Dear SSS,
Isa po akong Job Order (JO) sa isang government line agency dito sa Baguio. May sarili akong hinuhulugang private insurance pero alam niyo naman pong limitado lang ang matatanggap kong benefits dito. Narinig ko sa boardmate ko na isa ring JO sa isang pampublikong unibersidad na sila ay nahuhulugan ng kanilang SSS contribution. Narining ko po ang kaniyang kwento na maraming matatanggap na benepisyo ang isang SSS member. Gusto ko rin po sanang magpa-member sa SSS maging ang mga kasamahan kong JO sa aming opisina dahil naikwento ko na rin ito sa kanila. Salamat po – Almira Jane Agustin, Aurora Hill Baguio City
Mabuting Araw, Almira Jane! Magandang balita ang hatid namin sa iyo dahil prayoriad ng SSS ang pagpapalawak ng membership coverage ng mga tulad mong Job Order (JO) at Contract of Service Workers (COS) na nagtatrabaho sa mga sangay ng gobyerno, Local Government Units at state universities.
Nakikipagtulungan ang SSS sa mga nabanggit na institusyon para magsagawa ng pormal na kasunduan o Memorandum of Agreement (MoA) sa ilalim ng “KaSSSanga-Collect Program.
Simula Enero ay masigasig na ang SSS sa pakikipagusap sa mga nasasakupang organisasyon na may mga JOs at COS. Sa katunayan, nakapagtala na kami ng 11 MOA signings at 354 JO at COS workers mula Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Baguio/Benguet, Abra at Mt. Province ang nakarehistro na bilan self-employed members ng SSS.
Tama ka sa iyong narining mula sa iyong kaibigan tungkol sa mga benepisyong maaaring makuha ng isang SSS member. Bagamat empleyado kayo ng government agencies, hindi kayo covered ng Government Service Insurance System o GSIS (GSIS) benefits dahil sa inyong employment status. Kaya naman malaking problema kung biglaan kayong mangailangan sa panahong kayo ay magkasakit o manganak.
Kaya sa ilalim ng programan ito, irerehistro kayo bilang self-employed members ng SSS. Ang magiging kontribusyon niyo ay nakabase sa inyong buwanang kita o Monthly Salary Credit (MSC). Hindi na kayo magkakaproblema sa paghuhulog ng kontribusyon dahil ang ahensya niyo na mismo ang bahala rito. Ibabawas na nila sa iyong sahod ang iyong buwanang kontribusyon at sila na rin ang magreremit nito sa SSS.
Kung aktibong nababayaran ang inyong SSS contribution, magiging kwalipikado na kayo sa iba’t-ibang Social Security (SS) benefits gaya ng Sickness, Maternity, Disability, Retirement, Death at Funeral Benefits at loan privileges tulad ng Salary at Calamity Loan.
At dahil kayo ay itinuturing na Self-Employed SSS members, kayo rin ay maaaring makatanggap ng karagdagang benepsiyo mula sa Employees Compensation (EC) Program kung ang inyong pagkakasakit, pagkabalda o pagkamatay ay work-related.
Kaya naman ang magandang gawin mo Almira ay makipagugnayan sa inyong opisina para sila mismo ang makikipagusap sa Account Management Section ng SSS Baguio branch nang maumpisahan na ang pagsasayos ng mga dokumentong kinakailangan para mapagtibay ang kasunduan ng SSS at ng ahensyang pinagtatrabahuan mo. Pangako namin na magiging tunay niyong kasangga ang SSS sa oras ng inyong pangangailangan.
Magpadala lamang ng email sa mediaaffairs@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.