Isang umaga, hinatid ko ang aking limang taong gulang na anak sa paaralan. Naabutan ko ang isang grupo ng mga nanay na nagkukumpulan at nagku-kwentuhan. Inanyayahan nila akong sumali sa kanilang huntahan at napunta ito sa usapang SSS. Nalaman ko na halos lahat sila ay hindi pa miyembro ng SSS at pag-aalaga na lamang ng mga anak ang araw-araw nilang misyon. Mabuti na lang at may trabaho ang kani-kanilang mga mister na siyang bumubuhay sa kanilang pamilya.
Dito ko nabanggit ang tungkol sa Non-Working Spouse (NWS) coverage program ng SSS. Ang mga NWS ay mga ligal na asawa ng mga miyembrong employed, self -employed o Overseas Filipino Worker (OFW) na kasalukuyang naghuhulog ng kontribusyon sa SSS at inuukol na lamang ang kanyang buong oras sa pangangalaga ng pamilya at sa mga gawaing-bahay.
Sa ilalim ng NWS Program, maaari silang maging SSS member at magbayad ng kanilang buwanang kontribusyon. Ibabase ang buwanang kontribusyon ng NWS sa 50 porsyento o kalahati ng idineklarang buwanang sahod ng kanyang asawa. Kung ang kalahati ng idineklarang buwanang sahod ng asawa ay wala sa alinman sa monthly salary credit (MSC) na nakatala sa SSS Contribution Schedule, ang susunod na mas mataaas na MSC ang gagawing basehan. Ang coverage ng NWS ay nagsisimula sa buwan at taon ng unang pagbabayad ng kontribusyon.
Halimbawa, kung ang mister na isang technician ay sumasahod ng P15,000 kada buwan, ang MSC ng NWS ayn 7,500. Sa bagong Contribution Schedule, ang 7,500 ay katumbas ng P900 na kontribusyon kada buwan.
Maaari naman magpalit ang NWS ng MSC base sa kalahati o 50 porsyento ng idineklarang buwanang sahod ng kanyang asawa, na hindi na kinakailangang magsumite pa ng pruweba ng idineklarang sahod.
Samantala, ang NWS na wala pang Social Security (SS) Number ay dapat magparehistro gamit ang Personal Record Form (SS Form E-1). Kinakailangan ang pirma ng asawang nagtatrabaho sa E-1 Form bilang pagpapatotoo ng kanyang pagpayag na maging miyembro ng SSS ang kanyang asawa. Hindi din dapat lalagpas sa 60 taong gulang (hanggang ika-60 kaarawan) ang NWS, kung initial coverage. Ang mga may dati ng hulog sa SSS ay maaari namang magtuloy ng paghuhulog bilang voluntary paying member.
Tila marami sa atin na qualified maging NWS ang interesado at bumabalik sa pagbabayad ng kanilang SSS monthly contribution. Ngayong Enero hanggang Marso 2019, nasa 1,767 na ang rehistradong NWS. Tumaas ito ng 26.8 porsyento kung ikukumpara ito sa nakarehistrong 1,393 NWS ng kaparehas na panahon noong 2018.
Maaaring magbayad ng kontribusyon ang NWS kada buwan o quarterly sa pamamagitan ng over-the-counter (OTC) o online sa sumusunod na payment channels: SSS Tellering Facilities; Bank Partners tulad ng Asia United Bank, Bank of Commerce, Security Bank, Union Bank of the Philippines at Metrobank at sa mga Bayad Center branches. Maaari rin silang magbayad sa SSS branches na may tellering service.
Tulad din ng mga regular na miyembro, makatatangap din ng mga benepisyo tulad ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro at pagkamatay at pagpapalibing at loan privileges ang mga NSW. Basta’t ito ay pasok sa mga qualifying conditions ng bawat benepisyo at loan sa SSS.
====
Sa July 31, 2019 na po ang huling araw ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga self-employed, voluntary at non-working spouse para sa unang semestre ng 2019 (January to June 2019). Markahan na po ang inyong kalendaryo at huwag pong kalimutang bayaran ang inyong kontribusyon para maging kwalipikado kayo sa mga benepisyo at pribilehiyong hatid ng SSS.
====
Nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang katatapos na State of the Nation Address o SONA na ang SSS ay isa sa mga ahensya ng gobyerno na may pinakamataas na natatanggap na reklamo sa pamamagitan ng Hotline 8888. Naiintindihan namin ang pagkabigo ni Pangulong Duterte tungkol dito pero nais linawin ng SSS na hindi lahat ng natatanggap sa 8888 ay puro mga reklamo – ang ilan ay katanungan at paglilinaw mula sa mga miyembro.
Ayon sa datos, noong 2018 ang mga 8888 referred cases ay: 42% tungkol sa retirement, death, disability at funeral, 16.09% ay tungkol sa member loans, 13.22% ay tanong tungkol sa kontribusyon at ang natitirang bilang ay tungkol sa RTPC, membership, sickness/ maternity/ EC compensation, website/ online related at iba pang isyu. Noong 2018, pangalawa ang SSS sa mga government agencies na may pinakamataas na resolution rate. Ang pagkilalang ito ay mula mismo sa Linya ng Pagbabago sa ilalim ng Presidential Communications Operations Office o PCOO.
Ang average resolution rate ng SSS sa lahat ng 8888 cases noong 2018 ay 99.01%. Ibig sabihin nito, 9 sa bawat sampung reklamo o katanungan ay agad natutugunan ng SSS. Sa taong nabanggit, tamanggap ng 6,129 ang SSS ng 8888 referred cases. Bumaba na ito ng 43.69% mula sa 10,885 noong 2017.
====
Nais naming ipaalam sa aming mga pensioners na bukas po ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansyal. Inaanyayahan namin ang aming mga pensiyonado na nais mag-avail ng PLP na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
====
Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.