Good day, pwede po ba magtanong? Five months pregnant po ako. Gusto kong makapag-avail ng Maternity Benefit. Nag voluntary member po ako sa SSS. Naghulog ako ngayong July to September. Last hulog ko po ay March 2021 pa. Paano ba ang gagawin ko? Pupunta ba ko sa SSS para mag file? Sa tingin niyo po ba qualified akong makakuha ng matben? Manganganak po ako sa December 2023 – Trixie
Mabuting Araw sa’yo, Trixie! Sa mga nakalipas na araw ay marami rin tayong natatanggap na katanungan tungkol sa benepisyong ito kaya marapa’t lamang na pag-usapan natin ito ngayon sa ating kolum.
Umpisahan natin sa pagbibigay paliwanag kung ano nga ba ang SSS Maternity Benefit at kung ano ang mga qualifying conditions para dito.
Ang SSS Maternity Benefit ay cash allowance na ibinibigay sa mga miyembrong nanganak o nakunan. Dapat ay hindi bababa sa tatlong buwan ang kontribusyon ng miyembro sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng kaniyang panganganak.
Sa kaso ni Trixie na manganganak sa December 2023, ang itinuturing na semestre ng kaniyang panganganak ay mula July 2023 hanggang December 2023. Magbibilang tayo ng 12 months paatras mula July 2023 at ito ay July 2022 hanggang June 2023. Mula rito, dapat ay may hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon si Trixie mula July 2022 hanggang June 2023 para mag-qualify siya sa Maternity Benefit. Subalit, ayon kay Trixie, ang huling bayad niya ng kontribusyon ay March 2021 at muling nagbayad noong July 2023 hanggang September 2023. Ang mga panahong nakapagbayad siya ay hindi pasok sa compensable period kaya hindi siya qualified sa maternity benefit.
Ipagpalagay natin na pasok sa compensable period si Trixie, kinakailangan na mayroon siyang My.SSS account dahil online na ang aplikasyon dito. Sa My.SSS account din siya mag-eenrol ng kaniyang disbursement bank account sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module.
Ang maipapayo natin kay Trixie, gayung hindi pa siya qualified ngayon sa Maternity Benefit, ipagpatuloy pa rin niya ang paghuhulog ng kaniyang kontribusyon nang walang gap para siguradong qualified na siya sa short-term benefits gaya ng maternity benefit.
Maaari kasing may plano pang magbuntis si Trixie sa mga susunod na taon at dahil kumpleto na ang kaniyang hulog ay maaari na siyang ma-qualify sa benepisyo. Nitong August 2023, ang karaniwang halaga ng maternity benefit ay nasa P39,293 samantalang umaabot sa P80,000 ang maximum maternity benefit na matatanggap ng miyembro.
Ang mas malaking benepisyo ay dulot din ng Expanded Maternity Leave Law kung saan babayaran ng 105 days ang nanganak na miyembro, 120 days kung siya ay single mother at 65 days naman kung nakunan o nagkaroon ng emergency termination of pregnancy. Wala na ring limit sa pagpafile ng maternity benefit, hindi katulad dati na hanggang apat na panganganak o pagkakunan ang maaaring i-file sa SSS.
Nais ko ring banggitin na bukod sa Maternity Benefit, may anim pang benepisyo na maaaring matanggap si Trixie bilang isang SSS voluntary member gaya ng sickness, disability, retirement, death at funeral. Nariyan din ang mga loan privileges na maaari niyang i-avail tulad ng salary at calamity loan.
Para sa iba pang detalye tungkol sa Maternity Benefit, maaari ninyong panoorin ang video na ito sa aming opisyal na YouTube channel gamit ang link na ito: https://bit.ly/3NW2tHN o bisitahin ang Knowledgebase section ng USSSap Tayo Portal gamit ang link na ito https://crms.sss.gov.ph/knowledgebase/161/Maternity%20Benefit.
Kung may paksa o katanungan sa SSS na nais niyong pag-usapan, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph