Minsan may nagtanong sa akin tungkol sa kanyang SSS Benefit. Kung retirement lumpsum lamang ang kanyang matatanggap dahil hindi umabot sa 120 months ang kanyang hulog, may matatanggap pa rin ba siyang benepisyo kung sakaling dumating ang panahon na mamatay siya?
Ang sabi ko naman, nagbibigay ang SSS ng Funeral Benefit sa sinuman ang gumastos sa burol o pagpapalibing ng namayapang pensyonado o miyembro ng SSS. Ito’y nasa pagitan ng P20,000 hanggang P40,000, depende sa naihulog na kontribusyon at kung gaano siya katagal nakapaghulog sa SSS. Kwalipikado sa benepisyong ito ang isang miyembro na nakapaghulog ng kahit isang buwan lamang.
Napapag-usapan na rin lamang ang mga benepisyo, direkta nang ipapasok ng SSS sa bank accounts ng miyembro ang kanilang lumpsum benefit para sa disability, death at retirement, kasama na rin ang Employees’ Compensation (EC) disability.
Kinakailangan lamang ipakita ng miyembro sa SSS ang kanilang bank account, single savings account/passbook, Automated Tellering Machine (ATM) card na may account number at nakapangalan sa miyembro o claimant, validated initial deposit slip o kopya ng bank certificate o bank statement kung ang pangalan naman ng miyembro o claimant o kaya’y ang savings account number ay hindi nakalagay sa ATM card. Maaari din ang filled-out na Visa Cash Card enrollment form.
Mas ligtas at mabilis nang matatanggap ng miyembro ang kanilang mga benepisyo sa SSS kung saan hindi na nila kailangang maghintay ng ilang linggo bago dumating sa kanilang address ang tseke at pumunta sa bangko para sa encashment.
Sa kasalukuyan, may 67 accredited paying banks ang SSS. Ang ilan sa mga ito ay Asia United Bank Corporation, Bank of the Philippine Islands, China Banking Corporation, Development Bank of the Philippines, East West Bank, Land Bank of the Philippines, MetroBank, Philippine National Bank, Philippine Veterans Bank, RCBC Savings Bank, Security Bank and Trust Company, at Union Bank of the Philippines.
Good news din sa mga UMID card holders dahil maaari na ring ipasok ang kanilang SSS benefits sa kanilang UMID cards. Ipa-enrol lamang ito bilang ATM card para mas mabilis na nilang makuha ang mga benepisyo sa SSS.
Para naman sa mga miyembro o claimant na wala pang savings account, makipag-ugnayan lamang sa alinmang SSS branch upang mabigyan kayo ng Letter of Introduction (LOI) na siya namang ipapakita sa inyong napiling bangko.
====
Noong nakaraang linggo ay naimbitahan ako ng Department of Agriculture-Cordillera Administrative Region (DA-CAR) upang talakayin ang iba’t-ibang benepisyo ng SSS sa P4MP Congress. Ibinida ko roon ang pinakabagong programa na SSS Pension Loan Program (PLP) at maganda naman ang pagtanggap ng ating retiree pensioners. Nabanggit ng ilan sa kanila na nais nilang mag-apply sa PLP dahil mas mababa ang interest rates ng pautang dito. Ikinatuwa din nila ang maximum loanable amount na hanggang P200,000 gayundin ang flexible payment terms na pinalawig hanggang 24 months o dalawang (2) taon.
Maganda rin ang pagtanggap ng ating mga pensyonado sa Bontoc nang marinig nila ang PLP. Naroon kami noong Miyerkules sa SSS Pensioner’s Day celebration at halos 100 pensyonado rin ang dumalo rito. Malaking tulong din ang programa sa kanilang pagsasaka dahil magagamit nila ang halaga ng pautang upang makabili ng abono sa kanilang mga pananim.
Sa mga nais mag-apply sa PLP, makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na sangay ng SSS sa inyong lugar.
====
Patuloy po kayong tumutok sa “Usapang SSS” sa ating mga radio programs: tuwing Martes, 10:30 ng umaga sa DZWT 540 khz sa “Kumpletos Rekados” ni Aleng Rosa at tuwing Biyernes, alas-9 ng umaga sa “Tambalang Edong Carta at Jimmy Luzano” sa 98.7 Z-Radio.
====
Magpadala po kayo ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph kung may mga katanungan kayo sa inyong SSS membership o records o may mga paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa ating mga susunod na column.