Naging masigla at makulay ang buhay ng SSS sa unang anim na buwan ng 2019. Simula pa lamang ng taon, naisabatas na ang RA 11199 o ang Social Security Act of 2018. Sa sumunod na mga buwan, naisabatas na rin ang Expanded Maternity Leave Law. Hindi maikakaila na ang mga nabanggit na batas ay magbibigay hindi lamang ng mas mataas na benepisyo sa ating mga miyembro kundi mas matatag at malaking pananalapi ng SSS.
Inilabas kamakailan ng SSS ang kanilang financial records na kung saan makikita ang mga datos tungkol sa pananalapi ng SSS mula sa Enero hanggang Hunyo 2019. Ayon sa datos, umabot sa P95.71 bilyon ang halaga ng naipamahaging benepisyo sa halos 3.19 milyong miyembro at pensyonado.
Umabot sa P55.70 bilyong halaga ng retirement benefits ang naipamahagi sa 1.57 milyong pensyonado. Isang milyong benepisyaryo naman ang nakinabang sa P28.63 milyong halaga ng death benefits. Naipamahagi rin ang P3.59 bilyong disability benefit, P2.14 bilyong funeral benefit, at P1.5 bilyong sickness benefits.
Dumagdag din sa pagtaas ng benefit payout ang pagsasabatas ng Expanded Maternity Leave Law na inilunsad nitong Mayo. Umabot sa P4.13 bilyon ang naipamahagi ng SSS sa mga babaeng miyembro nito.
Samantala, umakyat naman ang kabuuang revenue o kita ng SSS sa P115.53 bilyon mula Enero hanggang Hunyo 2019. Mas mataas ito ng 20.9 porsyento mula sa kaparehong panahon noong 2018. Nagmula ang revenue sa kontribusyon ng miyembro na nagkakahalaga ng P99.08 bilyon at investments na nasa P16.45 bilyon.
Naniniwala ang SSS na malaking bagay ang pinaigting na pangongolekta at mahusay na sistema sa pamumuhunan. Maganda rin ang lagay ng merkado kaya dumagdag sa magandang resulta ng pamumuhunan ng SSS.
====
Patuloy ang ating selebrasyon ng ika-62 Anibersaryo ng SSS ngayong buwan ng Setyembre. Isa sa mga mahahalagang aktibidad ay ang Balikat ng Bayan Awards na kung saan kinikilala ang mga natatanging employers, SSS accredited partner agents, media, at iba pang stakeholders na tumatalima sa kanilang obligasyon at tumutulong sa aming ahensya na makapagbigay ng dekalidad na serbisyo sa ating mga miyembro, pensyonado at kanilang benepisyaryo.
Iginawad ang Best Employer Award sa Hitachi Global Storage Technologies Philippines Corporation para sa Large Employer category; Gingoog City Colleges, Inc para sa Medium Employer Category; at Ryomo Philippines Information Corporation para sa Small/Micro Employer Category.
Tinanggap naman ng Bank One Savings Corporation ang Best Collection Partner Award sa ilalim ng Thrift Category samantalang napunta sa Rural Bank of Lanuza ang Rural Category sa ilalim pa rin ng Best Collection Partner Award.
Para naman sa Best Paying Partner, Philippine National Bank ang tumanggap para sa Commercial Category; First Consolidated Bank, Inc para sa Thrift Category; at East West Rural Bank, Inc. para sa Rural Category.
Hinirang ang SEDP-SIMBAG sa Pag-Asenso, Inc. bilang Best Accredited Partner Agent sa ilalim ng Cooperatives/MFI category, Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa National Agency category, at ang Provincial Government of Pangasinan naman para sa Local Government Unit category.
Kinilala rin ang mga Best Media Partners tulad ni Ana Marie Pamintuan ng Philippine Star, Alvin Elchico ng ABS-CBN, at Ely Saludar ng DZXL 558.
Mula sa buong pamunuan ng SSS, congratulations po sa mga nakatanggap ng parangal at nawa’y hindi kayo magsawa na maging kabalikat ng SSS sa mga susunod na taon.
====
Tuloy tuloy ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Pension Loan Program. Lahat ng retiree pensioners na may panandaliang pangangailangang pinansyal ay inaanyayahang bumisita sa alinmang sangay ng SSS para mag-apply ng PLP.
====
Speaking of loans, umabot sa P19.01 bilyong halaga ng Salary Loan ang naipamahagi ng SSS sa 942,000 salary loan applicants nitong unang bahagi ng 2019. Tumaas ito ng 8.4 porsyento mula sa P17.53 bilyon noong kaparehong panahon ng 2018.
Ayon sa datos, nakatanggap ang employed members ng P17.67 bilyon, sumunod ang voluntary members ng P1.08 bilyon, self-employed members ng P83.69 milyon, at OFW members ng P163.07 milyon.
Umaabot sa 10 posyento ang interes kada taon sa Salary Loan base sa diminishing principal balance at babayaran ito sa loob ng dalawang taon. Kung sakaling hindi maipagpatuloy ng member-borrower ang pagbabayad ng kanyang pagkaka-utang, mapapatawan siya ng isang porsyentong penalty kada buwan at 10 porsyentong annual interest rate hanggang mabayaran nang buo ang kanyang pagkaka-utang.
====
E-mail niyo po ako sa rillortac@sss.gov.ph kung may mga katanungan kayo sa inyong SSS membership o records o may mga paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa mga susunod na column.