Marami ngayon ang nagkaka-interes sa iba’t-ibang klase ng investment. May nagbubukas ng negosyo o kaya nagbibigay ng kapital sa mga negosyante. Ang iba naman ay pumapasok sa stocks at bumibili ng shares. Kung takot sumugal sa stocks, ang ilan naman ay mas gustong ilagak ang kanilang inipon sa insurance o investment portfolio ng mga bangko. Ano pa man ang klase ng investments, iisa lang ang kanilang layunin – ito ay para mapalago ang kanilang pera.
Batid ng SSS ang pagtaas ng demand sa iba’t-ibang uri ng investments schemes. Kaya naman bilang isang Government Financial Institution, naglabas din ang SSS ng sarili nitong investment program – ang Voluntary Provident Fund o Workers Investment Savings Program (WISP) Plus.
Ang programang ito ay para sa SSS members na wala pang final claim sa ilalim ng regular SSS program tulad ng Retirement, Death at Total Disability. Iba pa ang WISP Plus sa SSS Mandatory Provident Fund o Workers Investment Savings Program (WISP) na para sa mga miyembrong may Monthly Salary Credit (MSC) na mas mataas sa P20,000. Ang WISP Plus naman ay para sa lahat ng miyembro, kahit magkano pa ang kanilang MSC.
Ano ba ang mga magagadang features ng SSS Voluntary Provident Fund?
Affordable at tax-free ang WISP Plus na may mababang management fee na 1%. Ito ay icha-charge sa total accumulated account value ng miyembro.
Maganda mag-invest sa programang ito dahil pangunahing layunin po nito na protektado ang prinsipal na kontribusyon ng mga miyembro. Ibig sabihin, hindi dapat bababa ang nominal value o halaga ng perang ipinasok dito bagkus ay lalo itong tataas lalo kung maganda ang galaw ng SSS investments sa merkado.
Compounded interest din ang kikitain dito dahil ang investment income na idini-distribute kada taon ay magiging bahagi rin ng kabuuang account value ng miyembro, na siya namang tutubo ng interes.
Bilang isang defined-contribution scheme, ang kontribusyon ng miyembro sa WISP Plus ay mapupunta sa sarili niyang individual account kung saan kikita ito ng investment na sang-ayon sa total accumulated account value nito. Wala dapat ipag-alala ang mga miyembro sa WISP Plus dahil ang investment ng SSS ay naaayon sa requirements nito na liquidity, safety, security, at yield. Sa bawat katapusan ng taon, magkakaroon ng investment income na batay sa interest rate na idineklara ng SSS base sa performance ng WISP Plus sa merkado. Anumang earnings mo sa iyong investments ay makikita sa iyong My.SSS account kaya masusubaybayan mo ang paglago ng iyong pera kada buwan at taon.
Sa unang taon, walang withdrawal na maaaring gawin dahil may one year holding period. Maliban na lamang kung may kinakaharap na extreme hardships ang miyembro tulad ng matinding pagkakasakit, hindi inaaasahang pagkakatanggal sa trabaho, kung narepatriate ang isang OFW, o iba pang kaparehong sitwasyon na nadetermina ng SSS, pahihintulutan na mag-withdraw ng earnings sa WISP Plus account ang miyembro. Ang halaga ng maaaring i-withdraw ay nakadepende sa taon o tagal nang nag-iinvest sa WISP Plus. Sa ikalawa hanggang ikaapat na taon, maaaring mag-withdraw subalit mayroon itong reduced income. Sa ikalima at higit pang taon, maaari na itong ma-withdraw nang partial o buo. Kaya pinapayuhan namin ang lahat ng miyembro na hangga’t walang mahalagang paggagamitan ng pera ay huwag munang magwithdraw sa inyong WISP Plus account para garantisadong malaki ang kikitain nito.
Sa unang 10-buwan ng WISP Plus, ang pondo nito ay umabot ng P298 milyon galing sa P28,000 miyembro na mayroong return on investment or ROI na tinataya ngayong Setyembre 2023 na 6.79% percent. Sa pamamagitan ng pag-impok sa WISP Plus, nakakakuha ang mga miyembro ng pangalawang layer ng proteksyon sa social security sa pamamagitan ng mga karagdagang benepisyo.
Ngayon at alam niyo na ang kagandahang SSS Voluntary Provident Fund, narito ang paraan para sumali. Kinakailangan munang may My.SSS account ang miyembro. Matapos maglog-in, i-click ang “Enroll to WISP Plus” na nasa ilalim ng Services tab. Basahin ang terms and conditions ng programa at i-accept ito.
Ang minimum na kontribusyon sa WISP Plus ay P500.00 kada bayad at walang maximum na kontribusyon. Mababayaran ito sa pamamagitan ng Payment Reference Number (PRN) na kailangang i-generate gamit din ang My.SSS account.
Para naman sa self-employed, voluntary, at Overseas Filipino Worker (OFW) members, maaari nilang bayaran ang WISP Plus contributions kasabay ng pagbabayad sa regular SSS program para sa applicable month. Maaari din nila itong bayaran ng hiwalay basta mayroon silang hulog sa regular SSS program para sa applicable month ng kanilang pagbabayad.
Para naman sa mga hindi pa miyembro ng SSS, maaari silang mag-enroll sa programa kasabay ng pag-apply ng kanilang SS Number sa SSS website www.sss.gov.ph.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa WISP Plus, maaaring basahin ang SSS Circular No. 2022-032 o kaya naman bisitahin ang aming opisyal na Facebook page, ang Philippine Social Security System para sa karagdagang detalye o mag-login sa inyong My.SSS account para mag-enrol sa programa.
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa SSS, tutok na sa USSSAPANG SSS sa K-Lite 96.7 tuwing Lunes alas-otso hanggang alas-nuebe ng umaga. At kung may paksa o katanungan kayo tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.