Madalas, kapag nababanggit ang isang ahensya ng gobyerno, agad naiisip natin ang mga programang ibinibigay nito sa publiko. Sa kaso ng SSS, laging bukambibig ang retirement, death at maternity benefit programs, samantalang salary loan naman ang madalas na tinatangkilik ng ating mga miyembro. Subalit, lingid sa kaalaman ng lahat, may iba pang benepisyo at pribilehiyong maaaring makuha sa SSS. Buti na lamang at may “Usapang SSS” kada linggo upang ipaalam ang iba pang programa nito – gaya ng SSS Disability Benefit.
Ang SSS Disability Benefit ay isa sa pitong benepisyong ipinagkakaloob ng SSS na para sa mga miyembrong nakapagtamo ng Partial o Total Disability. Kapag sinabing disability, ito ay anumang kawalan o kakulangan (sanhi ng pinsala or impairment) ng kakayahang gampanan ang isang gawain sa paraang angkop sa isang indibidwal.
Ang Permanent Partial Disability ay ang bahagya at permanenteng pagkawala ng kakayahang gamitin o lubusang pagkawala ng alinmang bahagi ng katawan. Kada parte ng katawan na bahagya o permanenteng nawala ay may katumbas na buwanang pension. Halimbawa, kung isang hinlalaki ang natanggal, sampung buwang pension ang matatanggap ng miyembro. Kung isang hintuturo, walong buwan; kung isang hinlalato, anim na buwan; kung isang buong braso, 50 buwan; kung isang buong binti, 46 buwan, kung pagkawala ng isang pandinig, 10 buwan, kung parehas na tenga ang nawalan ng pandig, 50 buwan. Maaaring makita ang buong listahan ng mga partial disability sa opisyal na SSS website www.sss.gov.ph.
Permanent Total Disability namang maituturing kung ganap o permanente ang pagkabalda ng miyembro. Ilang halimbawa nito ay ang ganap na pagkabulag ng dalawang mata, pagkaputol ng dalawang braso o dalawang binti, permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang braso o dalawang binti at pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip.
Para mag-qualify sa SSS Disability Benefit, dapat ay may isang buwang hulog na kontribusyon bago ang semestre ng pagkabalda. Monthly pension ang matatanggap ng miyembrong nabalda kung siya naman ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 months contribution bago ang semestre ng kaniyang pagkabalda. Ang halaga ng buwanang pension ay nakabatay sa halaga ng kontribusyong binabayaran at kung gaano na katagal naghuhulog ng kontribusyon o ang tinatawag na credited years of service. Sa pinakahuling tala ng SSS, noong buwan ng Agosto 2023, ang average disability pension ay nasa P4,603.00 kada buwan. Ang minimum disability pension ay P2,000.00 samantalang P18,094.00 ang maximum. Lump sum naman ang matatanggap ng miyembro kung nakapagbayad lamang siya ng isang buwan hanggang 35 months bago ang semestre ng pagkabalda.
Noong January 2017, bukod sa buwanang pension ay may karagdagang P1,000 benefit allowance ang Disability Pensioners at P500.00 na supplemental disability allowance.
Ang Total Disability pensioners ay makatatanggap din ng 13th month pension tuwing Disyembre katumbas ng kabuuang buwanang pension nito. Makatatanggap din ang partial disability pensioners ng 13th month pension kung ang benepisyo sa pagkabalda ay hindi bababa sa 12 na buwan.
Para sa total disability pensioners, makatatanggap sila ng dependent’s pension na may katumbas na 10 percent ng kanilang buwanang pension o P250, alinman dito ang mas mataas, kada isang dependent. Hanggang limang dependent children lamang ang maaaring bigyan nito, mula sa pinakabata at walang substitution.
Simula noong January 2023 ay ginawa nang online ang aplikasyon ng Disability Benefit. Kaya naman pinapayuhan ang lahat ng miyembro na gumawa ng sariling My.SSS account para dito mag-file ng benepisyo. Dapat ay may aprubadong UMID ATM card o disbursement account sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module.
Ihanda lamang ang medical certificate na inissue ng attending physician sa loob ng huling anim na buwan. Ito ang pangunahing documentary requirement na kailangang i-upload sa application. Daraan sa medical evaluation ang lahat ng Disability Claim applications. Kaya naman maging handa ang bawat aplikante kung sila ay pinayuhang magreport para sa physical examination and interview (PEI) sa Medical Evaluation Center ng alin mang SSS branch. Bibigyan sila ng 20 days mula sa petsa ng e-mail notification para makapag-comply. Kung ang miyembro ay hindi nakapag-comply sa loob ng nasabing panahon, ang transaction ay mare-reject.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa SSS Disability Benefit Program, bisitahin lamang ang opisyal na SSS Website www.sss.gov.ph at social media accounts.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.