Dumalo ako sa virtual retirement party ng isang kamag-anak ilang linggo na ang nakalipas. Kakaiba ito sa akin dahil bukod sa nakaharap ako sa computer habang nakiki-“party”, isa ata ako sa iilan na batang panauhin. Halos lahat sa mga dumalo ay mga retirado na rin o malapit nang magretiro. Kapansin pansin din ang banner na isinabit ng “host” ng party – “Goodbye Tension, Hello Pension”.
Totoo nga naman. Ang pagreretiro ay simbolo ng pagiging malaya ng isang empleyado mula sa stress na dala ng kanilang trabaho. Sa wakas ay may panahon na silang makapagrelax at namnamin ang bunga ng kanilang pagsusumikap. Pwede na silang solohin ng kanilang asawa at mga anak, pati na rin tuparin ang mga naudlot nilang mga plano at pangarap. Tunay ngang isang mahalagang kabanata sa buhay ng isang manggagawa ang pagreretiro.
Para sa mga SSS members, ang Retirement Benefit ang pinakahihintay nilang “biyaya” kapag sila ay magreretiro. Ang mga kwalipikadong SSS Retiree Pensioners ay tatanggap ng buwanang pensyon o lumpsum amount. Upang ma-qualify sa buwanang pensyon, dapat ay nakapaghulog ang miyembro ng hindi bababa sa 120 months na kontribusyon bago ang semestre ng pagreretiro. Halimbawa, kung magreretiro ngayong buwan ng August 2021, dapat ay may at least 120 posted contributions siya bago ang buwan ng April 2021. May option ang Retiree Pensioner na kunin ang advance 18-months kung nanaisin niya. Magsisimula siyang tumanggap ng monthly pension sa ika-19th month. Samantala, kung hindi nakumpleto ang 120 months na kontribusyon, hindi makakatanggap ng monthly pension ang retirado ngunit lumpsum amount naman ang kanilang matatanggap.
Dapat masunod ang mga sumusunod na kwalipikasyon pagdating sa edad: Una, nasa edad na 60 taon at nahiwalay na sa trabaho, nahinto sa pagiging self-employed/ OFW o household helper. Pangalawa, kung 65 taon pataas, kahit na nagtatrabaho pa o isang self-employed/ OFW o household helper. Pangatlo, ang mga miyembro na underground o surface mine workers na nasa edad na 55 taon o 60 taon para sa technical retirement at ang aktuwal na araw ng pagreretiro ay hindi mas maaga sa April 27, 2016. Ika-apat, ang mga miyembro na ang trabaho ay paghihinete o race horse jockey na sumapit na sa edad na 55 taon at ang aktuwal na araw ng pagreretiro ay hindi mas maaga sa May 24, 2016.
Nakadepende ang halaga ng retirement benefit sa tatlong bagay. Una, kung magkano ang ibinayad na kontribusyon. Mas mataas ang kontribusyon, mas mataas ang matatanggap na pensyon. Pangalawa, kung gaano katagal nagbayad ng kontribusyon ang isang miyembro. Minimum lamang ang sinasabing 120 months para mag-qualify sa retirement pension. Katumbas nito ay 10 taon lamang. Subalit, kung ang isang miyembrong nagtrabaho sa edad na 20 taon at nagsimulang magbayad ng kanyang SSS contribution, pagtungtong niya sa edad na 60 taon ay mayroon na siyang 480 months na posted contribution. Mas matagal nagbayad ng bayad ng kontribusyon, mas mataas ang matatanggap na pensyon. Ikatlo, nakadepende rin ang halaga ng matatanggap na pensyon sa outstanding loan balance ang isang magreretiro. Anuman ang naiwang balanse sa utang ay ibabawas ito sa kabuuang halaga ng matatanggap na pensyon. Kaya bago mag-apply ng Retirement Pension, mas maigi na bayaran muna lahat ang anumang mga outstanding loan balances para buong buo ang matatanggap na benepisyo.
Ngayon, ginawa nang online ang pag-apply ng Retirement Benefit. Sundan ang link na ito tungkol sa nakaraan nating kolum tungkol sa online filing https://baguioheraldexpressonline.com/online-filing-of-retirement-benefit-claim/.
Para sa mga magreretiro na o plano nang mag-file ng kanilang retirement benefit sa SSS, importanteng gumawa na kayo ng inyong sariling account sa My.SSS at i-enrol doon ang inyong bank account. Basahin lamang ang ilang paalala matapos i-click ang link na ito https://member.sss.gov.ph/members/registrationPages/memberE1.jsp
Marami na akong narinig na mga magagandang balita mula sa ating mga retiree pensioners. Bagama’t hindi kalakihan ang kanilang natatanggap, masaya pa rin sila dahil napapakinabangan nila ngayon nang husto ang hinulog nilang kontribusyon sa SSS, pati na rin ang kanilang inipon noong sila ay nagtatrabaho pa. Walang inaabalang mga anak, walang hinihingan ng gastusin sa pang-araw-araw, at may pagkakataon pa silang tuparin ang mga pangarap sa buhay, kasama ang kanilang pamilya. Iyan ang tunay na Goodbye Tension, Hello Pension!
===
Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan lamang ang SSS sa aming opisyal na Facebook page at YouTube channel sa “Philippine Social Security System,” sa Instagram sa “mysssph”, Twitter sa “PHLSSS,” o sumali sa aming SSS Viber Community sa “MYSSSPH UPDATES.” Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.