Happy New Year po sa ating lahat! Nawa’y makamit ninyo ang kaligayahan, kapayapaan, at biyaya ngayong 2024.
Tuloy-tuloy pa rin ang ating kwentuhan tungkol sa SSS ngayong taon kaya naman binigyan natin ng bagong pangalan ang ating kolum. Mula ngayon ay tatawagin na natin itong – “Usapang SSS”. Asahan ninyo na magiging mas malawak at mas siksik sa impormasyon ang ating kolum kada linggo.
Kasabay ng bagong taon, marahil ay nagtatanong ang karamihan sa mga miyembro at employers kung magpapatupad ba ng bagong contribution rate ang SSS gaya ng nagdaang taon. Magandang balita, dahil ngayong 2024 ay walang magaganap na pagtaas sa kontribusyon, alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018. Mananatili sa 14% ang SSS contribution rate ngayong taon.
Kaya naman, mananatili sa P4,000 ang pinakamababang Monthly Salary Credit (MSC) at P30,000 ang pinakamataas na MSC. Ang contribution sharing naman sa pagitan ng employer at empleyado ay mananatili sa 9.5% at 4.5%, respectively.
Bukod sa SSS contribution, mayroon ding Employees’ Compensation (EC) contribution. Mapapakinabangan ito ng employed at self-employed members kung work-connected ang kanilang sakit, natamong injury o pagkamatay. Pagdating sa EC, tanging employer lamang ang magbabayad nito. Sampung piso ang idadagdag niya kung ang MSC ng kaniyang empleyado ay mula P4,000 hanggang P14,500. Kung P15,000 pataas ang MSC ng empleyado, P30 na ang EC share ng employer.
Samakatwid, ang minimum na contribution ngayong taon ay ₱570 at ang maximum ay ₱4,230 para sa mga empleyado. Ganito rin ang halaga ng kontribusyon ng mga Self-Employed members depende sa kanilang idedeklarang monthly earnings.
Halimbawa, ang isang empleyadong sumasahod kada buwan ng P4,250 pababa ay makakaltasan ng P180.00 mula sa kaniyang sahod. Tutumbasan ito ng employer ng P380.00 para sa kabuuang P560.00 monthly contribution. Dadagdagan pa ito ng employer ng sampung piso para naman sa Employees’ Compensation o EC share nito, kaya suma total ay P570.00 ang magiging kontribusyon ng empleyado.
Para sa mga Voluntary Members at Non-Working Spouses, dahil wala silang employer, sasagutin nila ang buong 14% contribution rate kaya ang minimum nila ay P560.00 at ang maximum ay P4,200 kada buwan. Sa mga OFW members naman, mananatili sa P1,120 ang kanilang minimum contribution at maximum na P4,200. Good news para sa ating mga kasambahay na naninirahan sa National Capital Region (NCR) at CARAGA Region dahil nagtaas ang kanilang minimum wage bago magtapos ang 2023. P6,500 na sa NCR samantalang P5,000 naman sa CARAGA. Dahil nagtaas ang kanilang minimum wage, tataas din ang kanilang buwanang kontribusyon na siyang makakatulong upang mas malaking benepisyo ang kanilang makuha sa SSS.
Bukod sa regular Social Security (SS) at EC contribution, may Mandatory at Voluntary Provident Fund ang SSS na kilala rin bilang Workers Investment Savings Program (WISP) at Workers Investment Savings Program Plus (WISP Plus). Maglalaan tayo ng isang kolumn upang talakayin ang mga ito.
Matapos kong ipaliwanag ang halaga ng kontribusyon, paano nga ba ito mapakikinabangan ng ating mga miyembro? Tandaan na sinusundan ng SSS ang isang defined-benefit scheme, kung saan ang halaga ng matatanggap na benepisyo ay batay sa halaga ng nabayarang kontribusyon at tagal ng paghuhulog sa SSS. Dito sa SSS, garantisadong may matatanggap na benepisyo mula sa kontribusyong pinag-ipunan.
Kaya ngayong bagong taon, para sa mga indibidwal na may sariling negosyo, o may pinagkakakitaan, mga dating empleyado sa private sector, Job Orders at Contract of Service Workers, mga manggagawang self-employed na kabilang sa informal sector, maging mga OFWs, huwag ninyong kakaligtaan magbayad ng inyong SSS contribution.
Para naman sa business at household employers, siguraduhin na nakarehistro kayo sa SSS at bayaran ang kontribusyon ng inyong mga empleyado upang matanggap din nila ang mga benepisyo mula sa SSS.
Tandaan, sa bawat kontribusyon na inyong pinag-ipunan, may kapalit na benepisyo na makakamtan.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin ng live sa 96.7 K-Lite FM FB page.