Nabanggit ko sa isa sa mga nauna kong kolum na maging ang mga “extra” o “seasonal workers” ay pwedeng masakop ng SSS. Talakayin naman natin ang mga sinasabing “project employees” na kinabibilangan ng ating mga construction workers gaya ng mga mason, karpintero, o mga pintor sa mga construction business.
Sa isang kasong dinesisyonan ng Supreme Court, pitong mga trabahador ng Prime Mover Construction Development ang nagreklamo sa hindi pagbabayad ng kanilang kontribusyon gayung nagtrabaho sila na naturang kumpanya bilang mga mason or karpintero. Ang kaso ay bunsod ng pagkakatanggal nila sa trabaho. Nagfile sila ng kasong illegal dismissal sa Labor Arbiter at isinabay ang reklamong hindi pagbabayad ng kanilang SSS contributions.
Depensa ng kanilang employer, walang basehan ang reklamo laban sa kanya dahil ang mga nagsampa ng kaso ay mga tinuturing na “project employees” na kinukuha kada proyekto kung saan alam ng trabahador kung kelan ito matatapos. Ayon sa employer, hindi sakop ng SSS ang mga ganitong klase ng empleyado. Dagdag pa nito, dahil inabot ng walong taon bago naisampa ang kaso, hindi na ito maaring maifile dahil pinagbabawalan ito ng prinsipyo ng “prescription” at “laches”, mga depensang nagbabawal sa pagfile ng kaso dahil sa katagalan na hindi ito naipaalam sa mga kinauukulan at hindi naisampa sa takdang panahon na naaayon sa batas.
Naiakyat sa Social Security Commission (SSC) ang kaso kung saan nakialam ang Social Security System (SSS) para singilin ang construction company sa mga hindi naihulog na kontribusyon kasama na ang penalty.
Dahil naglabas ng desisyon ang National Labor Relations Commission (NLRC) na ang mga nagreklamong mga trabahador ay mga regular employees ng kumpanya, naglabas din ng Order ang SSC na nararapat lang na bayaran ng construction company ang SSS contributions kasama na ang penalty sa hindi pagbabayad sa nakatakdang due date ng pagbabayad. Umapila ang employer sa Court of Appeals gamit ang parehong argumento, na ang mga nagreklamo ay mga project employees na nagtatapos ang trabaho tuwing matatapos ang proyekto. Dahil dito, ayon sa employer, walang maituturing na “employer-employee relationship” kaya hindi rin sakop ng SSS ang kanyang mga mason at karpintero.
Itutuloy…