Sa mga nakalipas na buwan, marami tayong natanggap na mga katanungan mula sa mga isinagawang information drive sa radyo at iba pang organisasyon tungkol sa SSS Maternity Benefit. Kaya naman sasagutin natin ang mga ito sa ating kolum para na rin sa kaalaman ng iba na may katanungan rin tungkol sa programang ito.
Manganganak ang misis ko sa December 2022. May matatanggap ba siyang Maternity Benefit sa SSS? Kumpleto naman ang hulog niyang kontribusyon. Salamat po! – Francis, La Trinidad
Voluntary member lang po ako pero natigil akong magbayad ng kontribusyon noong 2015. Manganganak na po ako sa August. May makukuha ba akong benefit? Thank you! – Myra, Tuba
Yung officemate ko, hindi nakapag-claim ng kaniyang Maternity Benefit dahil kulang daw ang kaniyang hulog na kontribusyon. Magkano po ba ang kailangang bayaran na kontribusyon para makapag-claim ng Maternity Benefit? Balak na rin kasi naming mag-baby ng hubby ko next year. Employed kaming pareho ngayon. – Trixie, Baguio City
Buntis po ako sa panlima kong anak, makaka-avail pa ba ako ng Maternity Benefit? – Samantha, Baguio City
Uumpisahan natin sa pagbibigay ng eksplanasyon kung ano ba ang SSS Maternity Benefit at kung ano ang mga requirements para dito.
Ang SSS Maternity Benefit ay cash allowance na ibinibigay sa mga miyembrong nanganak o nakunan. Dapat ay hindi bababa sa tatlong buwan ang kontribusyon ang miyembro sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng kaniyang panganganak. Sa kaso ng asawa ni Francis na manganganak sa December 2022, ang itinuturing na semestre ng panganganak ay mula July hanggang December 2022. Mula rito, dapat ay may tatlong buwang kontribusyon ang kaniyang asawa mula July 2021 hanggang June 2022.
Sa kaso naman ni Myra na manganganak sa August pero natigil sa paghuhulog noong 2015 pa, wala siyang matatanggap na Maternity Benefit sa SSS. Kinakailangan kasi na may hulog siya mula July 2021 hanggang June 2022. Kahit bayaran pa niya ang kaniyang 2nd quarter na kontribusyon (April-May-June) ngayong buwan ng July ay hindi na rin ito maibibilang dahil ang July ay pasok na sa semestre ng kaniyang panganganak. Pinayuhan ko si Myra na ituloy pa rin ang pagbabayad ng kaniyang kontribsuyon dahil bukod sa Maternity Benefit ay may iba pa siyang benepisyo na maaaring makuha sa SSS basta’t pasok siya sa mga qualifying conditions.
Sa kaso naman ni Trixie na isang employed member, kailangan niyang siguruhin na regular na binabayaran ng kaniyang employer ang kaniyang SSS contribution. Pinayuhan ko siya na gumawa ng My. SSS account para i-monitor ang kaniyang contribution records. Sana ay kumpleto din ang hulog mo kagaya ng asawa ni Francis para pasok ka sa tatlong buwang contribution requirement sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng panganganak.
Sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law, wala nang limit sa bilang ng panganganak para makatanggap ng Maternity Benefit. Magandang balita ito kay Samantha na kasaluykuyang ipinagbubuntis ang kaniyang ikalamang anak. Basta’t nasunod ang tamang bilang ng kontribusyon ay maaari kang makakatanggap ng benepisyo.
Para sa iba pang detalye ukol sa Maternity Benefit, maaari ninyong panoorin ang video tungkol sa SSS Maternity Benefit sa aming opisyal na YouTube channel gamit ang link na ito: https://bit.ly/3NW2tHN o kaya i-click ang link na ito para basahin ang karagdagang impormasyon sa aming SSS Website: https://portal.sss.gov.ph/maternity-benefit/
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.