Ngayong ipinagdiriwang ng SSS ang ika-65 Anibersaryo nito, anim na bagong programa ang handog ng ahensiya para sa mga miyembro, pensioners, at employers.
Una nang inilabas ng SSS ang Circular No. 2022-022 na naglalaman ng pamantayan ng SSS Consolidated Loan Program with Condonation of Penalty kung saan pagsasamahin ang lahat na past due loans na may outstanding principal at interest para isahan na lamang ang pagbabayad nito. Pagsasamahin din ang naipong penalty o multa at ito ang magiging sakop ng conditional condonation. Sakop ng programang ito ang mga short-term member loans tulad ng Salary Loan, Salary Loan Early Renewal Program, Calamity Loan, Emergency Loan at Restructured Loan. Magsisimulang tumanggap ng application online gamit ang My.SSS Account sa September 30, 2022.
May dalawang contribution penalty condonation programs din ang nakalatag para sa mga employers – Ang Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management, and Restructuring Program (CPCoDe MRP) at ang Contribution Penalty Condonation and Restructuring Program (CPCR-P).
Ang CPCoDe MRP ay naglalayong tulungan ang mga single proprietors, corporations, partnerships, cooperatives at associations na may delinquencies sa kontribusyon ng kanilang mga empleyado. Ang CPCR-P naman ay para sa mga Household Employers na hindi nakakapagbayad o nakakapag remit ng kontribusyon ng kanilang mga kasambahay.
Sa ilalim ng dalawang programang ito, matatanggal din ang mga penalties na naipon sa oras na nabayaran nang buo ang kontribusyon ng mga empleyado o kasambahay.
Bagong contribution payment schedule naman ang inilaan ng SSS para sa mga miyembrong magsasaka, mangingisda at iba pang self-employed members na nasa informal economy. Batid kasi ng SSS na ang kita ng bawat magsasaka at mangingisda ay nakadepende sa kanilang produksyon o ani. Dahil dito, nakakapagbayad lang sila ng kanilang SSS contribution sa tuwing malakas ang ani o panahon na marami silang huli.
Sa dating payment schedule kasi, halimbawa ngayong buwan ng September, bukod sa kasalukuyang buwan, ang maaari na lang nilang bayaran ay ang mga nakalipas na buwan ng July at August. Sa bagong contribution schedule, maaari na nilang bayaran ang mga buwan mula September 2021 hanggang August 2022, kung ngayong September 2022 sila magbabayad. Ngayon, kahit anong buwan na ng taon ay maaari na silang magbayad ng kanilang kontribusyon at sakop pa rin ang mga nakalipas na 12 buwan. Sa ganitong paraan, mas mabibigyan sila ng panahon para makapaglaan sa kanilang SSS contribution na makakatulong sa pagpapalawig ang kanilang Credited Years of Service (CYS) at Monthly Salary Credit (MSC) na siyang ginagamit na batayan sa pagcompute ng benepisyo.
Isa pa sa mga bagong programa ng SSS ang Contribution Subsidy Provider Program o CSPP. Sa ilalim ng programang ito, ang sino mang indibidwal, grupo o korporasyon ay maaaring maging contribution subsidy provider na siyang sasagot sa pagbabayad ng anim na buwang kontribusyon o higit pa sa kanilang mga napiling recipients na registered Self-Employed, Land Based OFW o Voluntary Members ng SSS.
Huling anniversary gift ng SSS ay ang WISP Plus. Ito ang mas pinalawig na version ng naunang WISP o Workers Investment and Savings Program kung saan kasali ang mga nagbabayad ng maximum kontribusyon. Sa ilalim ng bagong WISP Plus, kahit sinong SSS members ay maaaring nang sumali sa WISP Plus bilang karagdagang ipon sa pagtanda. Sa halagang P500 kada bayad, iinvest ito ng SSS at ang accumulated value na mabubuo ay matatanggap ng miyembro sa panahong siya ay magreretiro.
Pag-usapan natin isa-isa ang mga programang ito sa mga susunod nating column. Huwag kalimutang bisitahin ang opisyal na Facebook page (Philippine Social Security System) ng SSS para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga programang ito.
Para sa katanungan o komento, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph.