Nitong nakaraang lingo lamang ay muling bumisita ang mga kinatawan ng SSS Baguio at La Trinidad branches sa mga employers upang ipaalala ang kanilang obligasyon sa SSS. Ito ay bahagi pa rin ng nationwide RACE campaign o Run After Contribution Evaders. Suma total, walong employers ang binigyan ng written notices bilang abiso na kailangan nilang magreport sa branch sa loob ng labin-limang araw upang ayusin ang kanilang mga pagkaka-utang o pagkukulang sa SSS.
Dalawa sa walong employers ay hindi pa rehistrado sa SSS. Ang isa ay walang maibigay na kaukulang mga dokumentong nagpapatunay na sila nga ay rehistrado na, at lima naman ay hindi nagremit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado na aabot na sa halos isang milyong piso.
Lahat ng mga employers na ito ay may nakitang paglabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018. Nakasaad sa batas na ito ang mga legal na obligasyon ng mga employers na kailangan nila itong sundin kung hindi ay may kakaharapin silang kaukulang parusa.
Unang obligasyon ng employer ay ang pagrehistro ng kanilang negosyo sa SSS. Ito ay online na at maaaring makita sa link na ito: https://employer.sss.gov.ph/employer/registrationPages/employerR1.jsp.
Pangalawa, responsibilidad ng employer na i-report ang kaniyang mga empleyado sa SSS sa loob ng 30 days o isang buwan mula sa hiring date. Pangatlo, i-remit ang SSS contribution ng empleyado sa SSS. Hindi ito natitigil sa pagkaltas mula sa sweldo ng empleyado ang kaniyang SSS contribution. Dapat ay may share din ang employer at i-remit ang buong halaga sa SSS. Ngayon, nasa 13% ang contribution rate sa SSS, at pinaghahatian ito ng employer (8.5%) at employee (4.5%).
Pang-apat, responsibilidad ng employer na i-update nang tama ang mga payroll, collection list, employment records at iba pang dokumento na may kinalaman sa SSS. Maliban dito, kailangan niyo itong maipakita sa SSS kung sakaling hanapin para masagot ang kanilang mga katanungan o paglilinaw ukol sa SSS membership bilang isang employer o kaya naman ang SSS membership ng kanilang empleyado.
Sa isinagawang RACE campaign, may alternatibong paraan na ibinigay ang SSS sa mga employers para ayusin ang kanilang delinquencies. Ito ay ang pag-avail ng employer sa Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program.
Sa ilalim ng programang ito, aalisin ng SSS ang penalty na naipon mula sa delinquencies at tanging principal at interest na lang ang babayaran ng employer. Ang naiwang principal at interest ay maaaring bayaran ng isang bagsakan o monthly installment depende sa halagang babayaran.
Batid ng SSS na ang mga employers ay partners sa pagbibigay ng social security protection ng kanilang mga empleyado. Kaya naman laging bukas ang pinto ng SSS paras sa mga employers na may katanungan o kaya ay nais magpatulong sa pagsasaayos ng kanilang SSS records. Hanapin lamang ang aming maisisipag na Account Management Team.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.