Ang Social Security System (SSS) ay sumasabay sa makabagong teknolohiya kung saan layunin nito ang pabilisin at padaliin ang lahat ng transaksyon ng ating mga miyembro. Kaugnay ng ika-62 taong pagdiriwang ng SSS kung saan ang ating tema ay “SSS @ Your Fingertips: We Connect and Protect,” lahat na halos ng mga transakyon mula sa pagkuha ng SS number ay on-line application na.
Upang tayo ay makapagbigay ng maayos at de-kalidad na serbisyo sa ating mga manggagawang Pilipino sa pribadong sektor, tayo’y naglunsad muli ng panibagong programa kung saan ating ipinatupad ang Real-Time Processing of Loans (RTPL) simula noong Nobyembre 11, 2019.
Ang RTPL ay programa ng SSS kung saan ang mga employer at miyembro ay makikinabang sa Real Time Processing of Loans Granting at Real Time Processing of Loan Payments. Layon nito ang mas madaling paraan ng pakikipag-transakyon sa SSS na may kaugnayan sa loan programs nang hindi na kinakailangan pang pumunta sa mga SSS branches. Sa madaling salita, Instant Loan at Instant Payments.
Sakop ng RTPL ang lahat ng mga employers, kabilang ang household employers at self-employed (at mga Informal Sector workers), voluntary at OFW members.Kinakailangan lamang mag-generate ng Payment Reference Number (PRN) kung saan ito ang magiging basehan ng kanilang pagbabayad sa loans.
Siyempre pa, unang-unang kailangang gawin ng miyembro ay ang makapagparehistro sa My.SSS Facility na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y gamit ang kanilang computer o smartphones (android o IOS device). Kung wala namang kakayanan ang member na maka-access sa internet, maaari silang magpunta sa alinmang sangay ng SSS na may E-Center facilities o Self-Service Express Terminals kung saan may empleyado ng SSS na tutulong sa kanilang web registration. Dito naman sa SSS Baguio, ito ay matatagpuan sa G/F.
Sa mga employers, napakadali na rin ang pagbabayad ng mga loan payments ng kanilang mga empleyado dahil kapag nakarehistro na sila sa My.SSS Facility at updated ang kanilang mga contact information lalo na ang kanilang e-mail address, awtomatiko na silang makakatanggap ng electronic loan collection list (e-LCL) kasama ng kanilang PRN na gagamitin nila sa pagbabayad sa SSS. Maaari na rin nilang i-edit ito kung may pagbabago sa halaga ng babayaran, atbp.
Sa bahagi naman ng ating mga self-employed, voluntary at OFW members, makakatanggap naman sila ng Statement of Account (SOA) sa kanilang e-mail address o kaya’y sa kanilang mobile number. Siguraduhin lamang ito na tama at updated.
Kahit din sa salary loan granting ay on-line na rin. Maaari rin itong gawin sa SSS Mobile App. Kinakailangan lamang na may bank account ang ating miyembro para madali nilang matanggap ang kanilang loan proceeds.Maaari rin silang mag-avail ng libreng Union Bank Quick Card sa mga branch ng SSS na may Thru-The Bank (TTB) on-site kiosks. Ipapakita lamang ang screenshot o print-out ng loan eligibility na kinuha mula sa My.SSS at bibigyan sila ng libreng UBP Quick Card kung saan ang corresponding savings account ay kailangan nilang i-encode sa kanilang My.SSS account.
Talagang napakadali na ng prosesong ito sa ilalim ng RTPL dahil tiyak na matutuwa ang ating mga miyembro at mga employer sa bilis ng pagbabayad at posting ng mga loan payments nila lalong lalo na ang pag-apply ng salary loans. Tandaan lamang na kinakailangang i-confirm ang loan ng kanilang mga empleyado sa loob ng tatlong (3) araw dahil may expiration ito.
Importante dito na malaman ng ating mga members na siguraduhing updated sa SSS ang inyong mobile number o kaya ay e-mail address dahil doon ipapadala ang PRN. Bukas naman ang mga tanggapan ng SSS para sa mga miyembro at employers na nais pang maliwanagan tungkol sa programang ito.
====
Nagtungo kami sa Atok, Benguet noong November 19 upang magsagawa ng information drive para sa mga empleyado ng munisipyo. Malugod kaming tinanggap doon na pinangunahan ni Mayor Raymundo Sarac. Sa isinagawang info drive, tinalakay namin ang kahalagahan ng pagiging SSS member para sa mga Job Orders at Contractual Employees na dumalo gayundin ang iba’t-ibang mga benepisyo at pribilehiyo na maaari nilang matanggap bilang miyembro ng SSS. Kaya naman naging masigasig ang aming grupo na magkaroon ng on-site registration para sa kanilang mga SS Form E-1 (Personal Data Record) applications. May ilang miyembro rin na nagtanong hinggil sa SSS Retirement Benefit Program.
====
Naging interesado rin ang ibang mga SSS Retiree Pensioners na mag-avail ng Enhanced Pension Loan Program. Marami sa kanila ang natuwa sa programang ito dahil alam nilang mas malaking halaga ang kanilang mahihiram at mas mababa rin ang interes kumpara sa mga pautang na ibinibigay ng iba’t-ibang private-lending companies. Kaya naman patuloy naming isinusulong ito lalo na sa mga pensyonadong nangangailangan ng agarang pinansiyal na tulong. Simula Oktubre 2019, makakahiram na sila hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon. Magsadya lamang sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar para sa inyong mga aplikasyon.
====
Nais ko ring magpasalamat sa lahat ng nakikinig sa ating mga programa sa radyo. Talaga namang nakakataba ng puso na marinig ang inyong mga saloobin, suhestiyon at mga katanungan tungkol sa inyong SSS. Nagpapatunay lamang ito na interesado kayo sa SSS at pinapahalagahan ninyo ang inyong kinabukasan at ng inyong pamilya . Kaya naman po, sa huling buwan natin sa ere ay lalo pa naming pupunuin ng impormasyon at kaalaman ang ating programa. Pakinggan kami tuwing Martes, alas 10:30 ng umaga sa DZWT 540 khz., kasama ko po diyan si Aleng Rosa Malekchan sa Kumpletos Rekados at tuwing Biyernes, alas 9:00 ng umaga sa Z Radio 98.7, kasama naman sina Edong Carta at Lolo Jimmy Luzano.
====
Magpadala kayo ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph kung may mga katanungan kayo sa inyong SSS membership o records o may mga paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa aking mga susunod na column.