Mula sa pamunuan ng Social Security System (SSS) na pinangungunahan ng ating President and Chief Executive Officer, Aurora C. Ignacio, isang taos pusong pagbati sa inyong lahat ng Maligayang Pasko!
Hangad namin ang makabuluhan at mapayapang pagdiriwang ng araw na ito kasama ang inyong pamilya at mga kamag-anak. Nawa’y patuloy pa kayong biyayaan ng maayos na pamumuhay at malusog na pangangatawan sa susunod na taong 2020.
Para sa SSS, layunin din namin na kami’y makapagbigay ng mas maayos at mabilis na serbisyo para sa ating mga miyembro at sa kanilang mga benepisyaryo. Dasal din namin sa Panginoon na patuloy pang lumago ang pondo ng SSS para makapagbigay pa ng mga makabagong programa na makakatulong sa bawat manggagawang Pilipino.
====
SSS ON-LINE PAYMENT FACILITIES AT ANG PAYMAYA
Paalala pong muli sa ating mga miyembro na nais mag-file ng kanilang aplikasyon para sa SSS Salary Loan Program, maaari n’yo na itong gawin sa pamamagitan ng online transactions. Mag-rehistro lamang sa My.SSS Facility o kaya naman ay i-download ang SSS Mobile App sa Google Play Store kung saan maaari na kayong mag-file sa pamamagitan nito. Tandaan lamang na kinakailangan ay rehistrado rin ang inyong mga employer sa My.SSS Facility para agad na ma-confirm ang inyong mga online applications.
Ang pagproseso ng loan ng mga voluntary, self-employed at OFW members ay magsisimula matapos maipasa ang kanilang application online. Samantala, ang mga employed members ay kinakailangan ng sertipikasyon ng kanilang mga employers via online bago maumpisahan ang proseso ng kanilang loan application. Agad na may matatanggap na confirmation text ang member na nagsasabi ng status ng kanyang loan application.
Paalala rin sa ating mga miyembro lalo na ang ating self-employed, voluntary, OFWs at maging ang mga non-working spouse members na may pinakabago ng on-line facility ang SSS sa pamamagitan ng PayMaya. Ito ay inilunsad noong Disyembre 18, 2019 kung saan maaaring tumanggap na ng kontribusyon sa SSS ang naturang pasilidad.
Mag log-in lamang sa kanilang SSS Mobile App gamit ang kanilang My.SSS account user ID at password. Makikita na doon ang directional buttons para gamitin ang PayMaya.
Bukod sa nauna nating talakayan sa paggamit ng BancNet sa pamamagitan ng www.bancnetonline.com, UnionBank sa www.unionbankph.com at G-Cash facility, marami na talagang opsyon ang ating mga miyembro sa ating contribution payments.
Naalala ko lang ang isa kong bisita nitong nakaraang lingo sa SSS Baguio Branch. Itago na lang natin siya sa pangalan na Mercy na nagbigay-papuri sa ating mga online facilities ng SSS. Hindi kagaya ng manual transactions kung saan kinakailangan mo pang pumila at maghintay sa bangko, isang pindot lamang sa iyong cell phone ay maaari mong i-access ang iba’t-ibang mga transakyon sa SSS. Talaga nga namang napapanahon ang ating tema ngayong ika-62 taong anibersaryo ng SSS, “We Connect and Protect.”
Talagang napakabilis na pamamaraan na ang pagbabayad ng SSS contributions, 24/7.
Para naman sa mga SSS members na may BancNet online facility, gayundin ang mga ATM holders nito, mag log-in lamang sa www.bancnetonline.com. Wala itong registration, transaction fees, at extra charges. Kung may account ang miyembro sa UnionBank, maaaring magbayad online sa pamamagitan ng SSS Hub at sa www.unionbankph.com. Kung Globe o Touch Mobile prepaid users at postpaid subscribers, maaari rin nilang gamitin ang G-Cash facility. I-download lamang ang G-Cash App o i-dial ang *143# sa kanilang mga telepono para ma-access ito.
Sa pamamagitan ng online payments, agad na mai-post ang kanilang mga kontribusyon sa SSS. Huwag lamang kalimutan ang pag-generate ng Payment Reference Number (PRN) na kinakailangan para sa pagbabayad ng inyong mga kontribusyon.
====
Pinag-uusapan na din lamang ang mga kontribusyon sa SSS, muli naming ipinapaalala sa aming mga OFW members hinggil sa deadline ng kanilang contribution payments. Para sa buwan ng Enero hanggang Setyembre 2019, maaari pa ninyong bayaran ito hanggang sa last working day ng Disyembre 2019. Ang mga kontribusyon naman para sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre 2019 ay maaari pang bayaran hanggang sa last working day ng Enero 2020.
====
Bukas pa rin ang SSS sa pagtanggap ng aplikasyon para sa Enhanced Pension Loan Program (PLP) para sa ating mga retiree pensioners. Katumbas po ng 3, 6, 9 o kaya ay 12 buwanang pensyon ang maaaring hiramin ng ating retiree pensioners. Ang mga pensioners ay maaaring makakuha ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaari nilang bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon. Magsadya lamang sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar para sa inyong mga aplikasyon.
====
Magpadala po kayo ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph kung may mga katanungan kayo sa inyong SSS membership o records o may mga paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa ating mga susunod na column.