Dear SSS,
Paano mag-apply ng Salary Loan sa SSS at magkano ang maaaring ma-loan? Salamat po – Nimfa
Magandang araw sa’yo, Nimfa. Mas pinadali na ngayon ang pag-apply ng Salary Loan sa SSS matapos gawing online ang submission nito sa My.SSS Portal. Dapat ay may sarili kang My.SSS account at naka-enrol ang iyong PesoNet bank account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM).
Kung kumpleto ka na sa online requirements, ang susunod naman nating titignan ay ang inihulog mong kontribusyon sa SSS. Sa ilalim ng Salary Loan program, kinakailangang may 36 buwan kang hulog, anim rito ay dapat naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng iyong aplikasyon.
Halimbawa, kung ikaw ay mag-aapply ng Salary Loan ngayong buwan ng Hulyo, kinakailangan ay may kabuuang 36 months contribution ka at may hulog kang anim na buwan mula Hulyo 2021 hanggang Hunyo 2022.
Kung may natitira ka pang balanse sa nakalipas mong loan sa SSS, kinakailangan na bayad mo na o nangalahati mo nang bayaran ang mga ito, bago ka ulit makapangutang sa SSS. Para i-check ang iyang loan balance, mag-login lang sa iyong My.SSS account. Makikita ang Loans Info sa Inquiry Tab.
Para mag-qualify sa Salary Loan, dapat ay hindi pa tumatanggap ng anumang final claim sa SSS ang aplikante tulad ng retirement, death, at funeral; wala pa sa edad 65 taong gulang sa panahon na nag-apply ng Salary Loan; at hindi nadiskwalipika sa SSS dahil sa panloloko o panlilinlang.
Kung pasok ka na sa mga qualifying conditions, mag login sa iyong My.SSS account, pumunta sa E-Services Tab, piliin ang Loans at i-click ang Apply for Salary Loan. Makikita rito ang maaari mong matanggap na loan proceeds. Tandaan na ang iyong loan proceeds ay nakadepende sa iyong monthly salary credit. Kung ikaw ay naka 36 monthly contribution, makakatanggap ka ng one-month salary loan na katumbas ng average ng iyong huling labingdalawang monthly salary credits. Kung ikaw naman ay may 72 months contribution, makakapag-avail ka ng two-month loan na may halagang doble ng average ng iyong huling labingdalawang monthly salary credits.
Kung kasalukuyan kang employed nang mag-apply ka ng Salary Loan, ang iyong aplikasyon ay kailangang ipa-certify sa iyong employer. Mayroong three working days ang iyong employer para i-certify ang iyong aplikasyon online. Kung hindi, ito ay maeexpire at kinakailangan mong mag-apply ng panibago.
Matatanggap ang iyong loan proceeds sa loob ng tatlo hanggang limang araw matapos ang approval nito at diretcho itong idedeposito sa disbursement account na inenroll mo sa My.SSS account.
Dear SSS,
Ano ang inyong patakaran pagdating sa SSS Calamity Loan? – Ronald
Ang SSS Calamity Loan ay isang prebelihiyo na ibinibigay ng SSS sa mga miyembro nito na nakaranas ng anumang kalamidad sa kanilang lugar na tinitirahan o pinagtatrabahuan.
Parehas ang kondisyon sa Calamity Loan at Salary Loan pagdating sa number of required contributions. Kailangan ay may hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon, anim rito ay dapat naipost sa huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng kanilang aplikasyon.
Ilan sa karagdagang kondisyon ay ang sumusunod: dapat ay permanenteng residente ng Pilipinas ang miyembrong maga-apply ng Calamity Loan, hindi pa tumatanggap ng anumang final benefit claims tulad ng permanent total disability o retirement, at walang outstanding loan balance sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) at nagdaang mga Calamity Loan Assistance Program.
Kailangan din na idineklara ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC na nasa “state of calamity” ang ang lugar na tinitirahan o pinagtatrabahuan ng miyembro.
Katulad sa pag-avail ng Salary Loan, kailangan ay may My.SSS account din ang miyembro dahil online application na ito at may aprubado na ring PesoNet bank account sa kaniyang DAEM.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa ating SSS Loan Programs, bisitahin lamang ang aming official website na portal.sss.gov.ph.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.