Upang matulungan ang ating retiree pensioners sa oras ng kanilang kagipitan, inilunsad ng Social Security System (SSS) ang Pension Loan Program (PLP) noong nakaraang taon. Dahil na rin sa kanilang kahilingan na itaas ang halaga ng kanilang hihiramin sa SSS, simula nitong Oktubre ay umabot na sa maximum loanable amount na P200,000 na dating P32,000 ang kanilang maaaring utangin sa SSS.
Maaari na ring pumili ang retiree pensioner kung magkano ang kanyang hihiramin. Ito ay maaaring katumbas ng kanyang tatlong (3) buwan, anim (6) na buwan, siyam (9) na buwan o 12 buwang basic monthly pension kasama na ang karagdagang 1,000 dagdag benepisyo na ibinigay sa lahat ng pensyonado ng SSS noong Enero 2017. Babayaran naman ito ng pensyonado sa loob ng anim na buwan para sa kanyang tatlong buwang utang, 12 buwan para sa anim na buwang utang at 24 buwan para sa siyam (9) o 12 buwang utang.
Nananatili pa rin sa 10 porsyento ang interes kada taon hanggang sa mabayaran nang buo ang utang na kino-compute base sa diminishing principal balance.
Kaakibat din ng PLP ang Credit Life Insurance (CLI) na siyang nagbibigay garantiya sa pagbabayad ng loans ng mga retiree pensioners kung sakaling mamatay ito bago matapos ang pagbabayad ng kanyang loan.
Wala ring hinihinging kolateral na ATM sa PLP dahil kahit may inutang ang pensyonado at binabayaran niya ito buwan-buwan ay may matatanggap pa rin siyang pensyon mula sa SSS.
Sa Enhanced PLP, mula sa 80 taong gulang ay pinahaba din ang edad ng pensyonadong maaaring umutang sa ilalim ng programa. Ngayon ay pinapahintulutan na rin ang mga pensyonadong hindi lalagpas sa 85 taon sa katapusan ng termino ng pautang. Kinakailangan din na sila ay isang buwang aktibong tumatanggap na ng kanilang retirement pension para sa PLP.
Bukod sa edad na 85 years old pababa at aktibong tumatanggap ng pensyon, dapat ay malinis rin ang kanilang records sa iba pang loans at benefit overpayments at higit sa lahat ay walang paunang tinatanggap na pensyon sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package.
Sa mga interesadong mag-apply sa PLP, maaaring magsadya sa pinakamalapit na SSS branch. Dalhin lamang ang inyong UMID o Unified Multipurpose Identification Card. Kung wala nito, maaaring magpakita ng iba pang Identification Cards (IDs) at opisyal na dokumento tulad ng Alien Certificate of Registration mula sa Bureau of Immigration; Driver’s License mula sa Land Transportation Office; Firearm Registration, License to Own and Process Firearms at Permit to Carry Firearms Outside of Residence mula sa Philippine National Police; NBI Clearance; Passport; Postal ID; Seafarer’s ID o Seaman’s Book; at Voter’s ID Card.
Paalala din po sa ating mga lolo at lola na mag-ingat sa mga fixers. Noong nakaraang linggo ay nakarating sa amin ang bagong modus ng mga fixers sa Bacolod City na kung saan kinukumbinsi nila ang pensyonado na mag-apply sa PLP at nagaalok ng cash advance na may interes at processing fee kapalit ng kanilang cash cards. Binabantaan din nila ang mga pensyonado ng kaukulang mga death threats. Sa sandaling makaranas kayo ng ganito, ipagbigay-alam lamang sa Philippine National Police (PNP) o sa alinmang sangay ng SSS na pinakamalapit sa inyong lugar.
Siguraduhing magsagawa lamang kayo ng transaksyon sa mga lehitimong empleyado ng SSS.
====
Mula sa ating inbox:
Mabuhay SSS! 58 years old na po ang papa ko sa December pero nasa 85 months pa lang po ang kanyang SSS contributions. Self-employed po siya. Makatatanggap po ba siya ng benefit kapag nag-60 na siya? Salamat po – Joyce Trinidad, Aurora Hill
Hello Joyce! Kahit lagpas 60 na si papa mo ay pwede pa niyang ipagpatuloy ang paghuhulog ng kontribusyon sa SSS para mag-qualify siya sa monthly pension. Kailangan niya kasing makumpleto ang 120 buwang kontribusyon. Kapag hindi niya ito nabuo, lumpsum lamang ang tatanggapin ng iyong papa kung saan ibabalik lamang ng SSS ang lahat ng ibinayad niya kasama ang kinitang interes nito sa kanya. #
Dear SSS, pwede ko po bang bayaran ang mga buwan na hindi ko nabayaran noong taong 2016-2018? Natanggal po kasi ako sa trabaho noon kaya walang hulog. Ngayon po ay may maliit akong negosyo kaya naisipan kong magbayad muli ng aking SSS contributions. Thank you po kung sasagutin ninyo ang aking tanong – Imelda Corazon Santos, La Trinidad
Dear Imelda, wala tayong retroactive payments ng kontribusyon sa SSS. Hindi na maaaring bayaran ang mga nakaraang buwan o mga taon na nakaligtaang bayaran ng miyembro lalo na at ito’ nakalipas na. Ang maaari mo na lang bayaran ay ngayong buwan ng Oktubre ay para sa iyong kontribusyon simula ng Hulyo, Agosto at Setyembre 2019. Natutuwa kami sa iyong layunin na muling makapagbayad ng iyong kontribusyon sa SSS bilang self-employed member upang muling matamasa ang iba’t-ibang benepisyo at pribilehiyo bilang miyembro nito. Thank you! #
====
Patuloy na tumutok sa ating “Usapang SSS” tuwing Martes, 10:30 ng umaga sa DZWT 540 Khz sa programang “Kumpletos Rekados” ni Aleng Rosa at tuwing Biyernes, alas-9 ng umaga sa programang “Tambalang Edong Carta at Jimmy Luzano” sa 98.7 Z-Radio.
====
Magpadala po kayo ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph kung may mga katanungan kayo sa inyong SSS membership o records o may mga paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa ating mga susunod na column.