“Bakit ko ba kailangan mag-member sa SSS?” Ito marahil ang katanungan ng karamihan sa ating mga miyembro sa tuwing nakikita ang kanilang payslip o hulog ng kontribusyon sa SSS. Interesado silang malaman kung paano nila mapapakinabangan ang aktibong membership status. Para maunawaan niyo ito nang lubusan, ibabahagi ko ang ilan sa karanasan ng ilang SSS members.
Limang taon ng SSS member si Cindy at kasalukuyang nagtatrabaho sa bangko. Ang alam niya noon, kailangan kumuha ng Social Security (SS) Number dahil requirement ito sa kanyang pinapasukan. Aminado si Cindy na kung hindi ito requirement ng kanyang employer, hindi niya malalaman ang tungkol sa SSS. Kaya tuwang tuwa siya nang may nakuha siyang Maternity Benefit mula sa SSS. Napatunayan niya na kaagapay niya ang SSS sa oras ng pangangailangan.
Samantala, isang fishball vendor dito sa lungsod si Caloy. Apat na taon na siyang naghuhulog ng kontribusyon sa SSS bilang self-employed member. Tinatiyaga niyang maghulog ng kontribusyon buwan-buwan dahil alam niyang may makukuha siyang benepisyo rito balang araw. Nakikita niya kasi ang kaniyang nanay na tumatanggap ng buwanang pensyon mula sa SSS kaya gusto rin niya na kapag siya ay tumanda ay makatanggap din siya ng SSS Retirement Benefit.
Isa namang hotelier dito sa Baguio si Ruel. Hindi niya inaasahang matanggal sa trabaho noong kasagsagan ng pandemic dahil nagsara ang pinapasukan niyang hotel. Mabuti na lang at may Unemployment Benefit – may natanggap si Ruel na P25,000.00 mula sa SSS.
Ilan lamang sina Cindy, Caloy, at Ruel sa mga nagpapatotoo na ang bawat halaga ng kontribusyon ay may kaakibat na benepisyo mula sa SSS. Maliban sa Maternity, Unemployment at Retirement benefit, mayroon ding Sickness, Disability, Death, at Funeral Benefit. May mga pribilehiyo rin na makapag-avail sa mga loan programs tulad ng Salary Loan, Calamity Loan, Pension Loan, at Educational Loan. Tandaan lamang na ang pag-avail ng benepisyo at pribilehiyo sa SSS ay base pa rin sa mga sumusunod na elibigility requirements gaya ng mga naitalang SSS contribution. Kaya naman paulit ulit naming pinapayuhan ang mga self-employed, voluntary, at OFW members na ipagpatuloy ang paghuhulog ng kontribusyon upang maiwasan ang gaps sa kanilang contribution records at makasigurong qualified sa mga benepisyo at pautang ng SSS.
Nais din nating linawin na ang SSS ay isang Defined-Benefit scheme. Ibig sabihin, ang halaga ng benepisyong matatanggap ay nakadepende sa halaga ng ibinabayad na kontribusyon. Kung mataas ang kontribusyong ibinayad sa SSS, asahan na mas mataas din ang benepisyo na kanilang matatanggap.
Bukod sa mga mga nabanggit na benepisyo at pribilehiyo, ang SSS members ay may pagkakataon ding mag-impok at kumita para sa kanilang kinabukasan. Noong nakaraang taon ay inilunsad ng SSS ang dalawang provident fund programs—ang WISP at WISP Plus. Ang WISP ay compulsory retirement savings mechanism para sa mga miyembrong nasa higit P20,000 ang Monthly Salary Credit. Samantala, ang WISP Plus naman ay voluntary provident fund na maaaring salihan ng kahit sinong SSS member, magkano man ang kaniyang MSC. Ang pinakamababang contribution sa WISP Plus ay P500.00 kada bayad.
Kaya’t para sa mga hindi pa miyembro ng SSS o kaya naman hindi na aktibo ang SSS membership, ngayong 2023 na ang pagkakataon para bigyang prayoridad ang inyong seguridad bilang isang manggagawa. Magpa-miyembro sa SSS o ipagpatuloy ang pagbabayad ng inyong SSS contribution gamit ang Payment Reference Number (PRN). Para sa karagdagang impormasyon kung paano kumuha ng PRN at sa kumpletong listahan ng SSS Payment Partners, i-access lamang ang mga sumusunod na link https://bit.ly/3i9KlQV at https://bit.ly/3IiE1kN.
Sana ay nagsilbing inspirasyon sa inyo ang kwento nina Cindy, Caloy, at Ruel. Inaasahan pa namin ang milyon milyon miyembrong magbabahagi ng kanilang “Kwentong SSS.” Sana, sa susunod naman ay kayo na mismo ang magbahagi ng karanasan para malaman ng lahat ang kahalagahan ng pagiging SSS member.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Inaanyayahan rin naming kayong makinig sa “Usapang SSS” tuwing Lunes, 10:30AM-11:30AM sa DZWT 540 kHz at manood sa live FB stream ng “MPBC DZWT Kumpletos Rekados.”