Ayon sa isang pag-aaral, 82.3 milyong Pilipino ang may smartphones noong 2018 at ito ay inaasahan pang aabot sa 90 milyon pagdating ng 2025.
Dahil marami na sa ating mga kababayan ang gumagamit ng makabagong teknolohiya, sumasabay din ang SSS sa takbo ng makabagong panahon upang maipaabot ang mga programa at serbisyo sa bawat miyembro at employers nito. Patuloy ding inaayos ang service delivery facilities ng SSS para mas maginhawa at mas mabilis na transaksyon.
Isa sa mga ipinagmamalaking service facility ng ahensya ay ang SSS Mobile App. Gamit lamang ang kanilang cellphones o tablet, maaari nang makipagtransact sa SSS ng hindi na kailangan pang bumiyahe papunta sa aming opisina. Malaking bagay ito sa aming mga kliyente dahil makakatipid sila sa oras at pera.
Para sa mga miyembro, maaring gamitin ang SSS Mobile App para tignan ang status ng kanilang kontribusyon, loans at benefit claims; magpasa ng salary loan application; mag-generate ng Payment Reference Number o PRN; at magbayad ng SSS contribution sa pamamagitan ng Maya, Credit/Debit Card, BPI online at G-Cash. Ang mga Self-Employed, Voluntary at OFW members naman ay maaari na ring magpasa ng Maternity Notification gamit ang SSS Mobile App.
Maaaring gamitin ng employers ang SSS Mobile App para itama ng employers ang mga detalye sa naka-enroll na bank information, tignan ang mga posted contribution at loan payments, mag-generate ng PRN para sa pagbabayad ng kontribusyon at tignan ang status ng mga na-isumiteng Sickness at Maternity Reimbursement claims ng mga kanilang empleyado.
Kung susuriin, maraming transaksyon ang maaari nang gawin sa SSS Mobile App. Gayunpaman, patuloy pa rin ang enhancements na ginagawa ng SSS para madagdagan pa ang mga transaksyon na maaaring gawin sa SSS Mobile App at siguruhing madali itong gamitin ng mga miyembro at employers.
Kaya naman sa lahat ng mga miyembro at employers na may smartphones at tablets, i-download na ang SSS Mobile App sa Google Play Store, Apple App Store at Huawei App Gallery para sa mas mabilis at mas ligtas na transaksyon.
Matapos nito, siguruhing mayroon na kayong My.SSS Account. I-click ang link na ito kung magrerehistro sa My.SSS bilang miyembro https://member.sss.gov.ph at https://employer.sss.gov.ph naman kung employer.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa SSS Mobile App, maaaring bisitahin ang opisyal na SSS website www.sss.gov.ph.
Kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.