Magandang Araw SSS! Ano ang proseso kung ako ay magse-Self-Employed na sa SSS? Kakaresign ko lang sa aking trabaho at ngayon ay nagbukas na lang ako ng maliit na sari-sari store. Magkano na ang aking magiging monthly contribution? Salamat! – Miel mula Itogon, Benguet
Dear SSS! Ask ko lang po kung pwede kong ituloy ang SSS ko kahit wala na ako sa dati kong work? Balak ko mag-Voluntary member muna habang naghahanap ng panibagong trabaho. Ano po ang dapat kong gawin? Thank you. – Johanna Mae mula Tuba, Benguet
Para sa mga miyembrong kagaya nina Miel at Johanna Mae na may katanungan tungkol sa kanilang membership details, madali lamang ang mag-update o magpabago ng inyong membership coverage. Ngunit bago natin sagutin ang katanungan nila, dapat muna nating malaman ang pagkakaiba ng bawat membership categories.
Ang employed member ng SSS ay nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya at mayroon itong employer. Saklaw ng SSS ang lahat ng mga empleyado o manggagawa, maging sila man ay regular, contractual o probationary, basta’t hindi hihigit sa 60 taong gulang ang edad kung ito ay unang pag-miyembro o initial coverage.Kahit ano pa man ang kanilang employment status, mapa permanent man o temporary o kaya naman provisional, responsibilidad ng employer na i-report ang kanyang empleyado sa SSS, ikaltas sa empleyado nito ang employee share sa SSS contribution, at iremit ito kasabay ang kanyang employer share sa SSS. Tandaan na ang halaga ng monthly contribution ng isang employed SSS member ay 13 porsyento ng kanyang buwanang sahod o ang tinatawag na monthly salary credit (MSC), at pinaghahatian ito ng employer (8.5 porsyento) at empleyado (4.5 porsyento).
Ang self-employed member naman ng SSS ay may sariling negosyong pinagkakakitaan. Sila rin ay mga walang employer at maaaring meron o walang empleyado. Kung may empleyado, kinakailangan niyang magparehistro bilang employer sa SSS. Sakop ng self-employed membership ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan, nagtitinda sa palengke, sidewalk vendors, mangisngisda, magsasaka, miyembro ng media na hindi regular, artista, mga propesyonal na manggagawa tulad ng doktor, inhenyero, abogado, arkitekto at iba pa. Nakadepende naman ang kanilang buwanang kontribusyon sa idedeklara nilang buwanang kita. Katulad ng employed members, maaari rin silang makatanggap ng Employees’ Compensation (EC) benefits. Ito ay karagdagang benepisyo bukod sa regular na SSS benefits. Babayaran ng Self-Employed member ang kaniyang EC contribution na nagkakahalaga sa P10.00 o P30.00 depende sa buwanang hulog niya sa SSS. Dahil walang employer ang isang self-employed babayaran niya nang buo ang kanyang buwanang kontribusyon sa SSS.
Ang voluntary members naman ay mga umalis sa dating pinagtatrabahuan o nawalan ng trabaho. Ang voluntary member ay sinumang miyembro ng SSS na dati nang na-saklaw/na-cover bilang empleyado, self-employed (SE), o overseas Filipino worker (OFW) na may naka-post na kahit 1 buwang kontribusyon at hindi na nagtatrabaho/kumikita bilang empleyado/SE/OFW na ninais na magpatuloy na magbayad ng kontribusyon bilang boluntaryong miyembro upang mapanatili ang pagtamasa sa benepisyo ng SSS. Pasok din sa kategoryang ito ang mga dating employed members ng SSS na kasalukuyang nagtatrabaho sa gobyerno at nais ipagpatuloy ang paghuhulog ng SSS contribution. Pati na rin ang mga dating self-employed member at natigil ang kanilang pagnenegosyo ay maaaring ipagpatuloy ang kanilang membership sa SSS bilang voluntary member. Dahil boluntaryo silang maghuhulog sa SSS, nakadepende sa kanila kung magkano ang nais niyang buwanang kontribusyon.
Para sa tanong ni Miel na lilipat na mula employed papuntang self-employed category, ang tanging dokumento lang na kailangan niyang i-sumite sa SSS ay ang filled-out na SSS E4 o ang Member Data Change Request Form. I-tsek lamang ang FROM EMPLOYED TO SELF-EMPLOYED, ilagay ang monthly earnings at ipasa ito over the counter. Agad itong ipo-proseso at malalaman na agad kung magkano ang magiging buwanang hulog.
Para naman sa tanong ni Johanna Mae at mga miyembro na nagbabalak na mag-voluntary member matapos mahiwalay sa trabaho, mag-generate muna ng Payment Reference Number (PRN) sa kanilang My.SSS account dahil kailangan ito sa pagbabayad ng SSS contribution. Pagka-login sa My.SSS Portal, piliin ang E-Services Tab at ang Generate PRN. Baguhin lamang ang membership type mula EMPLOYED to VOLUNTARY at maaari mo ring iadjust ang halaga ng SSS contribution, pati na rin ang applicable payment period. May option kang bayaran ang iyong SSS contribution monthly o every quarter. Wala nang kailangang ipakita o isusumiteng mga dokumento.
Mas simple, mas pinadali ang pagpapalit ng membership category. Para sa karagdagang detalye sa pag-update ng membership categories, buksan lamang ang link na ito: https://portal.sss.gov.ph/become-an-sss-member/ o ang Managing Your Membership Details.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.