Good vibes ang dala ng SSS ngayong linggo dahil mayroon kaming magandang balita para sa ating mga lolo at lola!!!
Nailabas na ng SSS sa aming mga partner banks ang pondo para sa 13th month pension ngayong buwan ng Disyembre. Sa ating mga SSS retiree, Total Disability at Death Benefit pensioners, matatanggap na po ninyo ang inyong 13th month pension simula Disyembre 6. Ang 13th month pension ay katumbas ng inyong isang buwang basic monthly pension kasama ang P1,000 additional benefit. Bukod dito, kabilang din ang ating mga dependents sa pamaskong handog na ito ng SSS. Samantala, ang mga pensyonado na tumatanggap ng Partial Disability ay makakatanggap din kung ang kanilang pensyon ay aabot ng 12 buwan o isang (1) taon.
Sa taong ito, naglabas ng kabuuang P12.71 bilyon ang SSS para sa 13th month bonus ng ating 2.82 milyong pensyonado. Samantala, may natitira pa tayong mahigit na 14,000 pensyonado na tumatanggap ng kanilang pensyon sa pamamagitan ng tseke. Ito ay ipinadala naman natin sa pamamagitan ng koreo noong Nobyembre 26, 2019 sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation na kanila namang matatanggap direkta sa kanilang tirahan. man ang tatanggap nito sa pamamagitan ng tseke. Ito ay ipinadala ng SSS sa kanilang mga tirahan.
Para naman sa mga nag-avail ng 18-months advance pension, ang kanilang 13th month ay matatanggap simula sa Disyembre 10, 2019. Tunay ngang napakasaya ng Pasko ng ating mga pensyonado.
Sinimulan ng SSS ang pagbibigay ng 13th month bonus noong 1988 bilang pagtupad sa batas ng pagbibigay ng 13th month sa mga manggagawa sa pribadong sector na naging tradisyon na sa Pilipinas.
Kaya sa ating mga lolo at lola, advance Merry Christmas po!
***
Para sa ating mga OFWs, isa pa ring magandang balita sa kanila dahil nilagdaan na ang Social Security Agreement (SSA) sa pagitan ng Pilipinas at South Korea. Noong nakaraang buwan ay bumiyahe si Pangulong Rodrigo Duterte sa South Korea para sa isang official visit. Pagbalik niya ng ating bansa ay pirmado na ang kasunduan na malaking ayuda sa Social Security ng ating mga OFWs.
Sa ilalim ng SSA, ang ating mga OFWs sa Korea ay magkakaroon ng parehas na social security benefits na katulad ng natatanggap ng mga Korean nationals. Kung may Social Security System dito, mayroon namang National Pension Service (NPS) sa Korea. Sa ilalim rin ng SSA, papayagan na rin ang export of benefits kung saan papayagan ang isang covered worker na tanggapin ang kanyang social security benefits saan man niya gustong manirahan o magretire – sa Pilipinas man ito o sa Korea. Nakapaloob rin sa SSA ang totalization of insurance period kung saan pagsasamahin ang mga creditable periods ng isang member sa ilalim ng isang social security schemes (SSS o NPS) at aalamin ang eligibility nito. Panghuli, magtatalaga ang dalawang bansa ng liaison agencies kung saan obligasyon nilang tulungan ang mga miyembro at kanilang mga benepisyaryo na mag-proseso ng kanilang benefit claims.
Isa itong malaking hakbang ng gobyerno para magkaroon ng social security protection ang ating mga kababayan kahit sila pa ay nasa ibang bansa. Sa kasalukuyan, may halos 60,000 Pinoy na ang nasa South Korea.
Maliban sa bansang South Korea, may Social Security Agreements na rin tayo sa mga bansang Austria, United Kingdom, Northern Ireland, Spain, France, Canada, Quebec, Netherlands, Switzerland, Belgium, Denmark, Portugal, Germany, Japan, Sweden at Luxembourg.
====
Mabilis, ligtas, at mabisang paraan ng pagbabayad ng buwanang kontribusyon at loan sa SSS. Maliban sa pagbabayad sa counter ng SSS, maaari na ring gamitin ng ating mga self-employed, voluntary, at OFW members ang online facilities gaya ng BancNet at UnionBank online gayundin ang Globe G-Cash facility.
Para sa mga BancNet members at may hawak na ATM, mag log-in lamang sa www.bancnetonline.com. Wala itong registration, transaction fees, at extra charges. Kung may account ang miyembro sa UnionBank, maaaring magbayad online sa pamamagitan ng SSS Hub at sa www.unionbankph.com. Kung Globe o Touch Mobile prepaid users at postpaid subscribers, maaari rin nilang gamitin ang G-Cash facility. I-download lamang ang G-Cash App o i-dial ang *143# sa kanilang mga telepono para ma-access ito. .
Sa pamamagitan ng online payments, agad na mai-post ang kanilang mga kontribusyon sa SSS. Huwag lamang kalimutan ang pag-generate ng Payment Reference Number na kinakailangan para sa pagbabayad.
Kaya sa ating mga members lalo na kung gipit sa oras, mag-online transaction na kayo. Paalala din na ang deadline ng inyong kontribusyon para sa buwan ng October, November at December 2019 ay pinalawig natin hanggang January 31, 2020.
====
Sa darating na Lunes, December 9 ang huling ere ng “Usapang SSS” sa Kumpletos Rekados sa DZWT 540 kHz. Maraming Salamat po sa lahat ng mga tumutok sa ating programa. Sa mga nag-text, nag-email, at personal na pumunta sa ating tanggapan upang humingi ng linaw sa kanilang SSS, ipinapaabot din namin ang aming pasasalamat. Nawa’y mabigyan muli tayo ng pagkakataong magkaroong ng mga programa sa susunod na taon upang tuloy-tuloy ang ating serbisyo publiko.
Samantala, patuloy pa rin tumutok sa Z-Radio 98.7 FM para sa “Usapang SSS” tuwing Biyernes, alas nuebe ng umaga.
====
Patuloy pa rin ang pagtanggap ng SSS sa Pension Loan Program (PLP) para sa ating mga retiree pensioners. Makakahiram na po kayo hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon. Magsadya lamang sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar para sa inyong mga aplikasyon.
====
Magpadala po kayo ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph kung may mga katanungan kayo sa inyong SSS membership o records o may mga paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa ating mga susunod na column.