga examinees na dalhin ang kanilang Notice of Admission (NOA), mga lapis (No. 2), ball pens (itim na tinta lamang), isang pirasong mahabang brown na sobre, isang pirasong mahabang transparent na plastik na sobre (para sa pag-iingat ng mga mahahalagang bagay at iba pang pinahihintulutang gamit), pagkain at inumin, at pangunahing calculator na may mga sumusunod na feature lamang: addition, subtraction, multiplication, division, trigonometric function, logarithm, at xy.
“Mahigpit na pinapayuhan ang mga examinees na basahin ang espesyal na panuntunan at advisory sa kanilang NOA, bisitahin at tingnan ang kanilang room assignment sa opisyal na website ng PRC: www.prc.gov.ph nang hindi bababa sa tatlo hanggang limang araw bago ang nakatakdang pagsusulit at i-download ang programa ng eksaminasyon,” ani Sabelo.
Aniya para sa karagdagang impormasyon, ang mga examinees ay maaaring makipag-ugnayan sa PRC sa pamamagitan ng email sa address na ro1.examination@prc.gov.ph. By ODIE P. MAMARIL III