Noong nakaraang linggo, inimbitahan ang inyong lingkod ng isang grupo ng mga vegetable vendors sa Baguio City. Nais nilang malaman kung ano ba talaga ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS at kung ano ang maitutulong nito sa kanila. Karamihan sa mga ito ay nasa 40 taong gulang pataas at halos buong buhay nila ay iginugol na sa pagtitinda ng mga gulay. Ilan din sa kanila ay dati nang miyembro ng SSS, subalit natigil ang paghuhulog ng kanilang kontribusyon dahil mas pinaglaanan nila ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sa aking pakikipag-kwentuhan, inisa-isa ko ang mga benepisyong maaari nilang matanggap sa SSS. May tatlong buntis sa grupo kaya natuwa sila nang malaman nila ang magandang hatid ng Expanded Maternity Benefit. Si Aling Trining, may iniindang sakit sa likod at pinayuhan ng doktor na kailangan siyang ma-operahan. Ngayong naintindihan na niya ang Sickness at Disability Benefit sa SSS, nakumbinsi ko siyang bumalik sa kanyang doktor para makapag-file ng claim sa SSS. Si Manang Rosario, namatay ang mister, tatlong taon na ang nakakaraan at hindi pa rin nakakapag-file ng Funeral at Death Benefit ng kanyang asawa, Sigurado naman siyang may SSS contributions ang kanyang mister at tiyak na may matatanggap siyang benepisyo sa ilalim ng Funeral at Death Benefit Program ng SSS.
Matapos ang aming mga usapan ay may namuong pag-asa sa bawat isa. Nakita ko ang masasayang ngiti sa kanilang mga labi na kahit hirap sa buhay, alam nilang may SSS na kanilang maaasahan.
Ang SSS naman ay nananatiling masigasig para gawing miyembro ang mga manggagawa mula sa Informal Sector na dumarami na rin ang bilang. Sila ang ating mga magsasaka, mangingisda, nagtitinda sa palengke, at iba pa. Layunin din ng ahensya na halos lahat ng Pilipino ay mabigyan ng social security protection sa oras ng kanilang pangangailangan o kagipitan.
Lingid sa kaalaman ng lahat, ang ating mga kababayan sa Informal Sector ay malapit din sa panganib. Dala rin ito sa uri ng kanilang pang araw-araw na trabaho kung saan nga may mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng pagkakasakit, pagkabalda o ‘di kaya’y pagkamatay. Sa kadahilanang ito, nais ng SSS na saklawin silang lahat dahil siguradong malaki ang maitutulong ng mga benepisyo at pribilehiyong kanilang matatanggap hindi lamang sa kanila kundi pati na rin sa kanilang pamilya.
====
Maliban sa mga miyembro ng Informal Sector, pinapalawig din ng SSS ang coverage sa mga Job Order at Contractual Workers na nasa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno. Sa katunayan, lumagda sila ng kasunduan o Memorandum of Agreement upang mairehistro sila bilang self-employed members ng SSS sa ilalim ng KaltaSSS-Collect Program. Hindi kasi sakop ng GSIS ang mga ganitong uri ng manggagawa sa gobyerno. Sa tulong ng programang ito, awtomatikong ikakaltas mula sa kanilang sahod ang kanilang SSS contributions. Kokolektahin naman ito ng SSS o kaya’y ire-remit ng kanilang ahensiya ang nakolekta sa pinakamalapit na SSS branch sa kanilang lugar.
Sa SSS Luzon North 1 Division, umabot na sa 103 Local at National Government Agencies ang nasa ilalim ng kasunduan sa SSS para saklawin ang kani-kanilang mga Job Orders at Contractual Employees na may 6,235 rehistradong miyembro sa kasalukuyan. ====
Mula sa ating inbox:
Dear SSS, Ilang taon po ba ang ibinibigay ng SSS para mag-file ng maternity benefit? Tatlo na po ang aking anak at kahit isa ay hindi pa ako nakakapag-avail ng anumang maternity benefit. Thanks po – Melinda, La Union
Hi Melinda, ang SSS Maternity Benefit ay may 10 taong prescriptive period mula sa petsa ng iyong kapanganakan o date of delivery. Sa iyong kaso, maaari mo pa ring i-file ang maternity benefit para sa iyong panganganak basta tumutugon sa mga sumusunod na kwalipikasyon: Una, nakapaghulog kayo ng hindi bababa sa tatlong (3) buwan sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng inyong kapanganakan; pangalawa, nakapagbigay kayo ng kaukulang notipikasyon sa inyong employer noong panahon na kayo’y employed o kung self-employed o voluntary member naman ay nakapagbigay din ng notipikasyon sa SSS. Samantala, ang halaga ng benepisyong makukuha mo ay batay sa lumang batas ng SSS na nakapaloob sa Republic Act 8282 dahil ang pagpapatupad ng Expanded Maternity Leave Law sa ilalim ng Republic Act 11199 (Social Security Act of 2018) ay ipinagtibay lamang noong March 11, 2019.
====
Patuloy pa rin ang pagtanggap ng SSS sa Pension Loan Program (PLP) para sa ating mga retiree pensioners. Makakahiram na po kayo hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon. Magsadya lamang sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar para sa inyong mga aplikasyon.
====
Patuloy na tumutok sa ating Usapang SSS sa radyo. Tuwing Martes, alas 10:30 ng umaga sa DZWT 540 khz., kasama ko po diyan si Aleng Rosa Malekchan sa Kumpletos Rekados at tuwing Biyernes, alas 9:00 ng umaga sa Z Radio 98.7, kasama naman sina Edong Carta at Lolo Jimmy Luzano.
====
Magpadala kayo ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph kung may mga katanungan kayo sa inyong SSS membership o records o may mga paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa mga susunod na column