Magandang araw po sa inyo diyan sa SSS.
Isa akong tagasubaysay ng inyong column na Serbisyong Sulit na Sulit. Nais ko sanang magtanong sa inyo tungkol sa calamity assistance na maaari naming matanggap bilang SSS members at pensioners dulot ng nagdaang lindol. Taga Abra po ang aking pamilya at isa ang aming bahay sa heavily damaged na property. Awa ng Diyos, wala namang nasaktan sa amin. Sana ay mabigyan niyo ng tugon ang aking katanungan. Salamat po! – Mario from Bangued, Abra.
Magandang araw, Mario. Kamakailan lamang ay inilabas na ang panuntunan tungkol sa SSS Calamity Assistance Program para sa mga naapektuhan ng lindol noong Hulyo. Sakop ng programang ito ang mga miyembro at pensyonadong naninirahan o nagtatrabaho sa probinsya ng Abra at dalawang bayan sa Mt. Province – ang Besao at Bauko. Ang mga lugar na ito ay idineklarang nasa State of Calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Dalawang klase ng tulong ang nakapaloob sa programa – ang Calamity Loan Assistance Program o CLAP at ang three-months advance pension para sa mga Social Security (SS) at Employees Compensation (EC) pensioners.
Para sa mga miyembrong nais mag-avail ng CLAP, dapat ay pasok sila sa mga sumusunod na requirements. Una, dapat ay mayroong ng My.SSS account ang miyembro at may aprubadong disbursement account sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module dahil online na ngayon ang pagsusumite ng calamity loan application. Pangalawa, dapat ay may hindi bababa sa 36 monthly contributions ang miyembro, anim rito ay naibayad at naipost sa loob ng 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon ng loan. Pangatlo, kung bago pa lamang ang miyembro sa kaniyang membership category – halimbawa, mula employed ay naging self-employed o voluntary, o kaya naman ay self-employed at naging employed, kinakailangang may anim na buwan siyang posted monthly contribution sa kaniyang bagong membership type o category.
Pang-apat, dapat ay residente siya o kaya naman ay may property siya sa lugar na na idinekalrang nasa State of Calamity. Ikalima, hindi pa dapat tumatanggap ng anumang final benefit tulad ng permanent total disability o retirement. Ika-anim, dapat ay walang outstanding loan sa ilalim ng Loan Restructuring Program o sa mga naunang Calamity Loan Assistance Program. Panghuli, kung ang miyembro ay employed, dapat ay i-certify muna ng kaniyang employer ang CLAP application sa pamamagitan ng My.SSS account ng employer.
Makakahiram ang miyembro ng katumbas ng average ng monthly salary credit sa huling 12 buwan. Maaari itong bayaran ng installment sa loob ng 24 buwan o dalawang taon at sisimulan itong bayaran sa ikalawang buwan matapos aprubahan ang calamity loan. Ito ay may interes na 10% kada taon hanggang sa matapos ito bayaran. Wala nang ipapataw na 1% service fee.
Ang loan proceeds ay derecho nang maidedeposito sa bank account ng miyembro na kanyang inenroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM).
Para naman sa mga SSS at EC total disability pensioners at retiree pensioners, maaari kayong mag-avail ng three-months advance pension. Bagama’t mano-mano ang filing nito, maaari namang i-file ang aplikasyon sa alin mang sangay ng SSS sa buong bansa dahil sa “File Anywhere Policy.” Kaya kahit nakatira ang pensyonado sa Maynila o sa Mindanao, subalit mapapatunayan na may bahay o property siya sa Abra, Besao o Bauko Mt. Province, maaaring mag-file sa pinakamalapit na branch kung saan siya naroroon. Kinakailangan lamang na maipakita ng pensyonado ng certification na nagsasabi na siya ay naapektuhan ng lindol. Maaari siyang kumuha ng certificate sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o NDRRMC.
Ang Calamity Assistance Program ay nagsimula na noong August 15 at magtatapos ito sa November 14, 2022.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.
###