May kakilala ba kayong Job Order (JO) at Contract of Service (COS) workers na nagtatrabaho sa gobyerno? May programang binuo ang SSS para sa kanila – ang KaSSSangga Collect Program (KCP). Layunin nito na magkaroon sila ng social security protection habang temporary pa ang kanilang employment status sa local government units (LGUs), state universities and colleges (SUCs), national government agencies (NGAs) at local water districts (LWDs).
Bagama’t hindi sila sakop ng Government Service Insurance System (GSIS), ang tagapamahala ng social insurance para sa mga kawani ng gobyerno, maaari silang i-register bilang self-employed members ng SSS.
Sa ilalim ng KCP, responsibilidad ng participating partners na ikaltas sa sahod ng JOs at COS workers ang kanilang buwanang kontribusyon at i-remit ito sa SSS. Sa paraang ito, masisigurong naireremit kada buwan ang kanilang kontribusyon sa SSS dahil ito ang ginagawang basehan sa pagbibigay ng SSS benefits gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, death and funeral, pati loan privileges tulad ng salary at calamity loan.
Dahil sila ay mapapabilang sa Self-Employed category, ang JO and COS workers ay maaaring makatanggap ng karagdagang benepisyo mula sa Employees Compensation Program (ECP) sa panahong sila ay magkasakit, mabalda o mamatay habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Kung sakaling sila ay maging regular na kawani na ng gobyerno, maaari pa rin nilang ipagpatuloy ang paghuhulog ng SSS contribution bilang voluntary member habang sila ay covered na ng GSIS.
Kung sila naman ay lumipat sa pribadong sektor, “employed” na ang kanilang membership category sa SSS. Huwag silang mag-alala dahil nakatala pa rin sa SSS ang inihulog nilang kontribusyon noong sila ay JO o COS worker pa at itutuloy lamang nila ang paghuhulog ng kontribusyon sa SSS sa tulong ng kanilang employer. Salary deduction din naman ang proseso at makikita ito sa kanilang pay slip. Siguruhin lamang na i-check ang kanilang contribution records sa My.SSS Portal upang kumpirmahin na inireremit sa SSS ang kanilang kontribusyon.
Sa pinakahuling datos ng SSS Baguio, lumagda sila ng kasunduan sa 44 na KaSSSangga Collect Program partners at nairehistro ang higit 2,000 JO at COS workers.
Ang programang ito ay isa lamang sa napakaraming patunay na ang SSS ay nagbibigay ng “universal at equitable social protection” sa bawat manggagawang Pilipino. Kahit ano pa man ang kalagayan at katayuan sa buhay ay mapagkakalooban ng pantay-pantay na proteksyong SSS.
Para sa karagdagang impormasyon o katanungan tungkol sa loan program na ito, bisitahin ang USSSap Tayo Portal sa crms.sss.gov.ph, official social media accounts ng SSS – SSSPh sa Facebook, PHLSSS sa Twitter, MYSSSPH sa Instagram, Tiktok at YouTube, at MYSSSPH UPDATES sa Viber Community.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.