Marami pa rin sa ating mga kababayan ang pumupunta sa mga SSS branches para magparegister at kumuha ng Social Security (SS) Number. Ang pagkakaroon kasi ng SS Number ay unang hakbang para maging SSS member. Kaakibat ng mga numerong ito ang mahahalagang detalye ng miyembro gaya ng contact details at SSS information nito gaya ng membership status, contribution at loan records, pati na rin ang benefit at loan application status.
Subalit, hindi pa batid ng ilan na maaari nang kumuha ng SS number online sa ating SSS Website www.sss.gov.ph. Hindi na katulad ng dati na ang aplikante ay kailangan pang pumunta sa SSS branch, magfi-fill out ng application form, at maglalakip ng supporting documents. Ngayon, basta’t may internet, kahit nasa bahay man o opisina, maaari nang magka-SS number ang sinumang nais maging miyembro sa SSS.
Pumunta lamang sa www.sss.gov.ph. Makikita sa ibabang bahagi ng website ang “APPLY FOR AN SSS NUMBER ONLINE – Apply Now.” I-click ito para makapunta kayo sa page kung saan makikita ang iba pang mga instructions. Ilagay ang mga hinihinging detalye tulad nang pangalan, address, birthday, at iba pang impormasyon. May bahagi rin sa aplikasyon na kinakailangang i-type kung sino-sino ang inyong mga benepisyaryo. Ilagay ang mga legal na benepisyaryo ng SSS. Batay sa order of priority, itinuturing na primary beneficiaries ang legal na asawa at menor de edad na anak. Sumunod dito ang magulang ng namatay na miyembro bilang secondary beneficiaries; designated beneficiaries; at legal na tagapagmana.
Sa dulo ng inyong aplikasyon, kinakailangan ninyong mag-upload ng mga documentary requirements. Kabilang sa primary documents ay ang PSA Birth Certificate. Kung walang birth certificate, maaaring mag-upload ng anumang mga dokumento na maaaring kapalit ng birth certificate tulad ng Baptismal Certificate, Driver’s License, Pasaporte, PRC Card o Seaman’s Book. Kung wala pa rin kayong hawak na ID o dokumentong nabanggit ko, may lalabas na listahan ng Secondary Documents na maaari niyong ipasa para sa inyong aplikasyon.
Kapag natapos na ang uploading ng mga dokumento, lalabas na sa screen ang iyong SS number. Maaari mo na itong i-download at i-print. May matatanggap ka ring e-mail mula sa SSS tungkol sa iyong SS Number. Tandaan na ang mga dokumentong nai-upload ay iveverify pa ng SSS. Kinakailangan mo paring dalhin ang mga ito sa pinakamalapit na SSS branch.
Ang isang member ay dapat mayroon lamang na isang SS Number hanggang siya ay magretiro. Hindi na kailangang pang kumuha ng panibagong SS Number kung may bago kang trabaho. Maaari kasing magresulta ng delay o rejection sa inyong benefit claims dahil higit sa isa ang iyong SS Number. Kailangan munang i-cancel ang iba pang SS number bago i-proseso ang iyong benefit claims.
Iwasan rin na ibigay ang inyong SS number sa kung sino-sino dahil maaaring magamit ito sa kalokohan o scam. Naglipana ngayon lalo na sa social media ang mga nag-aalok ng kung ano-anong programa sa SSS at hinihingi ang SS number ng miyembro. Huwang na huwag ninyong ibibigay ito. Kung may transaksyon kayo sa SSS, mas maiging sa mismong branch kayo makipag-ugnayan o kaya ay sa lehitimo nitong webpage – ang www.sss.gov.ph.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.